Chapter Ten: Halimaw

269 36 16
                                    


Mag-a-alas dos ng hapon nang huminto ang SUV sa tapat ng isang maliit na kubo.

"'Dito na tayo!" Naunang lumabas si Aling Ester sa kanila. Limang maliliit na bata ang sumalubong sa kanya.

Pagbaba nila, may tatlong bata pang lumabas mula sa maliit na kubo at parang mini-torpedo na tumakbo palapit sa kanila.

Nanigas si Francesca. Siya at tumatakbong mga tao? Never a good combination.

Nakangiting lumabas din ang isang babaeng tila nakalulon ng dambuhalang melon.

Ito ang buong pamilya ni Manong Kardo.

"Pasok po kayo," nakangiting bungad ni Manong Kardo.

Balingkinitan ang katawan nito, hindi katangkaran at malalim ang pagkakayumanggi ng balat. Ganoon din ang asawa nitong si Manang Delia.

"Magandang hapon ho," nakangiting bati ni Manong Igmo na kasalukuyang nagpapaningas ng apoy sa makeshift stove sa gilid ng kubo. Gawa iyon sa malaking lata.

"Magandang hapon. Pasensya na kayo sa abala, ha?" paumanhin ng apong niya.

Umiling si Manong Kardo. "Wala ho 'yon. Buti nga po at tutulungan n'yo kaming mahuli ang aswang."

"Pangsiyam na 'tong pinagbubuntis mo, Delia?" usisa ng kanyang apong.

Pumasok sila sa maliit na kubo. Malinis ang maliit na bahay, pero halos walang gamit doon maliban sa isang maliit na kawayang mesa at dalawang mahabang kawayang upuan. May division na plywood sa gitna, at sa kabila niyon ang maliit na silid-tulugan. Hindi sa mas malaki ang bedroom ni Francesca kumpara sa buong kubo, but it was close.

"Opo," sagot ni Manang Delia. "Dapat po labindalawa na ang mga anak namin, pero dalawang beses na po 'kong nakunan dahil sa tiktik at manananggal. Namatay din po 'yung dalawang anak namin. Nagkasakit, nakulam."

Napatingin siya sa mga bata. Naglalaro ang mga ito sa sahig gamit ang isang basahang manika. Underweight ang mga ito.

"Gawin na natin ang plano mo, Francesca," aya ni Aling Ester.

Tumango siya.

Ginawa nila ang trap sa likod-bahay. May nakita siyang apat na maliliit na krus doon.

"Manong Igmo, ano po 'yung apat na cross na 'yon?"

"Ah, 'yung mga anak nila Kardo."

Ibinuka ng dalaga ang bibig pero isinara rin ulit. Ito ba iyong part na dapat niyang batukan ang sarili?

Nanahimik na siya at hindi na ulit nagtanong.

Inilagay nila ang trap di-kalayuan sa bahay nina Manong Kardo. Tinabunan nila iyon ng mga tuyong dahon.

"Ilalagay natin mamaya dito 'yung dala nating buhay at patay na bibe," anang kanyang apong.

"Saan natin ilalagay ang mga fire extinguishers?" tanong ni Aling Ester.

"Standby lang po kayo kapag nagkaroon ng apoy na hindi namin napatay ni Aro. Turuan din po nating gumamit niyan sina Manong Kardo at Manong Igmo. Kuya Greg, ikaw ang bahala sa hose na nakakonekta sa truck ng tubig sa gilid ng kalsada. I hope we don't have to use any of it. Pero mabuti nang sigurado."

Sumaludo ang lalaki. "Okay. Lalagyan ko na ng camera 'yung ilang piling spots para madali ring malaman kung saang parte may sunog kung magkakar'on man."

Hinabol niya ito bago ito makalayo. "Favor, Kuya Greg," bulong niya.

"Ano 'yon?"

"Pakipahiran po ng t*e ng bibe o baboy 'tong outer part ng dalawang kapote at bota."

Katalonan at ang Binatang IsinumpaWhere stories live. Discover now