Chapter 4

4.2K 106 2
                                    

“HOY!” untag ni Vincent kay Charles na sinamahan pa ng mahinang suntok sa kanya ng balikat. “Ano’ng problema at parang ang lalim ng iniisip mo?”

Hindi siya sumagot. Tumayo siya at kinuha ang mineral water na nasa ibabaw ng lamesa malapit sa mini-stage. Araw ng Sabado at mamayang gabi ay tutugtog sila kaya nagpa-practice sila ngayong hapon. Natigil lang sila nang magreklamo si Nathania na nagugutom na ito. Umalis ang babae kasama sina Howard at Aldrin para bumili ng pizza.

“Kanina ka pa tahimik diyan, ah,” ani Vincent na sumunod sa kanya.

“Ano bang tahimik ang sinasabi mo, Pare,” singit naman ni Benedict na nakaupo sa harapan ng lamesa. “Tuliro ang tawag d’yan. Ano nga bang nangyayari sa’yo, Charles?”

“Wala,” tipid niyang sagot.

“Ano’ng wala?” ani Benedict. “Sabihin mo nga, nabuntis mo ba si Stacy?”

Siniko niya ang tiyan ng kaibigan. “Sira-ulo ka ba? Wala kaming relasyon.”

“Wala, eh, bakit palaging nakasunod sa 'yo ang babaeng 'yon? Tuwing may practice tayo kasama mo siya, ngayon lang nga pumalya, eh,” ani Dominic.

“Kaibigan ko lang si Stacy,” aniya na sinulyapan pa si Vincent, kunwari naman ay hindi nito iyon napansin.

“Kaibigan lang ba 'yong halos hindi na humiwalay sa tabi mo. Pare, come on, aminin mo na. Ano nabuntis mo ba?” ani Benedict.

“Hindi nga,” giit niya.

“Ano ba kasi ang problema?” tanong sa kanya ni Vincent.

“Wala, iniisip ko lang kung paano makakabawi doon sa pinsan ni Stacy. Hanggang ngayon kasi galit pa rin sa akin. Mag-iisang buwan na kaming magkapitbahay pero mabibilang ko pa sa mga daliri ko kung ilan beses lang niya ako kinausap,” aniya.

Kinuha ni Dominic ang hawak niyang mineral water at ininom ang natitirang laman niyon bago nagsalita. “Loko-loko ka kasi. Inisin mo ba naman ng todo.”

“Hindi ko na siya inaasar ngayon,” mabilis niyang sabi.

Tinapik-tapik ni Vincent ang balikat niya. “'Yon lang nagkakaganyan ka na. Baka naman iba na 'yan, Pare.”

Kunot-noong tiningnan niya ito. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Hindi kaya tinamaan ka do’n?” sagot ni Vincent.

“Oo nga kasi hindi ka naman dating ganyan,” dagdag ni Dominic. “Mas masahol pa nga ang ginagawa mong pang-aasar sa iba pero hindi ka naman na-bothered ng ganyan, eh”

“Huwag nga kayong mag-isip ng kung ano,” aniya na mahina pa ulit na umiling. “Gusto ko lang na magkasundo kami. Ang pangit naman kasi na may kasamaan ka ng loob at kapitbahay mo pa.”

Hindi umimik sina Vincent at Dominic, habang si Benedict ay napakibit-balikat lang. Naputol ang usapan nila nang dumating sina Nathania. Agad na pinagkaguluhan ng mga kaibigan niya ang bitbit na pizza ni Nathania kaya nawala na ang pansin ng mga ito sa kanya.

Napabuga siya ng hangin. Bakit nga ba masyado siyang apektado sa hindi pakikipag-usap sa kanya ni Danielle. Hindi na niya problema kung ayaw nitong tanggapin ang apology niya, ang mahalaga ay sinubukan na niyang mag-sorry dito noong mga nakaraang araw.

*****

PAGOD na naupo si Danielle sa sofa pagkadating-dating niya sa bahay. Galing siya sa St. Anne’s College, mag-iisang linggo na siyang nagta-trabaho doon bilang guidance councilor para sa elementary department.

Hinubad niya ang sapatos at nahiga sa sofa. Ipinikit niya ang mga mata at pinatungan iyon ng isa niyang braso. Ilang sandali rin siyang nasa ganoong ayos bago siya biglang napabangon nang may magsalita.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Where stories live. Discover now