Simula

86.3K 1.8K 123
                                    

Nagising ako dahil sa sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Naririnig ko mula sa labas ng aking dormitoryo ang mahihinang kaluskos ng walis tingting na siyang palaging ginagamit ng aking butihing lola sa paglilinis ng aming paaralan. Binuksan ko agad ang malaking bintana sa tabi ng aking kama at sinilip kung sino ang nagwawalis sa may gilid ng aking silid. Awtomatiko akong napangiti nang makitang tama nga ang hula ko.

Suot niya ang kanyang uniporme at mukhang nagsisimula na siya agad sa kanyang trabaho. Ang lola ko ay isa sa mga taga-pangalaga ng kalinisan sa buong paaralan ng Sanctum Academy. Mag-isa lang akong nakatira sa aking dormitoryo kaya naman hiniling ko kay Headmaster na dito na lang din siya manirahan dahil malawak naman ito.

"Good morning, Inang..." mahinahong bati ko sa kanya upang hindi siya mabigla dahil alam kong magugulatin siya.

Saglit niyang itinigil ang kanyang ginagawa upang lumingon at ngumiti sa akin. "Good morning din, apo... Kumain ka na riyan, inihanda ko na kanina ang iyong almusal sa hapagkainan," aniya bago bumalik nang muli sa kanyang pagwawalis.

Nagmamadali kong isinara ang bintana at lumabas na mula sa aking silid upang tingnan kung ano ang niluto ng aking Inang. Napapalakpak pa ako sa tuwa nang makita ang paborito kong putahe sa lamesa.

Napatigil ako sa pagsubo nang maramdaman ang mainit na kamay ng aking lola sa ibabaw ng aking ulo. "Masarap ba ang luto ko?" malambing na tanong niya.

Napanguso ako dahil sa sinabi niya. "Kailan pa naging hindi masarap, Inang? Ang luto mo kaya ang pinakamasarap sa lahat!" mayabang na sabi ko.

Napailing siya dahil sa sinabi ko habang nakangiti. Napangiti rin ako nang malawak habang nakatitig sa kanyang maamong mukha. Ang sarap talagang makita siyang nakangiti... Para akong nginingitian ng isang anghel na ipinadala sa akin ng Galaxias.

Habang naglalakad palabas ng Southwest wing ay nagkasalubong kami ng ilan sa mga kaklase ko sa Class A na mukhang papunta rin sa Center wing katulad ko. Masyado pang maaga para maghanda sa aking pagpasok mamayang alas tres ng tanghali kaya naman naisipan ko munang maglibot sa paaralan.

Nitong mga nakaraang buwan ay naging mapayapa ang pamumuhay namin dito sa Camp Sunne kaya naman laking pasalamat namin sa mga kinatawan ng Dauntless Academy dahil sa kanilang kabutihang ginawa para sa buong Galaxias. Ngayon ay hindi na namin kailangang matakot sa mga babala tungkol sa tuluyang paglalaho ng aming rehiyon dahil natanggal na ang malupit na mag-asawang sina King Sherbet at Queen Betana.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring namumuno sa kaharian ng Galaxias ngunit ayon sa mga sabi-sabi ay malaki raw ang pag-asang koronahan bilang bagong hari ang namumuno sa aming rehiyon na si Prince Neraios dahil sa kanyang angking galing sa pakikipagdigmaan at kanyang husay sa pamumuno.

Tumigil muna ako sa paglalakad nang makarating kami sa Center wing. Agad naman akong sinalubong ng isang matinding ihip ng hangin mula sa harapan. Sinikop ko agad ang buhok kong nagulo at itinali ito nang mataas upang hindi na maging sagabal sa akin ang aking mahabang buhok. Humiwalay ako sa aking mga kaklase at nauna nang maupo sa bleachers upang mag-isang manood sa mga naglalaban at nag-eensayo sa field.

Kapayapaan...

Ang bawat araw na lumilipas ay tila isang magandang panaginip na matagal na naming pinangarap na mangyari. Sobrang tahimik at sobrang kalmado ng paligid. Everything really went smoothly after the previous Choque de la Magia league at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay natatakot ako. Nakakatakot ang ganitong klase ng kapayapaan. Nakakatakot ang ganitong klaseng katahimikan. Hindi ko alam kung bakit pero may nararamdaman akong kakaiba para sa katahimikang ito.

Normal bang matakot sa kapayapaan? Dahil kung hindi normal ito ay hindi ko na rin alam kung bakit. Bakit parang masyadong tahimik? Bakit parang sobrang ayos nang lahat?

Sanctum Academy: The Lost SanctuaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon