Chapter 1

6.3K 113 0
                                    

HALO-HALONG emosyon ang nadarama ni Danielle habang nakatingin sa kanilang dinaraanan. Nasa kotse sila ng Tita Anna niya na siyang sumundo sa kanila ni Stacy sa airport. Kadarating pa lamang nilang magpinsan buhat sa Amerika.

Masayang nagkukuwentuhan ang tiyahin at pinsan niya habang siya ay tahimik lang na nakikinig sa mga ito. Binabaybay nila ang kahabaan ng Shaw Boulevard patungo sa Sta. Monica Village sa Pasig. Pinakiusapan niya ang Tita Anna niya na ihanap siya ng mabibili niyang bahay. Isang rent to own house ang nakuha nito para sa kanila at ito na rin ang nag-asikaso ng lahat.

“We’re here!” anunsiyo ni Anna maya-maya kasabay nang paghinto ng kotse.

Magkasama silang tatlo na bumaba ng sasakyan. Pinagmasdan niya ang bahay na nasa harapan pagkatapos nilang maibaba ang kanilang mga maleta. Katamtaman lamang ang laki niyon pero maganda at moderno ang desenyo. May maliit iyong hardin pero walang bakod o gate.

“Tahimik at safe daw dito sabi ng kumare ko. Dito rin sila nakatira, mga tatlong street mula rito,” nakangiting sabi ng tiyahin nila at nagpatiuna na ito.

Napangiti siya pagkapasok nila sa loob. Maayos at kompleto na ang gamit tulad ng ipinakiusap niya sa Tiyahin. Magaling na interior designer si Tita Anna kaya talagang angkop na angkop ang mga gamit, pintura at ayos ng kabahayan.

“This place is perfect! Maganda ang napili mo, Tita Anna,” ani Stacy sa kanilang tiyahin.

Ngumiti naman si Tita Anna. “Katatapos lang namin kahapon ayusin ang arrangement ng mga furnitures. Ayos na ba ito sa inyo?”

Tumango siya. “Magkano ho lahat ang nagastos ninyo, Tita?”

“Naku saka na natin pag-usapan kung magkano ang babayaran mo sa akin,” nakangiting sabi ng matandang babae.

“Ate, titingnan ko ang mga room sa itaas,” ani Stacy bago ito umakyat ng hagdan.

“'Yong lime green ang pintura ng loob ang room mo, Stacy,” ani Tita Anna sa pinsan niya.

“Kumusta po sina Karen, Tita?” tanong niya nang wala na si Stacy.

“Okay naman silang mag-asawa. Two months ago nag-open sila ng bar sa Malate.”

“Nabanggit nga ho niya iyon noong huli kaming mag-usap sa phone. Saan ho ba sa Malate ang bar nila? Pupuntahan ko po sila bukas.”

Napatingin ito sa kanya, agad naman niyang napansing may kakaiba sa pagkakatingin ng babae sa kanya.

“Bakit, Tita?” tanong niya.

“Hindi ba nabanggit sa 'yo ni Karen na kasosyo nila doon sina Althea?”

“Nasabi ho,” aniya na pinakaswal ang tinig.

Ilang sandali rin siyang tinitigan ng tiyahin bago ito nagsalita. “Okay ka na ba talaga, Danielle?”

“Yes, Tita,” aniya na sinalubong pa ang mga mata nito.

Hindi umimik ang ginang.

“Tita, hindi ako babalik dito kung hindi ko pa kaya. Okay na ako, so please huwag na natin pag-usapan ang bagay na 'yon.”

Tumango ito. “Okay. So paano Hija, aalis muna ako, may lakad din kasi kami ng Tito ninyo mamayang gabi.”
“Sige po.”

“Nagluto na ako ng dinner n’yo, i-reheat na lang ninyo mamaya.”

“Opo,” tugon niya. “Stacy, aalis na raw si Tita, bumaba ka muna rito!”

Ilang sandali pa ay bumaba na nga si Stacy at magkasama nilang inihatid ang tiyahin sa labas.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Where stories live. Discover now