II - Paranoia

31.2K 1.5K 196
                                    


'Look a little closer in those delicate eyes - her heart's a wild creature and her soul's on fire.'


II – Paranoia


Isang bata na nasa edad sampung taon ang nakita ni Ariadne sa salamin na kasing tangkad niya. Mabilog ang mga mata na napapalibutan ng mahahabang pilikmata, maliit ang matangos na ilong at kulay rosas na mga labi. Itim na itim ang hanggang baywang na umaalon na buhok. Nakasuot siya ng puting pantulog – halos kasing kulay ng balat niya.

Humiga sa kama si Ariadne. Itinaas niya ang dalawang maiiksing braso. Maliliit na mga daliri, dalawang malambot na mga kamay. Hinawakan niya ang kanyang mukha. Walang sino man ang mag-aakala na isa siyang labing walong taong gulang na babae na nasa loob ng isang sampung taong gulang na katawan.

Mapait na ngumiti ang bata.

Binabawi na ni Ariadne ang anumang paghanga niya sa mundong ito. Dahil ang mundong ito ay hindi para sa mga katulad niya! Ang anumang kapangyarihan na meron siya ay biglang... naglaho.

Ang akala niya ay mabilis din niyang mababawi ang kanyang kapangyarihan kahit na nag-iba na ang kanyang katawan. Pero paano siya makakakuha ng enerhiya sa isang lugar na walang bahid ng mahika?! At bukod pa roon ay napakalayo nila sa kagubatan, paano siya makakahanap ng mga sangkap sa gagawin niyang lason?

Hindi siya makapaniwala! Hindi niya inaasahan na mangyayari ito sa kanya!

Ngayon, kailangan niyang gumawa ng ibang paraan. Kailangan niyang maligo sa liwanag ng buwan gabi-gabi. Ngunit matagal at mabagal ang proseso nito – hindi rin ganoon karami ang makukuha niyang enerhiya . Lumabas siya ng kanyang kwarto at pumunta sa veranda na nasa second floor ng bahay. Kahit sa ganitong paraan man lang ay makakuha siya ng enerhiya, kailangan lang niyang mag-tiis. Ngunit nang makita niya ang langit, kaagad siyang nadismaya. Bakit napakaraming matataas na gusali sa lugar na ito?! Ni hindi niya makita nang lubusan ang buwan!

Tumingin siya sa ibang direksyon, naghanap ng ibang anggulo kung saan pwede niyang makita nang buo ang buwan. Bumalik siya sa loob ng bahay at pumasok sa isang pinto na may hagdanan patungong attic. Puno ng mga kahon ang attic at ang ibang bagay ay natatakpan ng puting tela. Hindi umakyat sa attic si Addy dahil sa takot nito sa maaaring makita kaya naman ito ang unang beses na nakita ito ni Ariadne. Naghanap ng bintana si Ariadne at kaagad niya iyong binuksan. Nagpasalamat siya sa maliit niyang katawan dahil madali lang siyang nakalabas mula roon.

Nang makatungtong siya sa bubong ng bahay, doon niya nakita nang lubusan ang buwan. Sa wakas, nakaramdam din siya ng kaunting pag-asa!

Umupo siya kung saan pinaka-maliwanag, ipinikit niya ang mga mata at kumuha ng enerhiya mula sa buwan.

Kung may makakakita lang sa kanya ngayon, siguradong makakaramdam sila ng pagka-gulat at takot. Isang bata na nasa sampung taong gulang ang naka-upo sa bubong ng bahay na may dalawang palapag. Siguradong magtataka sila kung ano ang ginagawa nito sa gitna ng gabi!

***

"Good morning, Daddy!" masayang bati ni Ariadne kay Allan habang naghihintay ito sa hapagkainan. "Good morning din po, Tita."

"Good morning, Addy," bati ni Allan sa anak saka hinalikan ito sa noo. Umupo ito sa pwesto nito at uminom ng kape.

"Ano 'to?" tanong ni Nesta kay Cora – isang kasambahay – habang nakaturo sa baso ng juice sa tabi ng kanyang plato.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon