15: OPENING WOUNDS

1.7K 73 13
                                    

KATIE

 

Lumabas kami ng Building B nang makarinig kami ng isang malakas na pagsabog. Nakaramdam kami ng matinding pagyanig sa kalupaan at isang nakakabinging pagsabog. Dahil doon, kami’y nawalan ng balanse at natumba. Una kong naisip si Ronald at inalalayan ko siya. Si Dr. Janis naman ay inalalayan si Rainier na siya’y katulong ko sa pag-alalay kay Ronald. Nabalot kami bigla ng abo at alikabok. Nang masinghot ko’y hindi ko mapigilan ang umubo. Tila nasusunog ang aking baga.

“Ano ‘yon?” narinig kong tanong ni Rainier.

“Wait lang,” sabi ko sa kanila sabay tayo. Sumugod ako sa pinagmulan ng pagsabog. Doo’y naabutan ko ang mga tao na nasa sahig at walang malay. May mga tao na umiiyak at tila wala sa sarili. May mga humihingi naman ng tulong. Nang tumingin ako sa pinagmulan ng pagsabog, ako’y natulala.

Nandito na sila. Nakapasok na sila.

Hindi ko maialis ang mga mata ko sa aking nakikita. Puno ng abo ang paligid. Hindi magkamayaw sa pagtakbo ang mga tao. Wala nang kaayusan sa Salvador. Nakapasok ang mga kinatatakutan namin. Nandito lamang ako nakikinig sa sigawan ng mga tao. Bahagyang nagulat. Bahangyang naparalisa. Wala kaming kaalam-alam na ganito na ang mangyayari.

Naririnig ko ang pagtawag sa akin ng mga kasama ko pero hindi ko sila pinapansin. Nakapokus lamang ako sa nasirang parte ng Salvador. Doon ay nagsisimulang pumasok ang mga carrier. Hindi sila mabilang at nagsisimula silang tumakbo papunta sa pwesto namin. Nagpapawis na ang buong katawan ko. Pilit na may gustong ipakita ang utak ko sa akin. Isang nakaraan na nais ko nang makalimutan. Isang nakaraan na hindi ko matakasan.

“Katie!”

Bumalik ako sa katinuan ko at lumingon sa may-ari ng boses na iyon. Nakatingin si Greg sa akin at hawak-hawak ang kanang braso ko. Halos hindi ko na mamukhaan dahil sa kulay abo na ang kanyang mukha at military-cut na buhok. Lumapit sa kanya si Ayen na hawak ang sanggol na si Pia. Panic ang nakikita ko sa kanilang mukha.

“Kailangan niyo nang magtago sa Building B,” aniya.

Inialis ko ang braso ko mula sa kanyang pagkakahawak. Tinuro ko ang nasirang parte ng pader. “Kailangan nating makahanap ng paraan para maharangan iyon,” wika ko.

“Pero paano? Ang laki ng naging sira!” bulyaw ni Safe. Nakayakap siya sa kanyang sarili pero seryoso ang kanyang mukha.

“Makakahanap tayo ng paraan,” narinig kong bulong ni Ai. Humarap siya kay Tao. “May naiisip ka bang temporary na paraan para maharangan ‘yang butas na ‘yan.” Tinuro niya ang butas. “Kung susumahin, kasing haba ‘yan ng dalawang bus na pinagdugtong.”

Umabante si Greg at inilabas ang dala niyang baril. Nagsimula na siyang magpaputok sa mga carrier na papalapit. Apat na ‘yon ang napatumba niya. “Ano ba? Tutunganga lang kayo at mag-uusap? For your info, may mga carrier na umaatake!”

“Kailangan na nating pumunta sa Building B,” wika ni Nicanor. Nagsimula na siyang maglakad kasama nina Dr. Octavio at iba pang miyembro ng konseho. Sumunod na rin sina Ayen at Safe, bilang utos na rin ni Ai dahil delikado na. Dumadami na ang mga carrier sa loob ng Salvador.

“May luma akong equipment na pwede nating magamit,” sambit ni Tao.

Napatingin kaming lahat sa kanya. Si Tao kasi ang maaasahan sa ganitong pagkakataon. Ang mga problemang pangdepensa at teknolohikal, siya ang bihasa. Siya ang mahilig mag-imbento ng mga kagamitan na magagamit namin dito sa loob ng Salvador. At mukhang mayroon siyang bagong imbensyon na malaki ang kapakinabangan.

“Ihatid mo kami sa kinalalagyan niyon,” wika ni Ai. Tinawag niya si Greg. “Ikaw muna ang bahala sa depensa, Greg. Kailangang mabawasan ang mga carrier sa loob ng Salvador. Bantayan niyo rin ang lagusan.”

Contagio (Pandemia #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon