Prologue

12.1K 159 14
                                    

“ARE YOU SURE you’re okay?” tanong ni Danielle kay Althea nang mapansin niya ang pananahimik ng babae.

Tumango si Althea. “Mauna na ako sa inyo, may pupuntahan pa kasi ako,” anito at hinagkan siya sa pisngi. Mabibilis ang hakbang ng babae palabas sa simbahan kung saan ginanap ang pangalawang rehearsal ng kasal nila ng fiancée niyang si Hubert.

Bumaling ang tingin niya kay Hubert. Kaharap nito ang dalawang kaibigan pero sigurado siyang nakasunod ang tingin nito sa papalayong si Althea. Dama niya ang paninikip ng dibdib habang tinitingnan ang mukha ng lalaking pakakasalan, bakas doon ang halo-halong sakit, galit at panghihinayang. Napakurap-kurap siya nang maramdaman ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata.

“Danielle,” untag sa kanya ng pinsang si Karen. “Let’s go. Umalis na raw tayo sabi nila Mama kasi marami pang aasikasuhin sa rest house para sa reunion bukas.”

Napatango siya. “Okay, tatawagin ko lang si Hubert. Mauna na kayo.”

Nilapitan niya ang nobyo at pabulong na sinabi rito na kailangan na nilang bumiyahe patungo sa Batangas. Nagpaalam na si Hubert sa mga kausap nito pagkatapos ay nagpaalam at pinasalamatan rin nila ang mga member ng wedding entourage na nagpunta roon.

Habang nasa kotse patungo sa Batangas ay pasimple niyang sinusulyapan si Hubert. Blangko ang mukha ng lalaki at tulad niya ay wala itong imik. Pigil ang mapabuntong-hininga na ibinaling niya ang tingin sa labas ng kotse.

“May problema ba?” narinig niyang tanong ni Hubert.

Tiningnan niya ito. “Wala,” tipid niyang sagot.

“Then bakit kanina ka pa hindi masyadong kumikibo? Sa simbahan pa lang kanina parang napakatamlay mo na,” anito na hindi inaalis sa kalsada ang mga mata.

“Dahil lang ito sa puyat, hindi kasi ako nakatulog nang maayos, eh,” pangangatwiran niya.

Napatango lamang ang lalaki pero hindi na nagsalita. Binawi na niya ang tingin dito. Lihim niyang nakagat ang pang-ibabang labi. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya maitatago ang paghihirap ng kanyang kalooban.

Ang problema, Hubert, hindi mo ako tinitingnan katulad ng ginagawa mong palihim na pagtingin kay Althea. Ang problema, kahit alam ko na ang totoong naging ugnayan ninyo noon, gusto ko pa rin na kusa mong sabihin sa akin kung sino si Althea sa nakaraan mo. Sa ginagawa mo kasi lalo ko lamang nakikita na hanggang ngayon apektado ka pa rin ng nakaraan ninyo. Na hanggang ngayon siya pa rin ang nasa puso mo, pigil ang luha na naisaloob niya.

Isang linggo na ang nakakaraan buhat nang madiskubre niya ang tungkol sa nakaraan ng binata at ng wedding organizer nila na si Althea. Kung hindi ba naman tila nananadya ang tadhana at pinagtagpo-tagpo talaga sila. Kaya pala ganoon na lamang ang nakita niyang pagkabigla sa mukha ni Hubert nang una nitong makaharap si Althea, pero kapwa nagkunwari ang mga ito na hindi magkakilala. Alam niyang ginawa iyon ng dalawa upang hindi siya masaktan. Naging malapit at kaibigan na rin kasi niya si Althea, at wala siyang masabi sa kabaitan ng babae.

Pinanatili ng dalawa na lihim ang nakaraan ng mga ito, hanggang sa noong isang linggo ay nagpunta siya sa wedding shop ni Althea at nakita niya ang isang picture na itinapon na nito sa basurahan. Doon niya nalaman na ito si ‘Thea’ ang babaeng minahal ni Hubert nang napakahabang panahon. Nang maabutan siya ni Althea na tangan ang litrato ay wala ng nagawa ang babae kundi ipagtapat sa kanya ang totoo. Inamin rin nito na hanggang ngayon ay mahal pa nito ang mapapangasawa niya, pero nilinaw ng babae na wala itong planong guluhin silang dalawa, na tanggap na nito na siya ang pakakasalan ni Hubert.

Kahit nasasaktan siya sa natuklasan ay hindi rin niya maiwasang makadama ng awa para kina Althea at Hubert. Nagmamahalan ang mga ito pero nagkalayo ang dalawa dahil sa pagiging makasarili ng ina ni Hubert. Pinaniwala si Hubert ng ina nito na nagpakasal na sa iba si Althea sa takot nitong maiwan ng mag-isa sa Amerika at ayaw din ng ginang na iwan ni Hubert ang kakasimula pa lang nitong career doon. Kung anu-ano’ng kasinungalingan ang ginawa nito hanggang sa napalitan ng galit ang pagmamahal ni Hubert para kay Althea. Iyon ang panahon na nagkakilala sila ni Hubert. Saksi siya paano nito pilit na kinalimutan ang dating nobya.

Nang magtagpo ulit ang dalawa ay napansin niya ang pagbabago ng lalaki. Mas naging tahimik ito at madalas ay parang malalim ang iniisip. Kasama niya ito pero parang lumilipad sa kung saan ang diwa ng binata. Ngayon alam na niya… si Althea ang dahilan.

Sinulyapan niya si Hubert. Ano kaya ang gagawin mo kapag nalaman mo ang totoo? Na nagsinungaling sa 'yo ang Mama mo. Na hanggang ngayon ay mahal ka pa rin ni Althea, nakagat niya ang ibabang labi. Nagkamali ba ako na pilitin kitang umuwi para dito magpakasal? Ako pa ang naging dahilan para bumalik kayo ni Althea sa buhay ng isa’t-isa.

Ibinaling niya ang tingin sa labas ng kotse upang ikubli ang namumuong luha sa kanyang mga mata. Nagsisikip na ang dibdib niya sa pagpipigil ng ermosyon. Hindi ko kayang mawala ka, pero parang hindi ko rin kaya na makasama ka pero iba naman ang may hawak ng puso mo. I can feel it, Hubert, mahal mo pa siya. At si Althea, she loves you so much… sobra-sobra na kinakaya niyang isakripisyo ang sarili para sa 'yo. Hindi na baleng isipin mo na masama siya huwag ka lang masaktan, huwag lang masira ang relasyon ninyo ng Mama mo.

Napahinga siya ng malalim. Hindi talaga niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Where stories live. Discover now