Kabanata 5

102 7 0
                                    

Pumasok na tayo noon sa eskwela, kasama natin si Sandra. Pilit niya akong pinapasaya sa bawat biro na sinasabi niya, masaya naman ako dahil nakikita ko na sinusubukan niyo ang lahat huwag ko lang maramdaman na wala na si tatay sa tabi ko.

Tahimik akong pumasok sa silid-aralan natin, pati ako ay naninibago sa sarili ko sapagkat hindi naman ako ganitong klaseng bata hindi ba? Ako pa nga ang laging nagsasabi sa inyo na bawal ang malungkot pero ito ako, kinakain ng kalungkutan ang buong pagkatao ko. Pasensya na kayo kung naging mahina ako pero alam ko naman na pansamantala lang ito at alam ko rin naman na naiintindihan niyo ako.

Reses na natin noon, tahimik pa rin ako sa isang tabi. Alam kong iniisip niyo na ni Sandra kung ano ang gagawin niyo para ako ay pasayahin. Pasensya na kayo sa inaasal kong kalungkutan, pati kayo ay nahahawa. Akala ko rin noon na sakit lang ang nakakahawa, kalungkutan rin pala. 

Tinawag ako ng kaklase nating si Sonia, hindi ko alam kung anong meron at kinausap niya ako sa unang pagkakataon. Hindi naman niya laging ginagawa iyon, labis ang pagtataka ko at alam kong kayo rin ni Sandra ay ganoon. Sa sobrang pagtataka ko ay hindi ko na naiwasang hindi ko siya lapitan. Sabi ko noon sa sarili ko ay baka may kailangan siya sa akin at dahil mabait ako, handa naman ako na siya ay tulungan.

Kilala bilang isang mataray na bata si Sonia kaya naman lahat ay takot sakanya. Napag-usapan na natin na huwag na lang siyang pansinin dahil wala naman iyong ikakabuti sa atin, pero sana naman ay huwag niya iyon gawin sa akin. Hindi pa naman ako sanay sa away at ayaw ko rin ng may ka-away lalo na sa eskwela. Alam niyo iyang dalawa ni Sandra, kapag naiinis ako ay tatakbo lang ako papalayo at iiyak na lang kasi nasaktan.

Ngunit tama ang hinala ko, tinarayan niya ako at sinagawan sa harapan niyo ni Sandra at sa iba pang mga bata na naroon. Gusto ko na lang maiyak noong mga oras na iyon, hindi ko alam kung anong ginawa ko sakanya para gawin niya basta-basta sa akin ang ganoon.

 Sinabi niya sa akin na hindi na muling babalik pa ang tatay ko, anong karapatan niya na sabihin iyon sa harapan ko? Alam ko naman na hindi ako bibiguin ng aking ama pero namuo ng takot sa aaking puso noong mga panahon na iyon. Paano nga kung wala na palang balak na bumalik ang aking ama at sinabi niya lang iyon para kumalma ako sa pag-iyak ko noon sakanya?

Hindi ko na mabuka ang bibig ko dahil alam kong papatak na ang luha ko ano mang oras, inis na inis ako kay Sonia noon, hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sakanya. Gusto ko na lang magpakain sa lupa at lumayo kaysa ang marinig ang boses ni Sonia na nagsasabing hindi na babalik ang aking ama. Parang paulit-ulit na boses ang aking naririnig, wala akong ibang boses na naririnig kundi ang kay Sonia.

Nakita ko na gustong sabunutan ni Sandra si Sonia sa harapan ko dahil siguro ay gusto niya akong ipagtanggol laban sa batang babae na iyon. Nakita ko naman na pinigilan mo siyang gawin iyon, alam ko naman na ginawa mo lang iyon dahil gusto mong hindi na mas lalong gumulo pa ang away namin ni Sonia. Katulad ko, gusto mo rin ng tahimik. Kung maaari na pag-usapan na lang ay iyon ang gagawin kaysa ang mapahamak pa.

Ngunit nagkamali si Sonia ng kinalaban niya, hindi ak nalaban sa ibang bagay pero huwag lang talagang tungkol sa pamilya ko. Sa lahat ng ayaw ko ay idadamay ang pamilya ko, ang pamilya ko na wala namang ginawang masama sa pamilya ni Sonia. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas para gawin iyon sa kanya, itinulak ko siya at dahil doon ay bumagsak siya sa damuhan. Narinig ko pa ang maikling tawa ni Sandra noong nakita niya na nasaktan ko si Sonia pero agad nawala iyon dahil pinatulungan mo sa kanya ang babaeng umaway sa akin.

Pasensya ka na mahal ko dahil sa aking inasal, hindi ko rin alam kung bakit ko iyon nagawa, siguro dahil sa sobrang inis ko at dahil ayaw ko na dinadamay ang pamilya ko sa ano man na gulo. Kung ikaw naman ang nasa pwesto ko alam ko na iyon rin ang gagawin mo. Alam ko naman na naiintindihan mo ako kahit na papaano.

Dali-daling tumakbo ang kasama ni Sonia para pumunta sa principal at guro natin. Doon ay alam ko nang mapapahamak ako at pasensya na kayo ni Sandra dahil nadamay ko pa kayo sa inis ko kay Sonia. Alam ko din na gulat na gulat kayo sa ginawa ko, hindi ko naman iyon ginagawa noon pero siguro, hindi ko na rin napigilan ang galit ko lalo na tungkol ito sa pamilya ko.

Ito na nga ang kinatatakutan ko, napunta tayo sa guidance office at kinausap nila tayo doon. Hindi naman ako kinakabahan noong oras na iyon dahil alam kong nasa tama ako pero natakot ako sa nanay ko dahil alam kong ito ang unang beses na napatawag siya sa eskwela dahil sa kagagawan ko. Alam kong nagtataka din siya dahil hindi naman ako ganoong klaseng bata. Alam kong pag-uwi natin ay pagsasabihan niya ako.

Pag-uwi natin noon ay tama ang hinala ko, sa kotse pa lamang ay pinagsasabihan na ako ng nanay ko. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin para gawin iyon pero wala na akong magagawa dahil nangyari na ang lahat ng iyon. Ang alam ko lang sa isip at puso ko, ikaw ang kailangan ko noong mga sandaling iyon.


Para Kay Leonardo (Completed)Место, где живут истории. Откройте их для себя