9: THE WALKING DEAD

1.8K 81 2
                                    

HOPE

Dalawang araw pagkatapos namin makita at makilala ang batang si Kat, naisipan namin na umalis na sa bahay na tinataguan namin at magpatuloy sa paglalakbay patungo sa Salvador. Gamit lamang ang isang maliit na mapa na bigay sa amin ni Matt, nagsimula tunguhin ang mga makikitid at magugulong kalsada ng Maynila.

Tanghaling tapat at tirik ang araw. Nararamdaman ko na ang pagtulo ng pawis sa bawat parte ng aking mukha. Itinali ko na gamit ng goma ang aking mahabang buhok. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa maliit na shoulder bag na dala ko. Puro de lata ang laman nito, siyang kailangan namin sa paghahanap sa kinaroroonan ng Salvador.

Sinisigurado namin sa maingat kami sa bawat galaw namin. Kahit saang parte kasi ng dinadaanan namin, may mga carriers na nagkalat. Tila pintura ang kanilang mga dugo na kumakalat sa sementadong sahig na kanilang dinadaanan. Hindi nila alintana ang init ng paligid. Patuloy lamang sila sa paglalakad na para bang wala sa sarili. May iilan na nagtitinginan at umuungol sa isa’t isa, isang senyales na nagkakaroon ng tila pagkakaunawaan ang mga ito. Nababahala di lamang ako, kundi pati na rin ang mga kasamahan ko.

Nakadikit lamang ako kay AJ habang si Kat ay kasa-sama ni Shikko. Mas minabuti namin na may kapares kami sa paglalakbay na ito. Kahit na magkakatabi pa rin kami, minabuti na lamang namin na may magbabantay sa isa’t isa. Kung sakaling may mangyari masama—huwag naman sana—ay hindi maiiwan ang isa sa amin.

Patuloy lamang kami sa pagyuko habang naglalakad, nagtatago sa mga kotse at poste habang iniiwasan ang mga nakikitang carriers. Para kaming mga kriminal na nagtatago sa mga pulis. Para kaming mga usa na nagtatago sa isang pack ng lobo. Kaunting mali lamang, lagot kami.

“AJ, magagawa kaya nating makalusot sa mga carriers dito? Dumadami ata ang bilang nila,” bulong ko nang mapansin kong pakitid ng pakitid ang kalyeng dinadaanan namin at dumadami ang mga carriers na nakikita namin.

“Kakaunti lang tayo kaya madali lang tayong makakalusot sa kanila. At saka, imortal na tayo. Hindi nila tayo mahahawaan o mapapatay,” sagot nito.

Napakunot ako ng noo. “Pero may kasama tayong hindi imortal,” wika ko sabay lingon sa kinaroroonan ni Kat, na siyang kasama ni Shikko. Nakatingin sila sa amin na para bang pinipilit pakinggan ang pag-uusap namin.

“Sorry, nakalimutan ko,” aniya. “Magtiwala ka lang. Alam kong nagbabago na ang mga carriers na ‘yan. Hindi natin alam kung bakit pero may advantage pa rin tayo sa kanila.”

“Ano ‘yun?” tanong ko.

“Kakayahang makapag-isip ng maayos at tama,” wika ni AJ. “Napansin ko lang na habang tumatagal na infected sila, lalong bumababa ang talino nila.”

“Napansin ko rin ‘yun,” pagsang-ayon ni Shikko. “Ang kagustuhan na lang nila ay ang pumatay o kaya naman manghawa ng hindi infected.”

“Napansin mo pa ‘yun?” tanong ko. “Mas nangibabaw ang takot ko sa pagharap sa kanila kaysa sa pag-obserba sa kanila.”

“Kung gusto mong mabuhay, kailangan mong malaman ang lahat ng bagay. Kailangan mong mapansin ang mga hindi kapansin-pansin,” bulong ni AJ.

Lumaki sa orphanage si AJ kaya alam niya ang mga bagay-bagay tungkol sa survival. Hinahangaan ko siya dahil sa angking kakayahan niya. Mahal ko siya dahil sa kagustuhan niyang mabuhay.

“Sa tingin mo, makikita pa natin ang Salvador?” bulong ko.

Sa totoo lang ay takot ako. Wala kasing nakakaalam kung ano ang kahihinatnan namin. Sa lawak ng Maynila ay tiyak na mahihirapan kami. Alam kong maraming balakid na dadating sa paglalakbay naming ‘to. Lalo akong natatakot sa mga posibilidad na pwedeng mangyari.

Contagio (Pandemia #2)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora