Chapter 4

3.5K 68 0
                                    

Ilang araw na mula noong umalis sa Port of Batangas ang yate na sinasakyan nila. Kahapon, sa hindi malamang dahilan ay napagdesisyunan ni Ryme na dalhin siyang muli sa isla, taliwas sa naunang plano nito na hayaan lamang sa gitna ng dagat ang yate para hindi siya makalayo rito.

Pakiramdam niya ay unti-unti nitong tinitibag ang depensa niya sa maliliit na bagay na ginagawa nito. Lagi siya nitong ipinagluluto ng almusal, o kaya ay bigla siyang niyayakap kapag hindi niya alam na nasa likuran na niya ito. Kung minsan ay isasandal nito ang ulo niya sa balikat nito habang nakaupo sila sa buhanginan at naghihintay sa paglubog ng araw.

Posible ba na may nararamdaman talaga ito para sa kanya? Hindi niya alam kung bakit, ngunit ayaw niyang basta magtiwala rito. Nasaktan na siya nito noon dahil masyao siyang nagtiwala. Ngayon ay ayaw niyang umasa hangga’t maaari. Pero may posibilidad ba na magkaroon ng magandang resulta ang pagtitiwala niya rito kung sakali? Sa ilang araw na magkasama sila ay masasabi niyang hindi ito nagbago. Ito pa rin ang Ryme na nakilala niya noon—mabait, maalalahanin, pilyo, at ginagawa kung ano ang gusto. Halos wala itong ipinagbago maliban na lamang sa pagkamisteryoso nito. Hindi ito nagkukwento ng kahit anong may kaugnayan sa pag-alis nito noon.

“Hey, ano ba ang ginagawa mo d’yan?” putol ni Ryme sa pagmumuni-muni niya. Noon lang niya naalala na nasa kusina pa rin siya. Nagpaalam siya rito na kukuha siya ng tubig bago ito iniwan sa upper deck kung saan sila naglalaro ng Snakes and Ladders.

“W-Wala.”

“Ano’ng wala? Niloloko mo na naman ako, Jeremyah,” napapailing na sabi nito.

Ngali-ngaling sabihin niya rito na kaya siya nagtagal ay dahil iniisip niya ito. Pinigilan lang niya ang sarili dahil alam niyang lalaki tiyak ang ulo nito.

“Magluluto ako,” bulalas niya bago pa man siya makaisip ng ibang maidadahilan.

Sa pagkagulat niya ay bigla na lang itong humalaklak. Halos mamilipit na ito sa kakatawa kaya hinampas na niya ito sa balikat. “Ano’ng nakakatawa?!”

“Ikaw.” Itinuro pa siya nito. “Nagpapatawa ka kasi. Ano’ng magluluto? Ako pa ang lolokohin mo? Nakalimutan mo na ba na hirap na hirap kang papirmahan sa TLE teacher n’yo ang clearance mo noon. Kasi sinunog mo ‘yong baking pan na gagamitin sana ng mga sasali sa contest. Isinumpa mo noon na hindi ka magluluto hangga’t maaari dahil napahiya ka ng sobra sa crush mo.”

Nag-init ang mukha niya sa sinabi nito. Nakakahiya na ipinaalala pa nito sa kanya ang bagay na iyon. Sa isang banda ay natuwa siya dahil kahit maraming taon na ang lumipas ay natandaan pa nito ang pangyayaring iyon.

“Marunong na akong magluto ngayon!”

“Ows? Ano ang alam mong lutuin?”

“A-Ano…h-hotdog, sunny side-up egg—”

Mein lieber, kahit Grade 3 marunong magprito ng hotdog!”

“Hindi ko sinabi na ‘yon lang! Marunong din akong magluto ng sinigang.”

Nginisihan siya nito. “Ay, marunong din ako no’n. Kasi, sisiw lang ang paglalagay ng ingridients at pagpapakulo, ‘no?” Napailing ito. “Palagay ko, ni menudo ay hindi mo alam lutuin.”

“A-Ang y-yabang mo.” Kumibot-kibot ang mga labi niya, tanda na maiiyak na siya kapag hindi pa tumigil ito sa pang-aasar sa kanya.

Kinabig siya nito palapit dito saka ginulo ang buhok niya. “Ikaw naman oh. Biniro lang ng kaunti, iiyak na. Pikon ka talaga kahit kailan.”

“Hindi ako pikon!”

“Ayan, ayaw pang magpaawat. Para kang lasing na itinatanggi pa na lasing siya kahit buking na.” Niyakap siya nito. “’Wag kang mag-alala, tuturuan kitang magluto para ‘pag nagkaro’n tayo ng mga anak ay hindi kayo magutom kahit wala ako.”

If Ever You're In My Arms AgainWhere stories live. Discover now