Chapter Four: Ang Binatang Isinumpa I

731 57 5
                                    


Isang Katalonan.

Mariing pumikit si Aro at tumiim-bagang.

Sumpain ng langit.

Sinubukan niyang gumawa ng apoy sa mga palad niya, pero wala ni usok na lumabas. Pinigilan niyang sumigaw. Nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng Katalonan. Wala pa ring nagbago, nakawala siya sa batong sumpa pero nanatiling hawak ng isang Katalonan ang kanyang buhay.

Marahas na tinadyakan niya ang kumot at umupo sa kama. Matalim na tinitigan niya ang natutulog na dalaga sa sofa. Bahagya itong nakanganga at may kaunting laway pa sa pisngi. Nangati ang mga kamay niyang hampasin ito ng unan. Pero bago pa man niya maisip na gawin iyon, naninigas ang mga kalamnan niya na tila ba may nakapulupot na makakapal na tali bakal sa katawan niya.

Sumigaw siya sa galit.

Napabalikwas ng bangon ang babae at nahulog sa mahabang sofa. Malawak siyang ngumisi nang maingay na tumama ang puwitan nito sa sahig. Umangal ang pusa at tumalon sa kama.

"What? What? Ano'ng nangyari?" Hindi ito magkandaugaga sa pagtingin sa paligid. "Bakit? Ano'ng–"

Huminto ang mga mata nito sa kanya.

Tila langit sa pinakamalalim na gabi ang mga mata nito. Makakapal ang mga pilikmata pero hindi masyadong mahahaba. Makapal at magulo ang maikli at itim na itim na buhok nito. Ang balat nito, kakulay ng perlas na sinisisid ng mga...

Tila malalamig na daliring pumulupot ang takot sa kanyang sikmura.

Sinisinid ng mga ano? Nino? Paano?

Mga boses, mga ilaw, ang pagtama ng sinag ng araw sa mga palay na sumusuray sa hangin, ang malawak na karagatan... Tila mga nakakahilong kulay na sumayaw sa kanyang isipan ang mga imahe. Paikut-ikot, naghahalo, nanlalabo.

Mariin siyang pumikit at sinapo ang noo.

"Uy, okay ka lang? Hindi ka makahinga?"

Hinagip niya ang pupulsuhan ng babae nang hinawakan siya nito sa braso. Initsa niya ang kamay nito at matalim itong tinitigan. "'Wag mo 'kong hawakan!"

"Hah! Feeling mo gusto kitang hawakan? We need to do something about your attitude problem, asswipe."

Attitude problem, alam niya iyon. Narinig na niya ang mga iyon. Parang sa isang panginip. Mga boses, isang matandang lalaki, mga babae at lalaki na naka-mahabang pang-ibaba na tinatawag nilang pantalon. May attitude problem si Ma'am. Malalabo, parang imahe sa isang makinis na ginto. Pero mas malinaw iyon kaysa sa imahe ng karagatan, ng palayan at ng walang hanggang kalangitan.

"Hoy!"

Napapitlag si Aro nang hawakan siya ng babae sa balikat. Nakakunot-noo ito.

"Don't tell me aatakihin ka sa puso?"

Suminghal siya at muling hinampas paalis ang kamay nito.

"Okay, that's it. Di ba sabi ko 'wag mo 'kong sasaktan? What you're doing? That's hurting me. Hindi mo p'wedeng malakas na itabig 'yung kamay ko, hindi mo 'ko p'wedeng hampasin, hindi mo 'ko p'wedeng itulak. I'm a fragile creature. Mababa ang vitamin D ko at mahina ang mga buto ko. I need to be treated delicately."

Pagkabitaw nito ng mga salita, naramdaman niya ang kapangyarihan ng utos na sumasaksak sa kanyang ugat. Para iyong lason na rumagasa sa kanyang dugo, derecho sa kanyang puso.

Hindi siya sisigaw. Hindi siya sisigaw. Hindi siya sisigaw.

"AHHHHHH!"

"For God's sake, shut up."

Katalonan at ang Binatang IsinumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon