Chapter 2

5.1K 112 0
                                    

NAPAMULAT si Danielle nang may marinig na ingay. Pupungas-pungas na nilingon niya ang alarm clock sa ibabaw ng bedside table, alas tres pa lang ng madaling araw. Nilingon niya ang pinsan, tila hindi nito alintana ang ingay at patuloy lang sa pagtulog.

Sino naman kaya ang buwisit na nagpapatugtog ng ganito kalakas sa ganitong oras? inis na naisaloob niya. Halos wala pa siyang dalawang oras na natutulog ay heto’t may gumambala na sa kanyang pamamahinga.

Tumayo siya at isinara ang mga bintana at ini-on na lamang ang aircon. Muli siyang nahiga sa tabi ni Stacy. Napakamot siya sa ulo at nagtakip ng unan sa kanyang ulo. Napabuga siya ng hangin, dinig pa rin niya ang malakas na musika.

Inis na napatayo siya at lumabas sa terrace para tingnan kung saan nanggagaling ang ingay, agad naman niyang natukoy kung saan – sa mismong katabing bahay nila. Tiningnan niya ang ibang mga bahay, mukhang mahimbing ang tulog ng kanilang mga kapitbahay kahit na ganoon kalakas ang ingay.

Maybe sanay na sila, bulong niya sa sarili. Puwes ako hindi!

Nag-ipon siya ng hangin sa dibdib bago malakas na sumigaw. “Hoy! Puwede bang hinaan mo 'yang player mo, nakakaabala ka ng mga natutulog na tao!”

Ilang saglit siyang naghintay pero mukhang hindi narinig ng tao sa kabila ang sigaw niya. Nanggigigil na nagsuot siya ng roba at lumabas ng silid. Nagmartsa siya patungo sa kabilang bahay. Dire-deretso siya sa front door at malakas na kinatok iyon.

“God! Bingi ba talaga ang nakatira dito?” aniya nang nakaka-ilang katok na siya pero walang nagbubukas. Nilakasan pa niya lalo ang pagkatok at pagtawag. Maya-maya pa ay may lalaking naka-puting sando at boxer shorts na nagbukas ng pinto.

“What?” ani ng lalaki.

“Puwede bang pakihinaan 'yong sounds kasi—”

“Ano?!” putol nito sa kanya.

“Ang sabi ko hinaan mo ang sound ng player mo! Nakakabulahaw ka ng mga kapitbahay mo!” nanggigigil na sabi niya.

“I’m sorry, but I can’t hear you!” malakas na sabi ng lalaki na sumenyas pa na hindi siya nito marinig.

Nagtagis ang bagang niya. Walang sabi-sabi na tinabig niya ito paalis sa pagkakaharang sa pinto at pumasok siya sa loob. Tinungo niya ang DVD player at pinatay iyon. Nang humarap siya sa lalaki ay kita niya ang pagkamangha sa mukha nito. Alam niyang nagulat ito sa ginawa niya.

“Paano mo ba ako maririnig kung todo ang volume ng player mo?” mataray na sabi niya na taas na taas ang kilay habang nakatingin rito.

“Who are you?” kunot-noong tanong ng lalaki.

“It doesn’t matter,” nakasimangot na sagot niya. “Nagpunta lang ako dito para sabihin sa 'yo na for Pete’s sake three o’clock pa lang ng umaga at nakakaabala ang ginagawa mo.”

Hindi ito sumagot, para lang itong tuod na nakatunghay sa kanya.

“Magkaroon ka naman ng konsiderasyon sa mga kapitbahay mo, oras pa ngayon ng pamamahinga!” aniya pa bago siya lumabas ng bahay nito pabalik sa bahay nila.

Bago siya pumasok sa pinto ay nakita niya ang lalaki na nakatayo sa labas at nakatingin sa kanya. Sinimangutan niya ito at saka pabagsak niyang isinara ang pinto ng bahay niya.
Mainit ang ulo na bumalik na siya sa kama. Pinilit niyang makatulog pero hindi na siya muli pang dinalaw ng antok. Lalo namang tumindi ang inis niya sa kapitbahay. Nagngingitngit na itinakip niya sa mukha ang unan.

****

“GOOD morning!” masiglang bati ni Stacy kay Danielle pagbaba nito sa kusina. Naabutan siya nitong nagbabasa ng magazine habang nagkakape.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon