19th Chapter

1.7K 54 2
                                    


HAWAK ni Chiya ang isa niyang braso at halos nakabaon na rin do'n ang mga kuko niya sa kamay sa buong oras na hinintay nila ang resulta ng eksaminasyon kay Rosalia. Masakit aminin pero natakot talaga siya nang matanggap ang tawag ni Rosa. Kahit ano pang gawin niya, kapatid niya si Rosalia. Hindi niya ito nakasama buong buhay niya pero nang unang beses pa lang na makita niya ito, alam niyang hindi siya galit dito dahil wala naman itong kinalaman sa kasalanan ng mga magulang nito.

Kinailangan ng mga ito ang tulong niya dahil kailangan ng sasakyan para mabilis na maihatid si Rosalia sa ospital sa kapitolyo ng Bulan. Mahigit apatnaput oras kasi ang gugulungin sa paglalakad at halos sampung minuto lang kapag may kotse.

Lumabas sa resulat na UTI ang dahilan ng pagkahimatay ni Rosalia. Binili niya ang lahat ng gamot na inireseta ng doktor. Pagkatapos niyon ay iniuwi na nila ang kapatid niya.

"Chiya."

Nagulat na lang siya nang may kung sinong humawak sa braso niya para marahan iyong alisin sa isa pa niyang braso. Kahit kasi ngayong nasa bahay na sila ay hindi pa rin niya maalis 'yon. Gano'n siya kapag natatakot o kinakabahan.

Nag-angat siya ng tingin kay PeeCee. Ito ang kasama niya buong biyahe dahil nagpumilit ito. Hinayaan na niya dahil nagmamadali siya.

Napailing si PeeCee habang nakatingin sa braso niyang kanina pa nasasaktan. "Look at your arm. Namumula na."

Tiningnan niya ang braso niya. Totoong namumula na iyon at bumakat pa ang mga kuko niya. No'n lang din niya naramdaman ang sakit, pero agad din iyong nawala nang marahang haplusin ni PeeCee ang mga marka. Nagulat siya sa malakas pa ring epekto ng init ng kamay nito sa sistema niya kaya binawi niya ang braso niya mula rito.

Para makaiwas dito ay pumasok siya sa loob ng bahay kung saan naroon si Rosalia na nakahiga sa kama, ang ama niya at si Rosa.

"Anak, salamat nga pala sa pagtulong sa'min. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung may masamang nangyari sa kapatid mo," sabi ng ama niya na nangingilid pa ang mga luha.

Nasaktan siya nang makita ang labis na pag-aalala nito para kay Rosalia.

Ngumiti siya ng mapait. "Iniwan mo kami ni Mommy para dalawang 'yan," sabi niya na ang tinutukoy ay si Rosa at Rosalia. "pero hindi mo rin naman pala kayang protektahan 'tong pinagmamalaki mong pamilya. Anong klaseng ama ka ba? Tingnan mo nga 'tong buhay na binibigay mo sa mag-ina mo. Anong pinagkakakitaan niyo? Ang pagtitinda ng gulay sa palengke? Ito lang ba ang kaya mo? How pathetic! Mabuti na lang at hindi ako ang pinili mong anak dahil hindi ko rin naman gugustuhing magkaro'n ng walang silbing ama!"

Isang malakas na sampal ang nagpahinto sa kanya. Sinampal siya ni Rosa. No'n siya tila natauhan. Aaminin niyang hindi rin niya alam kung bakit bigla niya nasabi ang mararahas na salitang iyon. Dala marahil ng galit at selos. Pero anuman ang dahilan, huli na para huminto pa siya.

Naramdaman niya ang paghawak ni PeeCee sa magkabila niyang balikat mula sa likuran na tila ba inalalayan siya dahil maaaring bumagsak siya sa lakas ng sampal ni Rosa.

Bumakas ang pagsisisi sa mukha ni Rosa na tila ba nabigla din sa ginawa nito. "P-patawarin mo ko, Chiya. Hindi ko sinasadyang gawin 'yon. Gusto ko lang kumalma ka dahil masasakit na ang mga sinasabi mo."

"Wala kang karapatang sampalin ako dahil ang mommy ko nga, hindi ako pinagbuhatan ng kamay!" Dala ng matinding galit kaya marahil nagawa niyang sumigaw sa mas nakatatanda sa kanya. Pakiramdam niya, hindi na niya hawak ang sarili niya.

"Chiya," saway ni PeeCee sa kanya.

Galit na inalis lang niya ang mga kamay ni PeeCee sa mga balikat niya saka humakbang palapit kay Rosa. "Masisisi mo ba ko kung gsabi nito ako ngayon? 'Yang asawa mo ang dahilan ng pagkasira ng buhay ni Mommy. Kung sana, minahal niya kami, baka sakaling hindi gsabi nito ang kinahantungan ng lahat."

My Boy PeeCee (A Twelve O'clock Romance)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon