Chapter 5

4.4K 111 31
                                    

KATATAPOS pa lang ayusin ni Danielle ang hapag nang may kumatok sa pinto. Hinubad muna niya ang apron bago niya binuksan iyon.

“Hi!” nakangiting sabi ni Charles.

Tipid niya itong nginitian at pinapasok. Napakunot ang noo niya dahil bihis na bihis ang binata. Naka-printed polo, pants at sapatos pa ito. “May lakad ka ba after nating maglunch?” Nais niyang kastiguhin ang sarili, bakit ba siya nagtatanong, ano bang pakialam niya doon?

“Wala.”

“Eh, bakit nakagayak ka?” muli niyang tanong kahit pa pinipigilan na niya ang sarili.

“First time natin itong magkakasama na hindi tayo mag-aaway, so naisip ko dapat memorable. Here,” nakangiting sabi nito at iniabot nito sa kanya ang dalang paper bag.

Kinuha niya iyon at tiningnan. May laman itong wine at isang rosas na sa hula niya ay galing mismo sa garden niya.

“Pinitas ko 'yong isang rose diyan sa garden mo. Hindi na kasi ako nakapunta ng flower shop para ibili ka ng bulaklak.”

She loves her plants at ayaw niyang pinakikialaman 'yon ng ibang tao kaya nagtataka siya sa sarili dahil hindi niya makuhang magalit na pinakialaman iyon ni Charles. Kasi sa akin rin naman niya iyon ibinigay, eh, pagbibigay niya ng katuwiran sa sarili.

Ngumiti lang siya. “Halika na, kumain na tayo.”

“Dapat magbihis ka rin muna.”

Kunot-noong tiningnan niya ito. “Kailangan pa ba 'yon?”

Tumango ang lalaki. “Alangan namang ako lang ang naka-ganito, 'di ba? Sige na, magpalit ka kahit casual dress, ‘wag lang ganyang pambahay.”

“Pero—”

“Sige na, part din ito ng kondisyon ko para mapatawad kita. At saka special nga ang lunch nating ito, 'di ba?”

Tumikwas ang kilay niya pero halata sa mukha niyang ibig na rin niyang mapangiti. “Napaka-wise mo, ha.”

He grinned. At gusto niyang kurutin ang sarili nang makita iyon. Bakit parang may kumiliti sa puso niya dahil doon?

Umakyat na siya sa silid niya at nagbihis, isang yellow summer dress ang isinuot niya. Pagbalik niya sa ibaba ay nakaupo na sa harap ng dining table si Charles. Agad itong tumayo at inalalayan siya sa pag-upo. Binuksan nito ang red wine at sinalinan ang dalawang baso, pagkatapos ay iniabot nito ang isa sa kanya.

“Para sa start ng friendship natin,” ani Charles na itinaas ang sariling baso. Nakangiting itinaas rin niya ang baso niya at sabay silang sumimsim ng wine.

“How did you know na menudo at kare-kare ang paborito kong dish?” tanong ni Charles habang naglalagay ito ng kanin sa plato.

“Hindi ko naman alam na paborito mo 'yan, eh. Iyan ang niluto ko kasi 'yan ang mga specialty ko.”

Ngumiti si Charles. “Tama lang pala na maging magkaibigan na tayo para lagi mo akong ipagluluto nito.”

“Gagawin mo pa talaga akong cook,” nangingiting napailing siya.

Pareho silang napatawa pero agad din silang napatigil nang bumukas ang pinto.

“I’m back!” malakas na sabi ni Stacy at agad itong natigilan nang makita silang magkasalo ni Charles. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila.

“Stacy, halika na. Join us,” ani Charles.

Ibinitang ni Stacy ang mga dala nito sa sofa at saka lumapit sa kanila. “Nananaginip ba ako?” kunot-noong tanong ng babae.

❤Loving You So (Completed; Published under PHR)Where stories live. Discover now