10: IN CAPTIVITY

1.8K 71 6
                                    

MATT

 

“Bumangon ka lagi nang may paninindigan at tapusin mo ang araw bilang isang mabuting tao.” Iyon lagi ang sinasabi sa akin ng aking ina nang nabubuhay pa siya. Hanggang ngayon ay ginagawa ko ‘to. Pinipilit kong maging isang mabuting tao. Sa kabila ng kalupitan ng mundo at sa napipinto nitong katapusan, patuloy kong sinusunod ang pangaral ni ina sa akin. Hinding hindi ako magiging katulad ng aking ama na si Dr. Tomou.

Matapos ang araw na iniligtas ko mula sa Fumetsu ang mga imortal ay nakalagi na ako sa isang maliit na silid na ‘to. Puting pader at pintuan lamang ang aking nakikita. Sa malamig na sahig ay doon ako natutulog. Kasama ko lamang ang isang puting kumot na nagbibigay init sa akin sa mga panahong malamig ang paligid.

Simula nang mahuli ako at mabaril ay wala silang ginawa sa akin. Agad nila akong inoperahan upang alisin ang bala sa akin at piniit lang nila ako sa lugar na ‘to. Hindi ko na alam kung ilang araw o linggo na ako nandito dahil tila mabagal ang oras habang ako’y nasa silid na ‘to. Patuloy ang pagsakit ng aking katawan. May mga pasang hindi ko alam kung saan nagmula. Laging may dumadating na mga nars at doktor para ako’y tignan ngunit ayaw kong makipag-cooperate sa kanila.

Ayaw kong magkaroon ng utang na loob sa kanila.

Nakarinig ako ng katok sa pintuan. Napatingin ako doon. Sinubukan kong tumayo ngunit hindi ko magawa. Ang tanging nagawa ko lamang ay umupo at sumandal sa pader. Hinintay ko na bumukas ‘yon at tumambad sa akin si Sergio na may kasamang dalawang bodyguard. Isang lalaking may buhok na nakasuklay pagilid sa kaliwa at isa namang kalbo. Pumwesto sila sa likod ni Sergio at nagbantay sa tanging labasan at pasukan ng silid.

Naka-suit-and-tie si Sergio, mukhang galante sa kanyang kasuotan ngunit sa loob-loob ay nakatago ang isang maduming katauhan. Nakaramdam ako ng matinding galit nang makita ko siya. Nakakuyom ang aking mga kamay, pinipigilan ang sarili na magwala at atakihin.

“Bakit hindi mo pa ako pinatay?” tanong ko. “Napuruhan na ako. Isang bala lang sa ulo ko, matatapos na ang problema mo.”

Binabato ko siya ng masamang tingin ngunit tila hindi siya naapektuhan. Bagkus ay nakangiti lamang siya na parang nanalo siya sa isang malaking patimpalak. Lumapit siya sa higaan kung saan ako nakalagak. “Akala mo ba, madali kang makakaalis sa pagtataksil mo sa akin at sa Fumetsu? Nagkakamali ka, Matt. Hinayaan kitang mabuhay dahil gusto kong maranasan mo ang magiging resulta ng ginawa mo.”

Ayaw kong ipakita sa mukha ko ngunit nakakaramdam na ako ng kaba. Hindi ko ito nararamdaman noong mga panahon na pabalik-balik ako dito sa Fumetsu bilang isang espiya. Marahil sa walang nakakahuli sa akin noon. Marahil nasa hindi magandang sitwasyon ako ngayon.

“Ano naman ang gusto mong gawin?” tanong ko.

“Simple lang naman. Gagamitin lang naman kita sa mga plano ko. We traced the places you’ve been for the past few days. Alam kong may pinupuntahan kang refuge center kung saan may mga survivors. I have this huge idea that you’re spying on us for them. Doon ba papunta ang mga immortals na nakatakas?” Mukha siyang kaswal na para bang nakikipag-usap lang siya sa isang kaibigan.

“Wala akong sasabihin sa’yo!” bulyaw ko. Kahit anong gawin nila ay wala akong aaminin. Pro-protektahan ko sila laban sa Fumetsu at gagawin ko ‘yon hanggang sa kamatayan ko.

Itinaas ni Sergio ang kanyang mga kilay. Halata ang mga linya sa kanyang noo. Senyales ng stress at katandaan. Naaalala ko si Dr. Theo, ang kanyang anak, sa kanyang hitsura. Ngunit magkalayo sila ng prinsipyo at pananaw sa buhay. Sayang nga lang at ang mabuti pang katulad ni Dr. Theo ang kailangang mamatay.

“So mas gusto mo pang protektahan sila kaysa sa amin? Ano bang mayroon sila na wala ang Fumetsu Corporation?” tanong niya. Alam kong galit na siya.

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now