17: SAD, BEAUTIFUL, TRAGIC

1.7K 69 6
                                    

RONALD

 

Idinilat ko ang aking mga mata. Bagama’t mahirap ay nagawa ko. Umiikot pa ang aking paningin at malabo pa ang lahat. Bahagyang masakit ang aking ulo na para bang may humampas na malaking bato dito. Oo nga pala, katumbas niyon ang ginawa sa akin ni Macky. Ang matalik kong kaibigan dito sa Salvador, hindi ko aakalaing kaya akong saktan at iwanang duguan.

Nang naayos na ang bisyon ko, ang mukha ni Katie ang una kong nakita. Kita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha. Nais ko siyang yakapin at siguraduhin na maayos lang ang lahat ngunit hindi ko magawa dahil sa kalagayan ko. Kaya ang ginawa ko na lang ay ngumiti para sa akin; para makampante siya kahit papaano.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Katie.

“Okay na. Medyo nahihilo lang,” sagot ko. Sinubukan kong tumayo pero napabalik din ako sa higaan kung nasaan ako nakalagak ngayon.

“Kuya! Huwag ka munang tatayo!” sigaw ng aking kapatid na si Rainier. “Baka magbukas ‘yang tahi mo.”

Hinawakan ko ang parte sa ulo ko kung saan may tahi. Napa-ungol ako dahil sa sakit. Napurohan ako ni Macky. Pinagtaksilan ako ng aking kaibigan. Nakakalungkot pero nasanay na ako. Isa na iyon sa natutuhan ko noong naging sundalo ako sa loob ng tatlong taon. Hindi mo mapagkakatiwalaan lahat. Darating sa punto na handa ka niyang hamakin makuha lamang ang gusto niya.

Bumalik ako sa pagkakahiga at humiga ng malalim. Tumingala ako sa kisame at napaisip. Ano na kayang mangyayari ngayon? Naputol ang aking pag-iisip nang makaramdam ako ng bigat sa aking dibdib. Nakita kong ipinatong ni Katie ang kanyang ulo sa aking dibdib.

“Anong ginagawa mo?” tanong ko.

“Pinapakiramdaman ang tibok ng puso mo. Akala ko talaga mawawala ka sa akin,” sagot niya.

“Akala mo lang iyon. Hindi ako agad-agad napapatay,” pagbibiro ko. “Huwag kang matakot. Nandito ako lagi. Hindi ako mawawala.”

Laking gulat ko nang maramdaman ko ang dampi ng kanyang labi sa aking labi. Mabilis lamang iyon pero dama ko ang lahat. Ang tamis ng kanyang labi. Ang pagtangi niya sa akin. Bumilis ang tibok ng aking puso, isang bagay na hindi ko pa nararanasan sa buong buhay ko. Ang ganitong pakiramdam. Kakaiba. Nakakatakot.

“Wala akong pakialam kung limang taon ang pagitan ng edad natin. I like you, Ronald and I won’t let them take you away from me,” bulong niya.

“Wow, possessive much, ate Katie,” pagsisingit ni Rainier na nakataas ang kilay kay Katie.

“Hindi naman. Naniniwala lang ako sa ‘grab the opportunity when it knocks on your door’,” sagot niya. Nakangisi siya sa kapatid ko na para bang gusto niyang makipag-asaran dito.

“Tama na ‘yan,” wika ko. “Baka kayong dalawa pa ang dahilan para magbukas ang sugat sa ulo ko.”

Biglang bumukas ang pinto. Pumasok sina Ayen, Safe na dala ang sanggol na si Pia na umiinom ng gatas mula sa kanyang bote, Greg, Dr. Janis at isang lalaking naka-dye ng pula ang buhok at isang batang babae na hindi ko kilala. Kapansin-pansin ang gintong mga mata ng hindi ko kilala na lalaki. Pareho sila ni Ayen. Pareho sila ni Macky. Isa rin siyang imortal.

Unang lumapit sa akin si Dr. Janis at nagtanong, “Kumusta na ang kalagayan mo, Ronald? Do you feel some pain or dizziness?”

“Wala na, Dr. Janis.” Bumalik ang atensyon ko sa dalawang estranghero. “Sino sila?”

Lumingon si Dr. Janis sa dalawa. “Sila Shikko at Kate,” sagot niya. “Bagong dayo sila dito sa Salvador. Kasama nila iyang nasa katabi mong kama.”

Contagio (Pandemia #2)Where stories live. Discover now