Kabanata 8

7.8K 213 8
                                    

Huni ng mga ibon at banayad na paghampas ng alon sa paa niya ang muling nagpabalik ng diwa ni Aliah.

Unti-unti niyang iminulat ang mga mata na agad din niyang isinara dahil sa liwanag na bigla na lang sumalubong sa kanya. Naghintay muna siya ng ilang segundo bago niya muling sinubukang buksan ang mga iyon. This time ay mas naging pamilyar na siya sa sinag ng araw bagama’t naroroon pa rin ang pagkirot sa sentido niya.

Nang ganap na siyang makabangon ay pinagmasdan niya ang kapaligiran. Bukod sa malawak na karagatan at kasukalang nasa likod niya, wala na siyang ibang makitang palatandaan na nasa isang sibilisadong lugar siya.

At habang pinagmamasdan niya ang dagat, tila walang nagdaang unos na siyang dahilan kung bakit siya nasa lugar na iyon. Payapa na ang karagatan at nahawi na rin ang napakakapal na ulap kanina. Napatingin siya sa relong pambisig niya. Ayon sa aparato ay mag a-alas-kwatro na ng hapon.

Naupo siya saglit sa buhanginan at tinitimbang kung saan siya tutungo. Base sa nakikita niyang lokasyon niya ngayon, hindi malabong napadpad siya sa isang isla. At may posibilidad rin na hindi lang siya ang nag-iisang tinangay ng alon papunta sa islang iyon.

Ang kailangan na lang niyang pagdesisyunan ay kung saang direksiyon siya unang pupunta—sa kanan o sa kaliwa?

Pero bago pa man siya makapag-decide ay nakarinig siya ng kaluskos na nanggagaling sa likuran niya. Naging alerto siya at mabilis na dumampot ng isang may kalakihang kahoy na maaari niyang gawing pananggalang kung saka-sakali.

Abot-abot ang kaba niya habang mahigpit ang pagkakahawak niya sa kahoy na siya lang maaaring magligtas sa buhay niya kung sakali mang atakehin siya ng kung anong uri hayop na naninirahan sa islang iyon.

Pero sa halip na hayop ay isang lalaki ang nakita niyang lumabas sa kasukalan. At katulad niya ay may bitbit rin itong kahoy.

Hindi siya nagpa-kumpiyansa. Hindi siya sigurado kung isa rin ba ito sa mga pasaherong nakaligtas sa paglubog ng roro. Saglit na nagsukatan sila ng tingin.

Sa huli ay ang lalaki ang unang sumuko. Binitawan nito ang hawak na kahoy at itinaas ang dalawang kamay sa ere.

“I’m MJ. Isa ako sa mga nakaligtas sa paglubog ng roro kanina. I supposed isa ka rin sa mga pasahero kanina at hindi ka isang amazona na nagkukuta sa islang ito?”

Napansin niyang cultured ang paraan nito ng pananalita kaya hindi mahirap paniwalaang isa nga rin ito sa mga pasaherong nakaligtas sa hagupit ng bagyo kanina.

Ibinaba niya ang kahoy na hawak niya pero hindi niya iyon tuluyang binibitawan. Mabuti na iyong may pang self-defense siya.

Dream Catcher [ROMANCE/FANTASY]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon