Chapter 3

5K 258 68
                                    

Ngayon ang unang araw ko sa eskuwela. Hindi ako excited at ang tamlay-tamlay ko ngayon dahil pa rin sa kahapon.

Bugnot na bugnot akong tumungo sa kusina. Naabutan ko roon si Agatha at Ate Ginny na masayang nagkukuwentuhan habang nagkakape.

"O, bakit ganiyan ang itsura mo? Para kang pinagsakluban ng langit at lupa?" bungad ni Agatha.

Sabog-sabog pa ang buhok ko at mukha pa akong bruha kaya tiyak na ang panget-panget ko pa ngayon. Baka may muta pa ako kaya tinanggal ko muna ito.

"Huwag mo sabihing lalaki ang dahilan? Si Eder ba?" turan naman ni Ate Ginny. Kumuha siya ng tinapay at isinawsaw iyon sa may kape.

Nagulat ako dahil ang laki na ng ipagbago ni Ate Ginny. Hindi na siya sosyal masyado. Natututo na siya kung paano mamuhay nang simple lang. Nakatutuwa lang para parte niya.

Naupo na ako sa may tabi ni Agatha sa may bandang kanan niya. Nakapangalumbaba lang ako sa lamesa habang nakatanghod sa tinapay. Mayamaya, hinagod ni Agatha ang aking likod.

"Hindi pinoproblema ang mga lalaki. Kung ayaw sa iyo, huwag mo nang ipagpilitan..."

Para bang sinampal ako ng katotohanan dahil sa pinabulaan ni Agatha. Noon pa man, hindi naman talaga ako nagustuhan ni Eder. Ngayon, hopiang-hopia pa rin ako. Kailangan ko na siguro siyang tigilan.

"Marami ka pang makikilalang lalaki riyan. Saka bata ka pa, i-enjoy mo lang kung anong oportunidad na dumating. Tingnan mo kami ni Agatha, kahit na wala kaming buhay pag-ibig, masayang-masaya kami. 'Di ba, Agatha?" ani Ate Ginny.

"Natumbok mo, Ginny!" saad ni Agatha. Nag-apir pa ang dalawa na tila ba nagkakasundo.

"Maraming salamat sa inyo. Medyo gumaan na ang pakiramdam ko," pahayag ko.

Tumayo si Agatha at pumuwesto sa aking likuran. Inilagay niya ang kaniyang mga kamay sa aking magkabilang balikat at bahagya itong pinipiga na tila ba minamasahe.

"Puwede ka rin naman naming turuan ni Ginny ng teknik kung paano makabibingwit ng lalaki," bulong ni Agatha.

Nanlaki ang mata ko dahil sa tinuran niya. Isang kindat naman ang pinakawalan ni Ate Ginny sa aming direksiyon.

"OMG! Hindi pa ako ready sa ganiyan..." naghuhuramentado kong tugon.

"Gaga, baka kung ano na naman ang iniisip mo riyan," wika ni Agatha sabay sabunot nang pabiro sa aking buhok.

"E kasi naman, 'yung tsuktyakan kyeme agad ang pumasok sa isip ko..." paliwanag ko.

"My gulay, nahahawa ka na sa amin. Papagalitan talaga kami ng ate mo kapag narinig niya iyang lumabas sa bibig mo," ani Ate Ginny.

"Naku, subukan niya lang. Aasinan ko ang dila niya," biro ni Agatha at nagtawanan kaming tatlo.

"Idol ko na kayong dalawa, kayo na talaga..." saad ko at nagtawanan ulit kami.

"O siya, kumain ka na riyan at may papasok ka pa. Kuwentuhan mo na lang kami bukas ng umaga kapag may nakilala kang boylet," sambit ni Agatha.

"Magpakasaya ka lang mamaya. Humanap ka na agad ng bagong crush. Palitan mo na si Eder..." segunda naman ni Ate Ginny.

"Loka-loka talaga kayo. Akala ko noon, seryoso kayo sa buhay. Salamat sa inyo dahil dinadamayan n'yo ako," wika ko.

"Asus, wala iyon. Pamilya na tayo rito kaya tayo lang din ang magtutulungan," saad ni Ate Ginny.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon