Chapter 8

2.8K 78 2
                                    

Sa tulong ni Don Leon ay walang hirap siyang nakaluwas ng Maynila para makipagkita sa ama ni Ryme. Ipinagamit nito sa kanya ang isa sa mga kotse nito at ang driver nito ay pinasama nito sa kanya. Kahit maganda ang biyahe ay hindi siya nakatulog dahil sa kaba. Noon ay mas malapit siya sa ina ni Ryme kaysa sa ama nito dahil bihira niyang makita ang ama nito. Isip siya ng isip kung ano ang magandang sabihin dito ngunit sa tuwina ay nabablangko ang isip niya.

Dalawang araw ang nakakaraan ay tumawag siya sa hotel na tinutuluyan nito at nakipag-usap sa personal assistant nito. Humingi siya ng appointment para makasiguro siya na hindi siya makakaabala rito. Akala pa niya noong una ay hindi siya nito tatanggapin. Nahihiya siya rito dahil sigurado siyang alam na nito ang isyu tungkol sa kanila ni Ryme. Bilang isang European business tycoon ay sigurado na lagi itong nagbabasa ng mga pahayagan.

Nang dumating sila sa Imperial Hotel Makati ay nagulat siya nang salubungin siya ng personal assistant ni Tito Fritz sa lobby. Ang driver ni Don Leon ay nagpaiwan na lamang sa lobby ng hotel. Ang sabi nito sa kanya ay tawagan na lamang niya ito kapag handa na silang umalis. Habang ang personal assistant naman ay iginiya siya patungo sa linya ng mga elevator. Ayon dito ay sa Emperor’s Suite—ang pinakamahal na suite sa hotel—naka-check in ang matanda. Hindi na siya nagtaka.

Labinlimang minuto pa ang hihintayin niya bago ang appointment niya, ngunit pinapasok na siya ng personal assistant sa ginagamit na opisina ni Tito Fritz. Lalo siyang kinabahan nang pumasok siya sa opisina nito.

Kahit nakasara ang mga kurtina roon ay nabanaag pa rin niyang mabuti ang bulto ng matanda. Halos wala itong ipinagbago. Ito pa rin ang ama ni Ryme na natatandaan niya; parang hindi ito tumanda. Kamukhang-kamukha nito si Ryme, kaya habang naglalakad siya palapit dito ay tumatakbo ang isip niya. Marahil ay ganoon din ang magiging itsura ni Ryme kapag umabot ito sa edad na iyon. Magiging matikas pa rin si Ryme at mas mukhang bata sa tunay nitong edad. Pinigilan niya ang mapangiti.

“Tito Fritz…”

Humarap ito sa kanya, saka umahon mula sa kinauupuan nito. Humalik ito sa pisngi niya saka siya iginiya paupo sa sofa. Sa katapat na upuan niyon ito naupo. Ngumiti ito sa kanya ngunit hindi iyon umabot sa mga mata nito.

“It’s been so long, Jhemy. How are you? I heard that you’ve become a successful dermatologist now.”

“Life had been good to me, Tito. I got one of the things I really wanted. Nag-uumpisa pa lang po ako. But I can definitely say that all the efforts are now paying off.” Nginitian niya ito. “Kamusta na po si Tita?”

“She’s fine. Nasa Austria siya ngayon dahil nanganak ang daughter-in-law namin at tumutulong siyang mag-asikaso.” Tiningnan siya nito nang mataman. “Enough of that. Ang gusto kong malaman ay kung bakit narito ka. Not that I don’t want to see you, but it’s strange. Wala akong nakikitang dahilan para hanapin mo ako. At wala rin akong ideya kung paano mo nalaman na narito ako sa Manila, at sa hotel na ito.”

Sa halip na ipaliwanag kung paano niya nalaman na nasa bansa ito ay nagtanong na lang siya. “Gusto ko lang pong malaman kung sino ang nagbigay sa akin ng scholarship ko ten years ago. Natatandaan ko na nag-usap kami ni Ryme noon tungkol do’n. Sinabi niya na hihingi siya ng tulong sa inyo dahil marami kayong kakilala. At no’ng makumpira nga ang scholarship ko ay saka naman kayo umalis papuntang Germany. I didn’t get the chance to ask you who was that person.”

“No offense meant, hija. Pero bakit ngayon mo pa gustong malaman kung sino ang taong ‘yon? It’s been so long. Tapos ka na ng pag-aaral.”

“Alam ko po iyon. Pero gusto kong magpasalamat sa taong iyon. Tinulungan n’ya akong matupad ang isa sa mga pangarap ko. At sino ang makapagsasabi? Baka siya naman ang nangangailangan at ako naman ang makatulong sa kanya ngayon,” sabi niya.

If Ever You're In My Arms AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon