KABANATA 25: NABUNYAG NA LIHIM

895 48 8
                                    


SA MAHABANG HAGDAN ng palasyo ng Sibol Encantada ay hangos na umaakyat si Amihan. Hindi niya malaman ang gagawin nang isiwalat ni Buhawan ang matagal na niyang inililihim. Wala siyang kapaguran na nararamdaman, basta ang nalalaman lang niya—galit na galit siya at kailangan niyang makaalis.

Nang makarating sa pinakatuktok ng palasyo, biglang inilabas ni Amihan ang malalaki at malalapad na puting pakpak sa kanyang likuran. Lumipad siyang bigla paitaas.

Sa kanyang paglipad paitaas, ipinikit niya ang mga mata. Hanggang sa ang init na nagmumula sa araw ay unti-unting lumamig. Sa kalawakan, sa lugar na wala nang mga ulap, binuksan niya ang mga mata. Unti-unti siyang tumigil sa paglipad at ibinuka ang malalapad na pakpak.

"Buhawan..." bulong niya. Malaya niya iyong sinabi. Gusto niyang pakawalan iyon sa kanyang dibdib. Ang pangalang iyon.

Hanggang sa namalayan na lamang ni Amihan na nasa lugar siya ng kawalan. Hindi niya alam kung ano ang makikita pa sa paligid. Hindi niya alam ang hangganan ng kinalalagyan. Ginagalaw-galaw lamang ang mga pakpak pero kahit na hindi iyon ipagaspas ay mananatili siyang lulutang-lutang.

Hindi tayo karapat-dapat!

Pero gusto kitang maging asawa! Mahal kita!

Buhawan, isa akong diyos, isang Apo. Hindi tayo nababagay!

Mahal kita! Kailangang mapasaakin ka!

Mga salita na lang ang nanatili kay Amihan, pero matagal na niyang binura sa isip ang mga nangyari. Pero ngayon, ngayong isinawalat ni Buhawan ang pinakaiingatang lihim, bumabalik na parang nakikita niyang muli sa kanyang kinaroroonan ang mga nangyari noon.

SA GITNA NG malawak na karagatang iyon, may nag-iisang maliit na isla na parang isang nunal sa tubig. Halatang mahaba ang nilakbay ni Buhawan—pagod na pagod na umahon sa maliit na bangka. Pagkaapak niya sa napakaputing buhangin ay uminom siya ng tubig-dagat sa pampang.

Pumunta si Buhawan sa gitna ng isla. Sa isang dambuhalang bato, umupo siya at naghintay. Pinagmasdan ang papalubog na araw.

"Gumagabi na. Ang sabi niya, magkikita kami rito, bago pa man lumubog ang araw, darating siya." Sinabi niya iyon sa sarili dahil gustong tiyakin ang naging pakay sa pagpunta sa islang iyon.

Sa dambuhalang bato na kinauupuan ni Buhawan, nanatili siyang naghihintay. Kahit na inaantok na at pagod na pagod, hindi niya ipinikit ang mga mata.

"Sa nag-iisang isla sa karagatan ng Maragul tayo magkita." Natatandaan niya ang sabi ni Amihan nang huli silang magkita sa lihim na tagpuan nila.

Mula sa paglubog ng araw hanggang sa maglaho ang mga nagliliparang mga ibon sa kalawakan, hindi dumating si Amihan.

Hanggang sa ang araw ay unti-unti nang nawala sa kanluran. Hanggang sa bumalot ang gabi. Hanggang sa pati kalangitan ay nabalot na ng dilim; nawala ang mga bituin.

Tumayo si Buhawan. Nilinga ang paligid. Sa dambuhalang batong iyon ay may sumisibol-sibol na tubig na nagmumula sa pinakailalim niyon. Uminom siya roon. Napansin niya ang repleksiyon ng kanyang mukha mula sa liwanag na nagmumula sa buwan. Pinagmasdan niyang mabuti ang maamong mukha. Ang mapungay niyang mga mata, ang matangos na ilong, ang labi niyang mamula-mula. Ang kabuuan ng kanyang mukha.

"Ito ang kinalolokohan ng mga babae sa akin. Pero, kahit sino sa kanila, wala akong minahal. Ikaw lang, Amihan. Ikaw lang."

Tumayo si Buhawan. Nilingang muli ang paligid. Pinakiramdaman ang hangin at pagkatapos ay marahang pumikit.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon