Prologo

60.7K 2K 182
                                    

Prologo

Tumingin si Ariadne sa bilog na buwan sa langit. Hindi niya pinansin ang sigaw ng mga taong isinusumpa ang kanyang kaluluwa papunta sa impyerno. Hindi na yata makapag-hintay pa ang mga ito at inuna nang sunugin ang kanyang katawan.

Nakatali ang kanyang mga kamay sa mahaba at matibay na kahoy. Ang kanyang mga paa ay nakatungtong sa pinagpatong patong na mga sanga. Nakapalibot sa kanya ang maalab na apoy at matapang na usok. Hindi niya inakala na sa ganitong paraan lang siya mamamatay.

Ngunit sa harap ng kamatayan ay nanatili siyang kalmado at matibay. Hindi niya ibibigay sa mga ito ang nais nitong makita. Ngumiti siya at tinignan ang mga taong nakapalibot sa kanya. Kanya kanya ng sigaw ang mga ito ng kanilang paghihinagpis.

"Ibalik mo sa akin ang anak ko!!!"

"Isa kang demonyo!!!"

"Mamamatay tao! Nababagay lang sa'yo ang masunog papunta sa impyerno!!!"

"Para sa lahat ng pagpapahirap at pang-aalipin mo sa amin!!!"

"Ito lang ang nababagay na katapusan sa isang katulad mo!!!"

"Sa wakas ay magiging malaya na tayo sa reynang katulad niya!!!"

"Para sa kalayaan ng kaharian ng Aestora!"

"Para sa bagong Hari at Reyna!!! Mabuhay!!!"

Hindi napigilan ni Ariadne na tumawa nang malakas. Ang mga hangal, sa tingin ba nila ay hahayaan niyang mapalagpas ang kalapastanganan na ginawa nila sa kanya?

Nang marinig ng mga tao ang malakas na tawa ng Reyna, bigla silang nakaramdam ng takot. Nakita nila ang mga mata nitong puno ng nag-aalab na galit. Kaagad silang napahakbang palayo sa nasusunog na babae. Walang nakapansin sa biglang pagdilim ng langit, kahit ang buwan ay nagtago sa likod ng mga ulap. Ang mga hayop ay nagtakbuhan, ang mga ibon ay lumipad palayo.

"Isinusumpa ko, magbabalik ako at pagbabayarin ko kayong lahat! Ni isa sa inyo ay walang makakaligtas sa paghihiganti ko! Bantayan ninyong mabuti ang mga pamilya ninyo dahil magbabalik akong muli para sa kanila! Hindi man ngayon o sa susunod na henerasyon, magbabalik ako! Kahit ang impyerno ay walang magagawa upang mapigilan ang aking ganti! Isinusumpa ko, mahal na prinsesa Maurilia at ang iyong pinakamamahal na prinsipe, lahat kayo ay magbabayad!!! Lahat kayo ay masusunog patungong impyerno kasama ko!!!" malakas na sabi ni Ariadne saka tumawa.

Lahat ay kanyang pagbabayarin. Buhay para sa buhay. Dugo para sa dugo. Hindi niya makakalimutan ang kanyang pangako ng ganti kahit sa kabilang buhay. Tanging kamatayan lang ang makakasagip sa mga taong nagpahirap sa kanya.

Nagimbal ang lahat ng tao sa narinig. Doon nila nalaman ang bigat ng kapalit ng parusa na ipinatong nila sa kanilang Reyna. Nabalot ng takot ang kanilang puso para sa kanilang mga anak, apo at susunod na henerasyon. Hindi nila maaaring hayaan na mamatay ang Reyna ngayon. Hindi maaaring mangyari ang sumpa. Ngunit bago pa makakilos ang mga tao, isang palaso ang lumipad at tumarak sa puso ng Reyna. Kaagad itong binawian ng buhay at tuluyan nang kinain ng apoy ang katawan nito.

Wala nang nagawa pa ang mga tao kung hindi ang panoorin ang paglago ng apoy.

Kahit namatay na ang Reyna, tila ba naririnig parin ng mga tao ang tawa nito. Nagpaulit ulit sa isip nila ang sumpang binitawan ng babae. Hindi nila maiwasan na matakot para sa pagdating ng ganti nito sa kanila. Walang nagkamali na balewalain ang sumpa. Sigurado silang darating iyon.

Walang nakakaalam kung kailan magbabalik ang Reyna. Ang magagawa nalang nila ay ang mag-hintay at mag-dasal na sana ay may magprotekta sa mga taong makakatanggap ng sumpang  binitawan nito.

Walang nakapansin sa lalaking nakatago sa dilim. Hawak ang isang itim na pana at nakamasid sa mga nangyayari. Puno ng lungkot ang mga mata nito habang nakatingin sa apoy na umaakyat papunta sa langit.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon