Kabanata 3

2.9K 254 26
                                    

"Kinabahan ako doon ah," wika ko sa libro. Ibinaba ko siya sa kama nang makarating kami sa bahay. "Pakiramdam ko ay kukuhanin ka."

Nahiga ako sa tabi ng libro. Nakatagilid ako ng higa habang pinaglalandas ang hintuturo sa gilid ng cover nito. "Manggagaway ba ang pamagat mo? Pero bakit para kang journal? Magkakaiba ang paraan ng pagkakasulat?"

"Sa anong taon ka galing? Ano ang kwento mo?" nagpatuloy ako sa pagtatanong at paghaplos sa libro na para bang nakikinig ito. "Ako nga pala si Marikit. Kit ang tawag sa akin ng mga tao. Ikaw, ano ang pangalan mo, manggagaway? Ikaw ba ang nasa panaginip ko? Ikaw ba iyon?" Nahinto ako sa paghaplos ng libro at niyakap ito.

"Bibihisan na kita. Anong kulay kaya ang bagay sa iyo?" patuloy na tanong ko. Itinapat ko ang libro sa mukha ko at hinalikan ang cover nito. "Parang mas bagay sa iyo ang maroon. Parang iyon ang kulay ng mga datu."

Dahan-dahan akong bumaba sa kama at nagtungo sa ibaba ng bahay kung saan naroon ang workshop ko. Nilapag ko ang libro sa lamesa at tinapatan ng ilaw. Pinusod ko ang aking buhok at inilagay sa tuktok ng ulo. Ayaw kong maistorbo ng mga nagsalimbayang buhok sa tuwing mayroon akong inaayos na libro. Una kong kinuha ang cutter at sa isang mabilis na paghiwa, tinanggal ko ang front cover ng libro. Sinunod ko ang likod na bahagi at ang naagnas ng mga sinulid sa spine. Maingat ko itong tinaggal isa-isa. Gumamit ako ng kulay ginto na sinulit at buong ingat kong tinahi muli ang bawat pahina. Kagat-kagat ko ang labi ko habang iniisa-isang tahiin ang maselang mga pahina. At sa bawat pagdaiti ng karayom ay para akong kinakapos ng hininga.

"Paumanhin, kaunting tiis pa." bulong ko sa libro.

Nakahinga lamang ako ng maayos ng maibuhol ko ang huling sinulid. Pagtingin ko sa orasan ay alas dose na ng gabi. Hindi pala ako nakapaghapunan. Tumayo ako mula sa bangko ngunit napatigil ako sa paglakad at natingin sa libro. Hindi ko alam kung bakit hindi ko ito maiwan na mag-isa. Sobrang na-attached na talaga ako.

"Para kang girlfriend, Kit. Sobrang clingy mo," bulong ko sa sarili at dinampot ang libro na wala pang balot. Hubad na hubad ito at ang tanging nagdudugtong ay ang gintong sinulid na ginamit kong pangtahi.

"Baka ginawin ka, irog ko. Magkumot ka muna." Nilagay kong muli ang libro sa tabi ko at binalutan ng kumot. "Matulog na tayo, gagawan na kita ng cover bukas."

*******************

Mas nanaisin ko pang mamatay kaysa matikman ang lupit ni Marikit. Sa bawat pagdaiti ng kanyang punyal sa libro ay siyang pagguhit ng sakit na nagmumula sa aking buto.

"Tama na," sigaw ko ngunit nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa. Halos humiwalay ang aking laman mula sa aking buto dahil sa sakit ngunit walang dugong tumagas mula sa sugat na lumitaw sa aking buong katawan.

"Tama na. Tapusin mo na ako. Tapusin mo na ako!"

Pawisan ako at kinakapos ng hininga ng matapos ang pahirap mula kay Marikit. Napaluhod ako at ang dalawang kamay ay nakatukod sa sahig. Ilang sandali lamang ang aking ipinahinga nang maramdaman ko ang pagtusok ng karayom sa aking kalamnan.

"Kitlin mo na ang aking buhay, pakiusap." Sigaw kong muli ngunit hindi siya natinag. Nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa— ang walang awa na pagtusok sa aking likuran. Hindi siya tumigil hanggang sa mapadukmo ako sa sakit.

"Paumanhin, kaunting tiis pa." bulong niya.

"Hindi ko na kaya," mahinang wika ko. Ang ilang oras na pahirap ni Marikit ay natapos rin. Naramdaman ko ang pagbuhol ng huling sinulid sa aking tikuran. Kung hindi lamang ako nakakulong ay namatay na ako sa sakit na dinanas ko kanina. Nakadapa ako sa sahig at walang lakas na gumalaw pa. Pakiramdam ko ay nahubaran ako ng dangal dahil sa kanyang ginawa. Ang magmakaawa ay hindi ko kailanman ginawa ngunit kanina ay nagmamakaawa ako sa kanya. Nakakapagod na rin ang mabuhay ng nasa gitna ng kawalan.

"Baka ginawin ka, irog ko. Magkumot ka muna."

Muli ay naramdaman ko ang kalinga niya. Ang marahang pagdaiti ng kanyang mga daliri. Ang banayad na paghaplos ng kanyang mga kamay. Hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang balak gawin. Hindi ko naman nararamdaman ang dugo ni Udaya sa kanya. Kung hindi siya isang kalaban, malamang isa siyang alay. Alin man siya sa dalawa, kakailanganing mawala siya.

"Patawad at kinailangan kitang pagpira-pirasuhin bago kita buuing muli." Bulong ni Marikit.

Nakadapa ako at hindi pa rin makagalaw. Pinapakinggan ko ang huni ng kanyang mahinang paghinga. Nakatulog na siya ngunit ang init ng nagdaang gabi ay hindi ko nadama. Nanatili akong nakadapa at ipinakit ang aking mga mata. Walang lakas kahit pumasok man lamang sa kanyang isipan upang kausapin siya. Kaya nanatili akong nakapikit habang nakikinig sa kanyang mahimbing na pagtulog.

"Good morning,"

Napamulat ako ng aking mga mata. Madilim pa rin ang aking paligid ngunit naramdaman ko na ang init ng kanyang palad.

"Gininaw ka ba?" tanong niya na ikinangiti ko. Sinubukan kong bumangon at kahit masakit ang mga sugat sa aking katawan ay nagawa kong tumayo.

"Saan ang ating tungo?" tanong ko ngunit hindi sumagot si Marikit.

"Bakit hindi ka nagpakita sa akin kagabi?" tanong niya pagkaraan ng ilang minuto. Nakarinig ako ng malamlam na musika at naamoy ang kape. Naamoy ko rin ang kanyang pabango. Ang amoy na kinakagisnan ko na.

"Wala akong lakas upang pagalitan ka," sagot ko sa kanyang tanong.

"Galit ka ba dahil nahubaran ka?"

Napatingin ako sa aking buong katawan. Wala naman talaga akong saplot maliban na lamang kapag nagpapakita ako sa panaginip ng mga tao.

"At dahil pakiramdam ko ay ikaw nga ang nasa panaginip ko at kung tama ang pagkakatanda ko ay kulay maroon ang suot mo, gagawin kong maroon ang cover mo."

Napakunot ang noo ko at hinihintay ang sakit na darating ngunit walang dumating. Ang naramdaman ko ay ang pagdaiti ng malamig at malagkit na bagay sa akin. Ilang oras akong naghintay na magsalita si Marikit ngunit hindi siya kumikibo. Tanging ang musika ang naririnig ko ngunit hindi ang boses niya. Ilang oras akong naghintay nang sa wakas ay marinig ko ang kanyang tinig.

"Finally, buo ka na. Pamagat na lamang ang kulang."

"Wala akong pamagat," wika ko sa sinabi niya. Napataas ng kaunti ang gilid ng aking labi ng sumagot siya.

"Nagugutom ako. Nagugutom ka ba?" dagdag na tanong niya.

"Diyos ko, ang hirap mag-isa. Kinakausap ko na ang libro." Natawa siya nang bahagya sa sinabi niya.

"At nakikinig ang libro," mahinang sagot ko.

"Ano ba kasi ang itatawag ko sa iyo? Huwag namang manggagaway dahil kuba iyon ayon sa kwento. Isa ka bang Rajah?"

Natawa ako. "Hindi," sagot ko.

"O Datu?"

"Maari," kibit balikat kong sagot.

"Lakan?"

"Hmmm,"

"Aliping sagigilid?"

Natawa akong muli.

"Aliping namamahay?" Patuloy ni Marikit sa panghuhula. "Isa ka bang maharlika? Ano ba kasi ang kwento mo? At bakit ang daming kamay na nagsulat sa libro?"

"Gusto kitang bigyan ng paningin. Anong pamagat ang nararapat sa iyo?"

"Layag." Mahinang wika ko.

"Layag," mahinang bulong niya.

———————
A/N
Magbalik tanaw tayo, natatandaan ninyo si Udaya at Ms. Rose? Hindi?
Nasa The Book Keeper sila.

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon