V - The Visitors

27.3K 1.3K 230
                                    

V - The Visitors


"My name is Adriane Belfidel. I am ten years old," ang sabi ni Ariadne habang nakatingin sa kanyang tablet. Ginagaya niya ang itinuro ng guro na nasa video. "I live with my Father. I am an only child. My Mother died two years ago. My step-mother passed away last week. Hmm. Kailangan ko bang sabihin 'yon? Siguro kailangan kong palungkutin nang kaunti ang boses ko sa huli."

Isang linggo na ang nakakalipas nang ilibing si Nesta. Hindi katulad ng inaasahan ni Ariadne, naging mabilis ang pagkakahanap sa katawan nito. Sa loob lamang ng tatlong araw, nai-ahon ang katawan nito mula sa lawa.

Noong araw na iyon, nakita niya kung paano umiyak at mag-wala ang ama ni Addy. Isang inaasahang reaksyon mula sa isang taong nawalan ng minamahal.

Gusto niyang maawa rito pero hindi niya magawa. Kasalanan din kasi ng lalaki kung bakit namatay sina Addy at ang Mommy nito. Ito ang nagpasok kay Nesta sa buhay nila. Dapat pa nga ay magpasalamat sa kanya si Allan dahil sa ginawa niya. Mas mabuting mawala na si Nesta sa buhay nila dahil kamalasan lang ang dala nito.

Nag-aksaya siya ng oras para tumulong, napaka-buti niya talaga! Pero aaminin niyang nasiyahan din naman siya sa laro nila ni Nesta. Iyon nga lang, mabilis din siyang nag-sawa. Dahil simula palang ng laro ay alam na niya ang kahihinatnan nito. Masyado itong mahina para sa isang katulad niya.

Hindi na masyadong lumalabas ng kwarto nito si Allan. Tanging alak lang ang laman ng sikmura nito. Hindi tuloy alam ni Ariadne kung makikialam siya. Kailangan ba niyang pigilan ito kung gusto na rin nitong mamatay? Wala naman silang napag-usapan ni Addy tungkol dito. Hahayaan nalang siguro niya ang desisyon sa lalaki.

Kung gusto na nga nitong mamatay, sino siya para pigilan ito? Pero siguradong magdudulot iyon ng problema para sa kanya. Lalo pa at mukhang marami ang naghahabol sa yaman nito. Kasama na rin ang kapatid nito sa labas na si Camille. Paano nalang siya kapag nawala na ito? Baka mahinto pa ang pagsasanay niya. Kailangan niya ng proteksyon nito habang mahina pa ang kapangyarihan niya.

Sa ngayon hahayaan nalang muna niya siguro si Allan. At ang isa pa, hindi ito ang problema niya.

Tatlong araw mula ngayon, pasukan na!

Nang malaman iyon ni Ariadne, hindi siya kaagad nakapag-isip. Kailangan niyang pumasok sa eskwelahan ni Addy... kasama ang ibang mga bata.

Kilala si Addy sa paaralan bilang masayahin at pala-kaibigan na bata. Pero hindi interesado si Ariadne na makisalamuha sa mga ito. Ang gusto lamang niyang gawin ngayon ay ang magpalakas ng kapangyarihan niya. Hindi niya gustong mag-sayang ng oras para magpanggap na si Addy sa harap ng maraming tao.

Pero ano'ng sasabihin niya kay Allan para payagan siyang hindi pumunta sa eskwelahan? Kung mas malakas lang sana ang kapangyarihan niya ngayon, siguradong magiging madali lang ang pag-kontrol sa isip ni Allan.

"ADDY!!!"

Napakunot ng noo si Ariadne nang marinig ang mga boses ng dalawang bata sa labas ng kanyang kwarto. Sunud-sunod ang katok sa pinto na sinamahan ng ilang pag-sipa. Simula nang dumating ang mga ito, palagi na niyang nila-lock ang kanyang pinto.

Nandito na naman sila.

Sina Danna at Danny, ang mga pinsan ni Addy. Mas matanda ang kambal ng dalawang taon at palaging pinapaiyak si Addy kapag may pagkakataon. Dumating ang mga ito upang makiramay, at nanatili kahit na tapos na ang libing.

Siguradong may ibang pakay ang kapatid sa labas ni Allan na si Camilla. At mukhang nakuha na nito ang gusto nito kaya't hinayaan nang manggulo ang dalawang anak.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon