Chapter 4

4.6K 240 49
                                    

Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan matapos kong makaipon ng tapang. Alam kong mas matanda ako sa mga kaklase ko ngayon kaya hindi ako dapat matakot sa kanila.

Sa isip-isip ko, sila dapat ang sumunod sa akin at hindi ako ang maging sunud-sunuran sa kanila. Tinatatagan ko lang ang loob ko para mawala ang aking kaba.

Dalawang maliit na hakbang pa lang ang nagagawa ko nang biglang may magbato ng chalk sa aking direksiyon. Mabuti na lang at nailagan ko iyon agad kung hindi, baka tinamaan pa ako sa mukha.

Maloloko pala ang mga magiging kaklase ko ngayon. Hindi dapat ako magpadaig sa kanila.

"Ay, pasensiya na..." sambit ng isang lalaki na nakatayo malapit sa bintana. Mayroong nakataling panyo sa kaniyang noo habang nakatiwarik ang kaniyang buhok.

Isang pagak na ngiti ang aking itinugon bago ako tuluyang maglakad papasok sa loob ng silid.

Matapos kong dumaan patungo sa likuran, tatlong babae ang nagtsismisan . Walang preno sa pagtalak ang kanilang mga bibig at sinigurado pa nilang maririnig ko ang pag-uusap nila.

"May bago tayong kaklase..."

"Ngayon ko lang siya nakita sa school natin..."

"Makatagal kaya siya sa atin?"

Silang tatlo yata ang pinaka hindi ko makakasundo sa klaseng ito. Ang lalakas ng mga loob lalo na 'yung huling nagsalita, ako pa ang tatakutin nila.

Matapos iyon, balik na naman ang lahat sa kung anu-anong pinagkakaabalahan nila.

Nakatayo pa rin ako sa may likuran dahil naghahanap ako ng matinong mauupuan. Upuan mismo na maayos ang hinahanap ko kaso pare-pareho lang halos ang lahat ng nandito. Gawa sa kahoy at bakal ang mga upuan kaya kapag sumandal ka rito, para bang kakapit sa damit mo 'yung kalawang.

Gano'n kaluma ang mga upuan pero mapagtitiisan naman. Ilang sandali pa, apat na butil ng pawis ang lumandas sa aking mukha. Napakainit sa loob ng silid-aralan dahil apat na ceiling fan nga ang mayroon pero dalawa lang ang gumagana. Agad ko namang pinunasan ang pawis ko para hindi ako humulas.

"Miss, dito ka na lang sa tabi ko," pahayag ng isang babae sa aking bandang kaliwa.

Mahaba ang kaniyang buhok na lagpas balikat at medyo kulot ang dulo. Hindi naman siya mukhang maarte na babae, parang tipikal student lang din. Parang siya pa nga yata ang pinaka nice sa mga kaklase ko.

"Salamat sa pag-alok," tugon ko. Dumiretso na ako sa may tabi niya para maupo.

"Marion nga pala. Ikaw? Ano pangalan mo?" aniya habang may kinakalkal sa loob ng kaniyang bag. Hindi siya nakatingin sa akin at sa hinahanap niya nakatuon ang kaniyang atensiyon pero nakakabastos naman kung hindi ko sasagutin ang kaniyang tanong.

"M-morixette..."

Hindi ko mapigilang hindi mautal dahil hindi ko alam kung seryoso ba siya sa pakikipag-usap sa akin. Baka naman kasi assuming lang ako na gustong makipagkaibigan ni Marion sa akin pero hindi naman pala.

"Oh, cute name," aniya. Nakatingin naman siya sa akin nang sambitin niya ang katagang iyon pero parang may kakaiba talaga sa tono ng pananalita niya. Hindi ko alam kung tinutuya niya ba ako o ganoon lang talaga siya.

"Thanks," sambit ko.

Inayos ko na muna ang gamit ko at naglabas ako ng isang notebook at ballpen dahil malapit nang mag-time.

"Nandiyan ka lang pala sa may sulok. Hay, pinahirapan mo pa ako sa paghahalughog," wika ni Marion. Inilabas niya sa loob ng kaniyang bag ang bagay na kaniyang hinahanap.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon