Kabanata 14

2.3K 201 22
                                    

"Morning," bati ko libro na walang kagalaw-galaw. Nag-inat ako at bumangon. Simula na naman ng isang panibagong araw. Kailangang makatapos ako ng isang libro na papalitan ng cover ngayon. Kailangan ko ng magtrabaho.

Dala ang libro ni Bunao at bumaba ako sa unang palapag at tinawagan ang shop ko. Nagbilin na hindi ako papasok at pumunta sa akin kung may kailangan sila. Ginugol ko ang sarili sa pagpapalit ng cover ng libro para sa National Library. Kung minsan ay napapatingin ako sa aking libro na parang may matang nagmamatyag sa akin.

Bandang tanghali ay mayroong kumatok sa aking pintuan. Marahn kong binuksan ang pinto at sinilip kung sino ang nasa labas.

"Hi," bati ni Carol. Ngumiti ako sa kanya at binuksan ng maigi ang pintuan. Kasama niya si Zandro at isa pang lalaki. "Pwede ka ba naming istorbuhin?"

"Pasok kayo. Pasensya na at magulo ang working area ko." Napatingin ako sa libro na sa pakiramdam ko ay hindi masaya na may ibang tao. "Upo kayo. Pasensya na talaga at makalat."

Naupo silang tatlo sa mahabang sofa at ako naman ay sa swirling ko sa working table.

"Kit, si Jake nga pala, kaibigan namin ni Zandro. Jake, si Kit, siya ang kinukwento namin sa iyo." Pagpapakilala ni Carol. Ngumiti ako kay Jake at ganoon din siya sa akin.

"So, buhay pa pala si lola." Wika niya. "Umm, sinong lola?" naguguluhang tanong ko naman.

"Si lola nila Ms. Rose. Si Udaya." Sagot ni Carol.

"Naguguluhan ako sa totoo lang. Paanong... ibig bang sabihin ay hindi siya namamatay?" Tanong ko sa kanila. Nakakaunawang tumango si Carol. "Mukhang ganoon na nga." Sagot niya.

"Sa totoo lang, malakas pa siya noong hinampas niya ako ng tungkod dati." Wika ni Carol. "Sobrang sama niya, Kit. Kung hindi ko aksidente na naiuwi ang libro ng Ada, baka wala na si..." napatingin si Carol sa asawa niya na may lungkot sa mata pagkatapos ay umiling. "...si Zandro. Kami ni Jake ang humahabol sa oras noon gaya ng sinabi ko sa iyo. Hindi ko alam kung bakit nababasa ko ang baybayin, marahil dahil nagmula ako sa angkan ng tunay na dugong Pilipino."

"Hindi ka nakakabasa?" tanong ni Jake na ikinailing ko. Huminga ng malalim si Carol bago muling nagtanong. "Nakita mo ba kung lumilitaw sa balat ni... Lakandula... ang mga nakasulat?"

"Oo. Nakita ko ang isang talata ng tula sa kanyang balat." Sagot ko.

"May sinabi ba siya sa iyo?" Tanong ni Zandro. "Teka, paano kayo nakakapag-usap?" Dagdag ni Jake sa mga tanong nila.

"Kung minsan ay sa panaginip. May sinabi siya kung paano siya makakalaya ngunit hindi ko matandaan."

Bumagsak ang balikat ni Carol. "Kailangan mo siyang tanungin muli. Paano siya napapalabas?"

Umiling ako bilang sagot. "Bigla na lamang siyang sumusulpot."

"Ang sabi mo ay lumilitaw sa balat niya ang sinusulat mo sa libro. Hindi kaya..." Napatingin si Zandro kay Carol. "...hindi kaya kailangan mong magsulat sa libro at mapuno ito upang makalaya siya?"

"Ngunit ang sabi niya ay huwag akong magsulat muli." Naguguluhang sagot ko. Napaisip kaming apat ng wala sa oras.

"Bakit kaya?" Naguguluhang tanong ni Carol. "Pwedeng pabasa ulit?"

Maingat na kinuha ko ang libro na napakabigat muli at kinailangan ni Jake na tumayo at tulungan ako upang maibigay kay Carol. "Ang bigat," wika ni Jake.

"Oo nga. Hindi ito kasing bigat noong isang araw," sagot ni Carol. Huminga ng malalim si Carol at binuksan muli ang pahina. Binasa niya ng may kalakasan ang nakasulat upang maintindihan din namin.

Ang Lakan, oo nga at may kapangyarihan ay parang isang aso na dinidilaan ang dinadaanan ng mga dayuhan. Nilalapastangan ang aming bayan ngunit pikit-mata siyang nakikisalamuha sa kanila. At ang aming mga anak at asawa ay nilalastangan din gaya ng aming bayan. Ang Lakan, sukdulan ang karuwagan at nanaisin ko pang kitilin ang kanyang buhay gamit ang aking kamay kaysa magdusa sa kamay ng mga dayuhan. Kaya ngayong gabi, magwawakas ang Lakan.

Binasa ni Carol ang bawat pahina at puro paghihiganti at pagkasuklam ang nakasulat sa mga ito. Magkakaibang tao ngunit puro pagkamuhi ang laman ng libro. Tumigil magbasa si Carol ng mapagod kami sa bigat ng mga nakasulat. Napamaang pa siya ng buhatin niya ang libro na may kagaanan na.

"Mukhang ayaw niyang basahin natin ang laman kanina," wika ni Carol nang iaabot sa akin ang libro. Tumayo si Jake upang alalayan ako ngunit maging siya ay nagtaka at magaang na ang libro.

"Hindi natin nasagot ang tanong. Nadagdagan lang," wika ni Jake. "Ano ba ang gusto ninyong malaman sana?" Tanong ko sa kanila.

"Kung paano napunta kay Udaya ang kapangyarihan ng manggagaway at Lakan na si Bunao." Sagot ni Zandro.

"Feeling ko, naakit si Bunao kay lola." Sagot ni Jake. Natingin kami sa kanya kaya siya natawa. "Alam n'yo na, lalaki rin si Lakandula. Baka lang..."

Bigla akong kinilabutan at gustong itapon na lang sa apoy ang libro.

************

Pinapakinggan ko ang pag-uusap nila Marikit mula sa libro. Nabasa na ng lahi ni Malaya ang karamihan sa nakasulat ngunit nadagdagan lamang ang mga katanungan nila. Bukod tanging ang isang lalaki na may lohika ng kalokohan ang hindi ko kilala. Sino ang isa na ito? Saang lahi kaya nagmula at nakaharap na si Udaya?

Nagtagal pa sila sa bahay ni Marikit at nakipagkwentuhan. Napunta sa kung saan-saan ang usapan. Ang lalaking may ngalan na Jake ay napansin ang ipininta ni Marikit at kung todo puri ito.

"Si Z, marunong rin magdrawing pero, shit, parang mas magaling ka sa aming mga arkitekto." Wika nito. Malamang ay mangmang ka lamang, sagot ng utak ko.

"Hindi mo ba ipagbibili?" Tanong niya kay Marikit. "Hindi," maikling sagot niya.

"Sayang naman. Ang ganda niya at dapat makita ng mundo."

Sidapa, isa pang susunduin mo. Sundan mo kung saan nakatira at ng hindi na bumalik pa rito. Nangangati ang palad ko na pakawalan ang sibat ngunit baka magkagulo kung titihaya na lang si Jake at mawalan ng buhay sa tahanan ni Marikit.

Bandang hapon ng maisipan nilang umalis. Hinatid ni Marikit sa pintuan ang tatlo at nakangiting bumalik si Marikit sa hapag upang matulala lamang. Kinalampag ko ang libro at napatingin si Marikit sa akin.

"Bakit nag-iinarte ka na naman?" walang ngiting tanong niya. Aba't...

"Anong nag-iinarte? Kung makipag-usap ka ay parang kilala mo sila."

"Bakit naagaw ni Udaya ang kapangyarihan mo? May point si Jake, ano ang nangyari at naagaw ng babae ang kapagyarihan mo?"

Hindi ako nakakibo. Nanliit ang mga mata ni Marikit habang nakatitig sa akin.

"Sunugin kita d'yan e," wika niya na ikinalaki ng mga mata ko. Walang ingat niyang kinuha ang libro at dinala sa itaas. Initsa ako sa higaan at bumaba siyang muli sa unang palapag. Gabi na ng makita kong muli si Marikit. Hawak nito ang kanyang telepono at mukhang may kausap. Nakangiti siyang nagpipindot dito at hindi lumilingon sa gawi ko.

Sino ang kausap mo?

Naroon na nangigniti siya o tumatawa, pagkatapos ay pumipindot na naman. Unti-unting umaakyat sa ulo ko ang inis.

"Marikit," sigaw ko na parang naririnig niya ako. Nagpatuloy lamang siya at tumawa habang nakatuon ang paningin sa telepono na hawak.

"Ganoon ha,"

Hindi niya napansin ang paggalaw ng libro. Hindi niya pinansin na nahulog ito sa lapag. Hindi niya pinansin ang paglitaw ko sa gilid ng kanyang higaan.

"Marikit," mariing wika ko. Napatingin siya sa akin at nanlaki ang mga mata.

Wala nga pala akong saplot sa katawan.

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon