5: ALL IMMORTALS MUST REMEMBER

2.1K 81 3
                                    

AJ

Nakatayo ako sa isang lugar na puno ng halaman at puno. Sa tingin ko ay nasa isang hardin ako. Mukhang pamilyar sa akin ang lugar na ito pero hindi ko alam kung saan ko ito nakita.

Nagsimula akong maglakad. Napansin ko na nakapaa lang pala ako. Manipis na damuhan ang aking natatapakan. Malakas na hangin ang bumubugso papunta sa direksyon ko. Maaliwalas ang langit. Hindi napupuno ng mga ulap. Naisip ko kung paano ako napunta dito.

"Ano ang ginagawa mo dito?" narinig kong tanong ng isang boses sa likuran ko.

Lumingon ako. Nakita ko ang isang ale na nakatingin sa akin. Maikli ang kanyang buhok at bahagyang bilugan ang pisngi. May katabaan siya at nakasuot ng isang daster. May hawak siyang isang basket ng mga gulay. Mukha siyang pamilyar sa akin.

Lahat ng nakikita ko ay mukhang pamilyar sa akin.

Napakamot ako ng ulo. "Uhm, hindi ko alam kung bakit ako naririto. Pwede po bang malaman kung nasaan ako?" tanong ko.

Napakunot ng noo ang ale. "Naliligaw ka ba iho?" tanong niya.

"Hi-hindi ko rin po alam," mahina kong sagot. Nasaan na nga ba ako?

Ngumiti ang ale. "Ako pala si Savannah. Nandito ka sa Aurora, iho. Anong pangalan mo?" tanong niya.

"AJ po," sagot ko. Mukha ring pamilyar sa akin ang kanyang pangalan at ang lugar na ito.

Tumalikod ang babae. "May anak din ako na AJ ang pangalan. Gusto mo ba munang sumilong sa bahay ko habang inaalam mo kung paano ka napunta dito? Bibigyan kita ng maiinom."

"Uhm, salamat," wika ko.

Nagsimulang maglakad ang ale. Sumunod lamang ako sa kanya. Tirik ang araw at nagsisimula na akong pagpawisan. Napansin ko rin na wala nang mga damo sa dinadaanan namin, puro matigas na lupa na lang. Nararamdaman ko ang init sa aking mga paa pero iniinda ko na lamang iyon.

Bumungad sa akin ang isang bahay na gawa sa kawayan at pawid. Naaalala ko ang mga tipikal na bahay-kubo na nakikita ko sa mga larawan. Maihahalintulad iyon sa nakikita ko ngayon.

Mabilis na pumasok ang ale at sumunod ako. Pagpasok ko sa bahay, natigilan ako. Nandito na naman ang pakiramdam na para bang nakapunta na ako dito. Pamilyar sa akin ang lugar ito. Napuntahan ko na ba talaga ito?

Dumiretso ang ale sa isang silid. Wala akong nagawa kundi umupo na lamang sa kalapit sa upuan na gawa sa kahoy. Tumingin ako sa paligid. Lahat ay gawa sa kahoy. Mahusay na ginawa at binuo. Varnished din. Nasa abante kaming mundo pero tiyak na makaluma pa rin ang pamumuhay sa nayon na ito.

Simple lamang ang lahat. May isang malaking mesa sa kanang bahagi ng bahay. Nakikita ko din doon ang mga lutuan. Nandoon ang kusina. May isang drawer na puno ng mga picture frames sa tabi ng inuupuan ko. May cabinet naman sa upuan sa aking harap. May isang coffee table sa pagitan ng dalawang parihabang upuan na iyon. Payak na pamumuhay. Parang ako. Parang ang buhay ko.

Lumabas ang ale mula sa silid. May dala siyang isang baso at pitsel. Iniligay niya iyon sa coffee table na gawa sa kahoy. Umupo siya sa upuan na kaharap ko.

"Baka nauuhaw ka na," wika niya.

"Hindi naman po. Salamat," sagot ko. "May kasama po kayo dito?"

Ang kaninang nakangiti na ale ay napalitan ng isang malungkot na ginang. Nagbago ng mabilis ang kanyang ekspresyon sa mukha. May naaalala siya na alam ko'y hindi na dapat niya naaalala.

"Mag-isa na lang ako. Namatay na ang aking asawa. Ang anak ko naman..." Napatigil ang ale at nagsimulang umiyak. Gusto ko siyang yakapin at patahanin ngunit may pumipigil sa akin. Hindi ko na talaga maintindihan kung ano ang nangyayari sa akin.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now