Chapter 6

4.2K 105 0
                                    

HINDI maikubli ang ngiti ni Charles habang bitbit palabas ang isang malaking backpack at ang kanyang gitara. Isinakay niya iyon sa trunk ng kotse bago niya dinukot ang cell phone sa suot kanyang pantaloon at tinawagan si Nathania.

"'Asaan na kayo?" tanong niya sa kaibigan.

"Paalis pa lang kami ni Kuya ng bahay. Sila Dom on the way na, magkita na lang tayo sa may Mall of Asia, doon kasi nagpapasundo si Benedict," tugon ng babae.

"Okay, paalis na rin kami nina Stacy. Ilan nga palang babae ang kasama ng Kuya mo? Sabihin mo kung hindi magkakasya sa trunk ng kotse niya maluwag pa naman ang trunk ng sa akin," pabirong sabi niya.

Narinig niya ang malakas na halakhak ni Nathania. "Subukan lang niyang magbitbit ng babae at ako mismo ang sasapak sa kanya para kay Stacy."

Napangiti lang siya. Talagang gustong-gusto ng babae si Stacy para sa kapatid nito. "Sige, mag-ingat kayo. Pupuntahan ko na sina Stacy para makaalis na rin kami."

Pagkasilid niya sa bulsa ng cell phone ay agad na siyang pumunta sa kabilang bahay para sunduin sina Stacy at Danielle. Inimbitahan niya ang dalawa na sumama sa out-of-town nilang magkakaibigan. Ayaw sanang sumama ni Danielle pero nakumbinse nila ito ni Stacy dahil long weekend naman ngayon. Ang plano nila ay tatlong araw silang mamamalagi sa rest house sa Tagaytay ng isa pa nilang kasama sa banda na si Aldrin.

Naabutan niya ang magpinsan sa salas at mukhang inaayos pa ni Stacy ang mga gamit na dadalhin nito. Marahan siyang kumatok sa pinto, sabay na napalingon ang mga ito sa kanya.

"Are you guys, ready? Umalis na tayo," nakangiti niyang sabi at pumasok siya sa loob ng bahay.

"Sandali lang, hindi ko pa tapos ayusin ang mga dadalhin kong painting materials, eh," mabilis na sabi ni Stacy.

"Bakit kasi dadalhin mo pa ang mga iyan? Tiyak namang hindi ka rin makakapag-trabaho roon," sabi naman ni Danielle sa pinsan.

"Malay natin, 'di ba? Baka may makita ako doong magandang subject at ganahan akong magpinta," nakalabing sabi ni Stacy. "Wait, mukhang naiwan ko pa sa itaas 'yong dalawa kong paintbrush."

Nagmamadaling umakyat si Stacy, nakasunod naman ang tingin ni Danielle rito at pagkatapos ay binalingan siya nito. "Pasensiya ka na sa pinsan ko, naaabala tayo nang dahil sa kanya."

Nakangiti lang siyang tumango. Simple lamang ang suot ni Danielle na maikling brown na shorts at fit na t-shirt na nagpalitaw ng makurba nitong katawan pero talagang hindi mo mapipigilan na mapahanga sa ganda nito at sa husay ng pagdadala ng damit. Nakita niya ang pag-iwas ni Danielle sa kanya ng tingin.

"Ang mabuti pa kaya isakay na natin itong iba naming dala sa kotse mo," ani ng babae at binuhat na ang dala nitong maliit na travelling bag.

"Right," nakangiti naman niyang sabi at kinuha na ang isa pang bag na sa tingin niya ay mga damit ni Stacy ang laman at ang dalawang canvas.

Nagpatiuna na siya patungo sa kotse niya, walang kibong sumunod sa kanya ang dalaga. Ang mga hindi nagkasya sa trunk ay inilagay niya sa backseat ng kotse. Nagprisinta si Stacy na ito ang mauupo sa backseat kaya si Danille ang katabi niya sa unahan.

Tanging ang tunog ng stereo ng kotse lamang ang maririnig habang nagbibiyahe sila. Tahimik na nagbabasa si Akira ng e-book sa tablet nito habang si Danielle naman ay nakatuon ang tingin sa kanilang dinaraanan.

"Danielle," tawag niya sa dalaga. Napalingon ito sa kanya. "Thanks nga pala," aniya na nginitian pa ito.

Napakunot-noo ang dalaga. "For what?"

"For coming with us."

Ngumiti ito. "Kelangan ko rin naman ng bakasyon," tipid nitong sabi.

Nakangiting tinanguan lang niya ito. Muli nang ibinaling ng dalaga ang tingin nito sa labas ng kotse.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Where stories live. Discover now