Kabanata 13

2.3K 171 18
                                    

"Ano?" Naguguluhang tanong ko. Baka kaya ako iniiwan ay dahil hindi ako marunong humalik?

"Marikit,"

"Bumalik ka na nga sa libro mo bago pa kita tagain ng pino," banta ko kay Bunao o Lakan o kung ano man ang gusto niyang itawag sa kanya. "Balik," sigaw ko. Mas lalong tumiim ang mga bagang nito at lumapit ng pagkalapit-lapit. Halos maduling ako sa lapit ng mukha niya sa mukha ko.

"Sino.Ang.Humalik.Sa.Iyo?"

"Ikaw. Tanga ka ba?" Naiinis na sagot ko.

"Ang nagturo sa iyo?"

Urr... Kailangan pa bang sabihin sa kanya? "Bakit ba? Lumayo ka nga." Itinulak ko siya palayo ngunit parang pader ang itinulak ko. Hindi man lamang natinag. "Anong problema mo? Mapili ka pa." Hinawakan ni —ano ba ang itatawag ko sa kanya— Bunao ang panga ko upang hindi ako makapag-iwas ng tingin.

"Alam mo ba na kay hirap mong intindihin?" Tanong niya sa malumanay na boses. Halos hindi ako kumukurap at nakatitig lamang sa kanyang mata na kasing kulay ng gabi na walang bituin. "Para kang isang talinghaga na kailangan pang pag-isipan bago kausapin."

"Ano ang kinalaman noon sa napakalapit mong distansya sa akin? Naduduling ako,"

"Ang mga bagay na mahiwaga ay dapat dinadama at hindi pinapanood." Ano raw? Naramdaman kong muli ang labi niya at naguguluhan akong pinanood siya sa abot ng aking makakaya. Ngunit ang aking mga mata ay kusang pumikit na naman at sinagot ang halik na hindi katulad ng kanina na mapusok. Ngayon ay parang hangin ang dumampi sa aking mga labi. Hindi ba dapat ay itulak ko siyang palayo?

"Mapapatay ko ang lalaking nagturo sa iyong humalik." Bulong niya sa pagitan ng mumunting halik sa aking mga labi. "Marikit,"

"Ha?" Unti-unti akong nagmulat ng aking mga mata.

"Hindi ko nais na mag-away tayong dalawa."

"Tigilan mo ang paghalik sa aking kung ayaw mong tadtarin kita," wala sa loob na sagot ko na ikinangiti niya. Sa unang pagkakataon ay ngumiti siya at nakalimutan ko kung bakit ako nagagalit sa kanya.

"Wala ka bang mga tanong?" Pag-iiba niya sa usapan. Lumayo siya sa akin at tumayo ng tuwid. Tinitigan niya ang larawan na aking ipininta.

"Marami," maikling sagot ko.

"Kaya ko bang sagutin lahat?"

"Kung... kung nanaisin mo," sagot ko. Naguguluhan pa ako. Parang nagsalimbayan ang mga salita sa utak ko at wala ni isa ang may katuturan. Parang hindi tugma ang bawat salita at hindi ko mahanap ang lohika kung bakit ako nagalit sa kanya.

"Kinulam mo ba ako?" Iyon ang pinaka-tangang tanong na nasa isip ko ngunit iyon ang lumabas sa bibig ko. Napatingin sa akin si Bunao at nakataas ang mga kilay.

"Ano?" Naguguluhang tanong niya. Napabutong hininga ako at nailing na lang.

"Para kasing galit na galit ako sa iyo tapos biglang hindi ko alam kung bakit." Natawa siya ng bahagya at saka umiling. "Wala akong kapangyarihan, Marikit. Nawala na. Nakuha na ni Udaya."

"Paano mo mababawi? Paano ka nga pala nakakalabas sa aklat kung nakakulong ka? Bakit ka nakulong? Sino ang Lakandula sa history book? Bakit..."

"Ang dami mo ngang tanong na hindi ko kayang sagutin." Putol niya sa napakahabang listahan ng mga tanong ko."Hindi mo kaya o ayaw mo lang sagutin?" Nagsisimula na naman akong mainis.

"Hindi ko kayang sagutin sa ngayon. Ano mang oras ay hihilahin ako pabalik ng aklat at nais kong gamitin ang kakaunti kong oras upang siguraduhin kung ayos ka. Huwag ka ng magsulat sa aklat, Marikit."

"Bakit?" Naguguluhang tanong ko. Tinitigan ako ni Bunao na parang may lungkot sa kanyang mga mata. Napapikit siya at mukha siyang nahihirapan. "May masakit sa iyo?"

"Lilisan na akong muli. Mag-iingat ka, Marikit. Hanggang sa muling pagkikita."

"Sandali lang." Pigil ko sa kanya. "Bakit mo ako hinalikan kanina?" Umm? Kailangan ko bang itanong pa iyon?

"Sapagkat, isa akong hangal na naaakit sa apoy gayong isa lamang akong gamo-gamo na mapapaso ano mang oras ngunit ninais pa ring maramdaman ang init kahit kapalit ay kamatayan." Sagot niya. Tuluyan na niya akong iniwan na nakatayo at naguguluhan sa unang palapag.

Inayos kong muli ang sapin sa kama at inilagay ang libro sa dati nitong kinalalagyan. Nakatingin ako rito at inalala ang mga sinabi niya sa panaginip at nang magkita kami kanina.

"Kung ayaw mong mapuno ang balat mo ng mga katanungan ko, sagutin mo ako kahit sa panaginip. Hahayaan mo bang magkaroon ng tandang pananong ang mukha mo?" Nakakabinging katahimikan lamang ang naririnig ko sa kwarto.

"Naririnig mo ba ako? Huwag kang tumawa d'yan." Naiinis na wika ko. Teka, bakit alam kong tumatawa siya?

************

"Hindi ko mapigilan," natatawang sagot ko.

"Naiinis ako sa iyo. Bigla ka na lang nawawala."

Naupo ako sa sahig at tinanaw si Marikit na nakahiga sa higaan at nakabaling sa akin. Ang ulo niya ay nakaunan sa isang bisig at ang isang kamay o mga daliri ay hinahaplos ang kanyang mga labi. Labi na kay lambot kanina ng aking hagkan.

"May sinabi ka sa panaginip ko. Hindi ko lang maalala. Tungkol sa paano ka makakalaya."

"Hindi mo na dapat alalahanin," umiiling na sagot ko.

"Inaantok na ako. Magandang gabi... Bunao."

"Magandang gabi, Marikit." Mahinang wika ko. Pinatay ni Marikit ang ilaw at nabalot ng kadiliman ang paligid. Doon unti-unting sumingit sa alaala kung gaano siya kaalam humalik.

"Tampalasan... Makilala ko lamang ang ngalan niya ay dadalawin siya ni Sidapa. Ipapanalangin ko ang kanyang kaluluwa na maglakbay kasama ng diyos ng kamatayan."

Katahimikan lamang ang naging sagot sa aking pagkainis. Para akong tinatawanan ni Bathala kung saan man siya naroon. Magdamag kong tinitigan si Marikit. Para siyang talinghaga na mahirap maunawaan ngunit hindi naalis sa aking isipan. Bakit sa dinami-dami ng humawak, siya lamang ang nais kong iligtas? At nanaisin kong makulong dito habang buhay kung kapalit noon ay ang mabuhay siya. Akala ko ay naiwala ko na ang puso ko kasabay ng aking kapangyarihan, ngunit...

"Hindi pala," bulong ko sa hangin. "Isa kang talinhaga na kay hirap intindihin ngunit hindi ko mabitawan."

Magpapaalam na ako sa aking... kalayaan.

_________

Sidapa- god of death on Philippine Mythology

The Book MakerWhere stories live. Discover now