Tahimik akong sumusunod sa mga kawal habang puno ng laman ang aking isipan. Alam kong malaking parusa ang kahaharapin ko ngunit sa unang pagkakataon ay hihilingin ko sa Diyos na sana kamatayan na lamang ang parusa ko. Tingin ko'y mas mapapadali ang lahat sa ganoong paraan. Wala rin namang mawawala sa akin. Kung ang pananatili ko rito ay magdudulot lamang ng kaguluhan ay mas gugustuhin ko na lamang ang mawala.
Ang bigat sa dibdib ko ay nadagdagan nang masilayan ko na ang bilangguan ng palasyo. Kung mamamatay ako ay kakayanin ko ba? Kung mamamatay ako ay mayroon bang mangungulila? Biglang pumasok sa akin ang mga taong itinuring ko nang pamilya at kaibigan sa panahong ito. Kaya ko nga ba silang iwan? Kaya ko nga bang maglaho ng tuluyan habang hindi nagpapaalam sa totoong ama ko sa kasalukuyan?
Napahinto ako nang lagpasan namin ang bilangguan kaya napahinto rin ang mga kawal.
"Hindi ba't doon ang bilangguan?" Turo ko sa nilagpasan naming bilangguan.
"Sumunod ka na lamang." Utos ng kawal kaya wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanila.
"Saan ninyo ako dadalhin?"
Hindi ako sinagot ng mga kawal kaya nanahimik na lamang ako. Sinundan ko ng tingin ang gusali kung saan kami nanunuluyan habang nilalagpasan namin iyon.
Napahinto ako nang huminto ang mga kawal. Tiningala ko ang matayog na tarangkahan na mahigpit na binabantayan ng mga kawal. Binuksan nila ang tarangkahan at bumungad sa amin ang mala-paraisong lugar. Tinahak namin ang arkong pinalilibutan ng iba't ibang uri ng bulaklak at nang makarating kami sa dulo nito ay lumitaw ang tagong lawa na pinalilibutan ng mga halaman at bulaklak. Sa harapan nito'y mayroong engrandeng mesa at upuan na para lamang sa dalawang tao.
"Doon tayo." Napalingon ako sa mga kawal nang makitang nauuna na pala sila kaya patakbo akong sumunod sa kanila.
Isang mahabang kahoy na tulay ang nakalapag sa lupa na siyang kumokonekta sa lawa at sa isang medyo malaking bahay. Dumaan kami sa tulay papunta sa bahay na iyon.
"Pumasok ka at huwag kang lalabas diyan." Utos ng mga kawal.
Kumunot ang noo ko. Dito ba nila ako balak na ikulong?
Naguguluhan kong binuksan ang pintuan at agad na tumama sa mga mata ko ang napakaraming painting na pumuno sa dingding.
Pinagmasdan ko ang mga painting at ang lahat ng ito ay may nakapintang babaeng nakatalikod. Iisa lamang ang hugis ng babae at nagkakaiba-iba lamang sa ayos ng kaniyang umaalong buhok. Iba't ibang tanawin ng Espanya ang kinahaharap ng babae sa iba't ibang painting. Mayroon pa ngang nakaharap ang babae sa napakatayog na kaharian ng Espanya habang tinatangay ng hangin ang buhok niya.
Napahawak ako sa dibdib ko nang parang may kumurot sa loob nito. Hindi ko alam kung bakit parang nagiging emosyonal ako habang pinagmamasdan ang mga painting na tila dinadala ang kaluluwa ko sa mga naka pintang lugar.
Hindi ko namalayang nakaupo na pala ako sa upuan habang pinagmamasdan ang mga ito na tila hinahanapan ng sagot ang mga tanong na nakatago sa likod nito. Umihip ng malakas ang hangin kasabay ng pagpikit ng mga mata ko.
Hindi ko namalayang tuluyan nang nilipad ng hangin ang utak ko at tuluyan nang nakatulog.
Nagising ako nang makaramdam ng bigat sa hita ko. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at napatingin sa kung anong nakadagan sa hita ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakaupo sa lapag si Javier habang natutulog sa hita ko.
Unti-unti siyang gumalaw nang maramdaman ang pagkilos ko. Pigil ang hininga ko nang mag-angat siya ng tingin sa akin.
"S-Su Alteza! A-Anong ginagawa mo rito?" Kinakabahan kong tanong.
BINABASA MO ANG
The Lost Prince Of Spain
Historical FictionShe's Leign Sevilla, an Archeology student who is very eager to know the history of some things. Ngunit anong mangyayari kung sa sobrang kagustuhan niyang matuklasan ang kasaysayan ay mapunta siya sa panahong nais niyang pag-aralan. Ang panahon kun...