I - Adriane

38.8K 1.6K 200
                                    

I – Adriane

'The first casualty of war is innocence.'

Nang buksan ni Ariadne ang kanyang mga mata, isang nakasi-silaw na liwanang ang sumalubong sa kanya. Wala ang inaasahan niyang apoy ng impyerno kundi isang walang katapusan na lugar na nababalot ng purong puti.

Tumayo siya mula sa pagkakahiga at naglakad ng walang direksyon. Wala siyang ibang makita sa paligid kundi puti. Ano'ng klase ng lugar ang kinahantungan niya? Nagpatuloy siya sa paglalakad at nag-bilang sa isip upang malaman ang minuto at oras niya rito. Nang dumaan ang tatlong araw, tumigil siya at umupo. Hindi nagbago ang paligid niya, tila ba nasa iisang lugar lang siya at hindi umalis. Nasa gitna siya ng kawalan, nababalot ng puti. Ito ba ang parusa para sa kanya? Ang makulong sa lugar na walang oras at direksyon?

Paano ang mga taong kanyang parurusahan? Hindi na ba siya muli pang makakabalik sa lupa? Hindi maaari! Hindi niya hahayaan na mabuhay ang mga taong iyon nang hindi natitikman ang kanyang ganti! Nabalot man ng takot ang puso ng mga ito dahil sa kanyang mga sinabi, balewala iyon kung hindi niya maisasakatuparan ang kanyang sumpa! Hindi siya maaaring makulong sa lugar na ito habangbuhay!

Maya maya ay may narinig siyang iyak ng bata. Kung tumitibok lang sana ang kanyang puso, siguradong bibilis iyon dahil sa narinig. Bigla siyang nabuhayan ng pag-asa. Ito ang unang pagkakataon na may narinig siyang ingay sa lugar na ito.

Lumingon siya sa kanyang likod at nakita ang isang batang babae na wala naman doon kanina. Nakaupo ito sa sahig at yakap ang dalawang mga binti habang umiiyak. Nababalot ng puting liwanag ang katawan nito. Isa rin itong kaluluwa katulad niya.

"Sino ka?" ang malamig na tanong ni Ariadne sa bata. Alam kaya nito kung nasaan siya? Masasagot na kaya ang mga tanong niya?

Mukhang nagulat ang bata nang marinig siya. Tumingin ito sa kanya. Basa ang dalawang bilugan na mga mata nito, maliit ang ilong nito at mapusyaw na rosas ang kulay ng mga labi. Itim na itim ang buhok nito na naging dahilan kung bakit nagmukha itong maputla.

"S-Sino po kayo, Ate?" tanong nito at pinunasan ang basang mga pisngi. "Kayo po ba ang guardian angel ko?"

'Gardyan Eyndyel? Ano 'yon?'

"Nasaan po ang Mommy ko? Ayaw nya po ba akong makita?" tanong nito na tila iiyak muli.

"Alam mo ba kung nasaan tayo?" tanong ni Ariadne. Hindi niya pinansin ang mga tanong ng bata sa kanya. Ang mahalaga ay makahanap siya ng paraan upang makabalik sa lupa at pagbayarin ang mga pumatay sa kanya!

"Nasa heaven po tayo, Ate. Hindi nyo po ba alam? Sabi ni Yaya dito raw napunta ang mga namatay na. Tapos magiging angels sa langit katulad ni Mommy," malungkot na sabi nito.

'Heben? Mami? Saang kaharian ba nagmula ang batang ito?'

"Kaso bakit wala pa si Mommy?" tanong ng bata saka muling umiyak. "I want my Mommy!"

"Paano ka nakakasigurado kung saang lugar ito?" Ang alam ni Ariadne ay papunta siya sa impyerno. Paano siya napunta sa Heben?

"K-kasi namatay na po ako, Ate..." humihikbing sagot ng bata sa kanya. "Nalunod ako sa swimming pool namin. Si Tita, hindi niya ako tinulungan... Bad siya! Gusto lang niya si Daddy! Ayaw niya sa'kin kasi magkakaroon na sila ng baby. Huhuhu."

Nagulat si Ariadne nang biglang may lumabas na itim na usok sa bata at mabilis din nawala. Mukhang nagmula iyon sa galit nito. Tumingin si Ariadne sa kanyang mga kamay at nakitang nababalot siya ng itim na usok. Pareho silang namatay na pero ang bata ay nababalot ng puti at siya naman ay nababalot ng itim. Madaling hulaan kung ano ang ibig sabihin nito.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon