chapter 7

3.5K 68 0
                                    


"O, ANO, buhay ka pa naman, di ba? Hindi lang buhay. Buong-buo ka pa rin. Kahit katiting ay hindi ka napingkawan nung pating," sabi ni Alaine. Nasa bangka na ulit sila noon.

"Ewan ko sa iyo. Hindi raw delikado ang mag-scuba diving. Eh may pating kaya," sagot ni Zoey.

"Hindi naman basta basta umaatake ang pating, kahit pa nga iyong great white shark na katulad nung nakita natin. Kadalasan ay kapag gutom lang sila o kaya ay kapag may naamoy silang dugo."

"Alangang tanungin ko pa siya kung gutom siya o nagda-diet," ganti niya.

"Pero kung nag-panic ka at biglang nagkakampay sa paglangoy eh posibleng umatake siya," anang lalaki. "Mabuti na lang at hindi ka nagpipiglas kanina."

Kaya pala bigla na lang siyang niyakap nito kanina. Para siguro iyon pigilan siya kung sakaling iniisip niyang maglalangoy bigla. Nakakagulat lang na nang maipaloob siya sa mga braso nito ay sandali niyang nakalimutan iyong tungkol sa pating. Muntik din siyang hindi makahinga ng tama dahil sa kakaibang emosyong biglang dumagsa sa kanya.

She suddenly felt very grateful to him. Hindi lang sa pagliligtas nito sa kanya sa pating kung hindi pati na sa mga karanasang ipinaparamdam nito sa kanya. Hindi siya nakatiis, napayakap siya rito.

"Thank you. Thank you!" usal niya.

"O, baka naman umiyak ka pa ni99yan," biro nito pero gumanti rin naman ito ng yakap sa kanya. Iyong mahigpit. Iyong parang kung puwede lang ay hindi na siya nito pakakawalan.

Maiiyak nga yata siya. The emotions she was feeling was overwhelming her. Para bang isang bagong mundo ang nabubuksan sa kanya dahil sa tulong ni Alaine na malagpasan niya iyong mga humahadlang sa kanya na tuparin ang mga gusto niyang gawin.

Naglaro sa isip niya ang number one sa bucket list niya. To kiss the guy I love on top of a mountain at sunrise. Nagulat siya. Hindi na kasi si Joey ang mukhang nakita niya sa imahinasyon niya. Hindi na ito ang inaasam niyang mahalikan sa tuktok ng bundok sa pagputok ng bukang liwayway kung hindi si...Alaine.

Napasinghap siya sabay kawala rito. May ibang gusto ang lalaki, di ba? Inamin nga nito sa kanya. At nakita pa niya mismo iyong babae. Kaya kung ano man ang ginagawa nito, hindi niya dapat bigyan ng malisya. Ito pa ba ang pag-iisipan niya ng kung ano-ano?

"Smile." Kinabig siya nito saka itinutok ang camera nito sa kanila. Pagkatapos, habang nagbibiyahe sila pabalik ng pampang ay panay ang kalikot nito sa cellphone. Hula niya ay nagpo-post ito ng mga pictures na kinunan nito.

Pagdating nila sa pampang ay inalalayan siya nito sa pagbaba ng bangka. Medyo madulas nga lang yata ang katig, di kaya ay lampa siya, paghakbang niya ay dumulas ang paa niya. Dahil hawak ni Alaine ang kamay niya, at tinangka rin nitong pigilan ang pagkahulog niya, nang malaglag siya ay nahatak niya ito.

Salamat na lang at puro buhangin sa bahaging dinaungan nila at walang mga bato. Kung hindi ay baka nabagok pa siya. Pero para na rin yata siyang nabagok dahil pakiramdam niya ay nakakita siya, hindi ng stars kung hindi ng lalaking sobrang kaaya-aya sa kanyang paningin.

Napadagan sa kanya si Alaine at ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa kanya. Kitang-kita niya ang itsura nito at parang ayaw na niyang alisin ang paningin dito. It was as if her eyes were opened to the fact that this guy is yummier than the one she was hoping to snare.

Ang tagal mo mag-loading, kantiyaw pa ng isang bahagi ng pagkatao niya. Oo nga naman, ang tagal bago niya na-proseso iyong mga nararamdaman niya para rito, kung ano ang ibig sabihin ng pagsisirko-sirko ng puso niya sa tuwing maiisip niya ito, lalo kapag napapalapit ito sa kanya. Pati na rin kung bakit kapag kasama niya ito ay parang mas maaliwalas, makulay at maganda ang buong paligid.

Love Search (completed)Onde histórias criam vida. Descubra agora