KABANATA 18: ANG DAKILA

894 50 2
                                    



NAKADUNGAW SI MOYMOY sa bintana ng tore ng kastilyo ni Wayan habang nakatingin sa palubog na araw.

"Minsan, naiisip ko, hindi ko rin masisi si Alangkaw kung nagdaramdam siya. Hindi natin naisip na sanay kasi siya na siya ang namumuno," sabi ni Moymoy habang nakatingin sa direksiyon na kinaroroonan ng Dalumdum.

"Dakila rin pala si Alangkaw," tugon ni Wayan. "Hindi ko akalain na magagawa niya iyon."

"Ang ibig sabihin, gusto niya ring mabawi ang mga Ginto ng Buhay kay Buhawan. Gusto niya ring mapawi ang sumpa para sa kapakanan ng mga tibaro," muling tugon ni Moymoy. Bumaling ito kay Wayan. "Ang sabi niya, kaya raw nagdesisyon siya na siya na lang ang mabulag kasi, ako ang may diwani. Ibig sabihin dapat lalo ko pang galingan para mapawi ang sumpa. Kasi nagawa ni Alangkaw na maging bulag. Hindi biro ang ginawa niya para sa mga tibaro."

Tumango sina Montar at Wayan.

Si Montar ang nagbasag ng sandaling katahimikan. "Moymoy, na kay Buhawan ang korona ni Ingkong Dakal. Ang ibig sabihin, dahil nalalaman niya ang lahat ng mga nangyayari—ang lahat-lahat tungkol sa mga nangyayari hindi lang dito sa Gabun kundi pati sa Amalao—ibig sabihin, napakamakapangyarihan niya."

Pinakawalan ni Moymoy ang hangin sa dibdib at tumango. "Hindi iyon ang laman ng isip ko, Montar. Kung papaano ko mabawi ang mga mata ng kapatid ko."

Malungkot na napatango si Montar.

SA PAGAMUTAN NG kastilyo ni Wayan na matatagpuan sa pinakailalim nito, naroon si Alangkaw, nakaupo sa isang katre.

Hinipan ng magkapatid na nunong manggagamot na sina Monang at Epang ang usok na nagmumula sa maliit na palayok papunta sa kinaroroonan ng mga matang dinaklot ni Buhawan. Walang-tigil ang dalawa sa pagbulong. Naroong tumingala silang dalawa, magharapan at parang nag-uusap—bumubulong-bulong ng mga salitang tibaro at pagkatapos ay muling hihipan ang usok patungo sa kinaroroonan ng mga nawalang mata ni Alangkaw.

Pagkaraan ng ikatlong pag-ihip sa usok na nagmumula sa palayok patungo kay Alangkaw ay bumalik na muli ang dalawang manggagamot sa susunod nilang gagawin. Itinuloy nila ang walang tigil na paghahanap ng sarisaring dahon, yerba, at kung ano-anong mga hayop na nakalagay sa mga garapong may likido na nakahilera sa mahabang estante na nasa dingding. Sa kanilang mga kilos, sadyang eksperto at sanay na sanay sila sa panggagamot. Naroong kukunin ni Epang ang dahon sa isang garapon, paghahalu-haluin iyon sa iba't ibang yerba na nanggaling sa iba pang garapon. Sa isa pang estante, naroroon ang mga garapon na may lamang iba't ibang klase ng maliliit na hayop na kakaiba. Ang lahat ng mga ito ay nakababad at lumalangoy-langoy sa malinaw na likido. Ang iba ay sumisinghap-singhap na parang hindi makatagal sa likido. Aamuy-amuyin ni Epang ang mga garapong iyon at magbubuhos nang kaunti sa piniling likido sa pinagkukuhang mga dahon at yerba at ilalapag sa mesa na kinaroroonan ni Monang. Didikdikin naman ni Monang ang mga kinalap ni Epang sa pandikdik, pagkatapos ay ngunguyain, iluluwa, ilalagay sa isang palayok at iluluto. Wala silang tigil sa pagbulong—kinakausap ang iba't ibang espiritu para tulungan sila sa panggagamot.

Napapikit si Monang at pagkatapos ay tumigil sa kanyang ginagawa. Huminga siya nang malalim.

Nilapitan ni Epang ang kapatid. "Bakit?"

Patuloy sa pag-iling si Monang at sumenyas kay Epang na huwag itong maingay.

Napatingin si Epang kay Alangkaw na nakahiga sa katre at pagkatapos ay bumulong kay Monang sa napakaliit nitong boses. "Bakit, Monang? Malaki ba ang problema natin?

"Oo," pabulong na sambit ni Monang sa maliit rin nitong boses. "Walang makakatulong kay Alangkaw."

Natigilan sila nang magsalita si Alangkaw. "Ano'ng sabi n'yo?"

Hindi makaapuhap ng sasabihin ang dalawang nunong manggagamot.

"Magsalita kayo. Ano ang pinag-uusapan n'yo?"

"Wala, Alangkaw," anang Monang na bantulot na nagsalita. "Pinag-aaralan namin ang lunas kung papaano ka uli makakakita."

"Kaya n'yo bang ibalik ang mga mata ko? Wala na akong mga mata. Kinuha ni Buhawan ang mga mata ko, paano n'yo iyon maibabalik?" tanong ni Alangkaw.

"Oo nga, eh," biglang napasagot si Epang. Tinakpan bigla ni Monang ang bibig ng kapatid at pinandilatan.

"Ay, Alangkaw, kakayanin namin, 'wag kang mag-alala," biglang salo ni Monang.

Natigilan sina Monang at Epang sa pagdating ni Moymoy, kasama sina Montar at Wayan.

Biglang sumalubong sa kanila ang magkapatid na manggagamot at ibinulong ang sasabihin.

"Si Alangkaw," halos sabay na sabi nina Monang at Epang.

"Bakit?" pabulong rin na tanong din ni Wayan.

Nanatiling nagbubulungan ang lahat habang sila ay nag-uusap.

"Mahirap," sagot uli ni Monang. "Lahat ay ginawa na namin. Lahat ng nalalaman namin sa panggagamot sa tulong ng mga espiritung nakakausap namin, lahat sila, sumusuko."

"Ano'ng sabi?" tanong ni Montar.

"Wala na raw pag-asang makakita si Alangkaw," salo ni Epang. "Paano naman, wala na ang mga mata."

Napakagat-labi si Moymoy. "Alam ko," pabulong din itong nagsalita. "Maski ang diwani ko, wala ring magawa."

Tinapunan ng tingin ni Moymoy ang kapatid na umupo na sa katre. Napalunok siya sa kaawa-awang hitsura nito—walang mga mata.

Pinakawalan ni Moymoy ang hanging kanina pa namuo na puno ng sama ng loob. "Papaano ko siya matutulungan?"

Humikbi nang tahimik si Monang. Napaiyak rin si Epang.

"Huwag kayong umiyak," sabi ni Moymoy. "Nagpapasalamat ako at ginawa n'yo ang lahat maibalik lang ang paningin ng kapatid ko."

"Patawad..." pabulong na sabi ni Monang.

"Patawad..." sabi ni Epang. "Wala kaming magawa, eh."

Naghari ang katahimikan. Larawan silang lahat ng pagkawalang-magawa.

"Moymoy," bulong ni Montar. "Makapangyarihan na nga si Buhawan. Nadiskubre niya ang iba pang kapangyarihan ng Ginto ng Buhay. Nabigyan siya ng diwani ng ginto. Kinuha pa niya ang korona ni Ingkong Dakal. May magagawa pa ba tayo sa sinapit ni Alangkaw?"

Tumango si Moymoy at tahimik na napaiyak. "Alam kong imposibleng makakita si Alangkaw kung hindi maibabalik ang mga mata niya. Hiningi ko ang tulong ng mga manggagamot kasi baka magamot nila si Alangkaw..."

Hinawakan ni Wayan ang balikat ni Moymoy. "Naiintindihan kita. Ganyan talaga. Gagawin mo ang lahat hanggang sa kahuli-huliang patak ng pag-asa, maisalba mo lang ang mahal mo sa buhay."

"Huminahon ka, Moymoy," malumanay na nagsalita si Montar. "Mag-isip tayo ng paraan."

Tumango si Moymoy. Muling tiningnan si Alangkaw. "Ipinapangako ko, babawiin ko ang mga mata ng kapatid ko kay Buhawan. Ipinapangako ko..."

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon