Kabanata 24

2.1K 184 18
                                    

Hindi ako mapirmi. Nasa panganib si Marikit. Nasa paligid lamang ang mga kampon ni Sitan. Nagkalat na sila.

"Lumayo kayo," sigaw ko ngunit hindi nila ako marinig.

"Kailan pa naging ganoon ang tawa mo?" nagtatakang tanong ni Carol kay Jake.

"Tumakbo na kayo,"mariing wika ko.

"Ang judgemental ninyo. Okay na ba ang braso ko? Kailangan ba nating pumunta sa albularyo?"

"Hindi ko na alam," sagot ng taga-bantay.

"Nakausap mo ba si Sidapa, Ms. Mel? Sa dami ng nangyayari, hindi ko alam kung ano ang unang itatanong." Saad ni Carol.

Isang tango lamang ang isinagot ni Mel sa kanila. "Matulog na kayo. Akon a ang magbabantay kay Marikit."

"Paano nga ang braso ko?"

"Kapag nagpatuloy ang pagkalat ng ink, dalin na kita sa albularyo bukas," sagot ni Mel.

"Bakit hindi pa ngayon?"

"Dahil hindi ko alam kung sinong albularyo ang buhay pa." Pagod na sagot ni Mel. "Ang manggagaway, masasagot ka. Ngunit sa ngayon, wala akong masasagot sa iyo. Lahat ng nalalaman ko ay hindi ko alam kung paniniwalaan ko pa. Magpahinga muna tayo. Si Rose, baka may sagot siya sa iyo."

Napilitang lumapas ng silid ni Marikit ang tatlo. Naiwan ang taga-bantay sa silid na mukhang pagod na pagod na. "Bukas, lalaya. Kailangan ko lamang magpaalam," wika niya.

Ramdam kong gising ang taga-bantay buong magdamag kahit walang sinag ng liwanag sa silid. Nararamdaman ko ang kanyang mga pagbaling at naririnig ang kanyang pag-iyak. Tahimik ang silid maliban sa kanyang paghikbi. Mugto ang mata ng tagabantay ng matanaw ko siya kinabukasan. Tahimik niyang inayos ang buhok ni Marikit na nilipad sa kanyang mukha.

Hindi nagtagal ay dumating ang isa pang taga-bantay sa silid ni Marikit kasunod ang tatlo. "Mel, ano ang nangyari kahapon?"

"May tiktik kagabi sa bubong. Gaya ng wika ni Udaya ay gusto nilang matikman ang sanggol sa sinapupunan ni Kit. Hinila ni Jake ang dila ng tiktik at nagkaganyan ang braso niya."

"Bakit mo hinila?" baling ni Rose kay Jake na sinisipat-sipat ang kanang braso.

"Nataranta ako," sagot nito. "Sa tingin mo, nakakamatay ito?"

Pinakita ni Jake ang pinta ng kanyang pinagmula kay Rose. "Hindi ko alam. Naguguluhan ako. Dumaan ako sa hospital kanina. Hindi ako pinapasok ng mga doctor sa mga naka-quarantine. Hanggat maari raw ay hindi nila nais na lumabas ng hospital ang mga insekto na lumalabas mula sa sugat ng mga nabiktima. Napanood n'yo ba kagabi sa balita?"

"Oo. Maging si Makiling ay sinusunog nila upang mapalabas. Nawa ay makaligtas ang diwata," sagot ni Mel. "S'ya nga pala, total naririto kayo. Nais kong sabihin ang sinabi ni Sidapa kagabi sa akin."

"Nakausap mo?" tanong ni Rose.

"Pinalabas ko siya," sagot ni Mel.

"Paano mo siya napalabas?"

"Hindi ko alam. Bigla ay parang alam ko ang gagawin kagabi. Ang pagtawag sa kanya ay kusang dumaan sa aking isipan. Ang sabi niya ay matagal ng nagsimula ang propesiya. At an gating nabasa ay isang guhit lamang sa buong propesiya na mayroon."

"Kailangan ko pang magbasa," mungkahi ni Carol.

"Kailangan munang mapalabas ang manggagaway," wika ni Mel.

"Pero, tulog nga si Kit," sagot ni Zandro.

"Mayroong paraan. Alam kong mayroon. Kung magtatagumpay ako, magpatuloy kayo."

"Mel? Ano ang sinasabi mo?"

"Ms. Mel?" May himig ng takot ang boses ni Carol.

"Papalabasin ko ang manggagaway kapalit ng buhay ko. Ipagpatuloy ninyo ang laban."

Sari-saring pagtanggi ang nangmula sa mga kasama ni Mel. Ako man ay hindi nais masaksihan ang mangyayari ngunit ano ba ang pagpipilian namin?

"Wala tayong pagpipilian. Ginawa na natin ang lahat. At least let me try," sigaw ni Mel.

Kinuha ni Mel ang aklat at nagtungo sa isang hapag. Iniwan niya ako pansamantala at bumalik na may dalang pluma at patalim.

"Dinggin mo ang tawag ng isang taga Tondo. Lakan Dula, ipagpatuloy mo ang laban. Hindi bilang Lakan kung hindi bilang mangagaway. Ang iyong laban ay hindi na para sa nasasakupan mo," wika ni Mel habang nakatingin sa bintana ng pamagat na wari bang nakikita niya ako at kinakausap.

Hiniwa ni Mel ang kanyang pulso gamit ang patalim at sa umaagos na dugo isinawsaw nila ang pluma.

Naramdaman ko ang paglilipat ng mga pahina at ang pagdaiti ng pluma sa aking likuran. Nararamdaman ko ang bawat letra na kanyang isinusulat. Pulang mga salita ang lumitaw sa aking balat. Parang pilat na galit at nagpapaalala na isang buhay ang magwawakas kapalit ng aking kalayaan. Bawat salita na kanyang sinusulat ay lumilitaw sa akin. Isang tula— tula ng pamamaalam. Tula na nakalimbag sa aking balat at tanda ng kanyang sakripisyo. Ang huling tula na kanyang isusulat.

Unti-unti kong nararamdaman ang paghigpit ng tanikala habang papalapit ang pagkaubos ng pahina sa libro. Naririnig ko ang iyak sa paligid ngunit ang pagsusulat ng taga-bantay ay hindi nahinto.

Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan, bata pang maliit,
sa aking tahanan di na masisilip.

Pag-papasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!

Sa huling tuldok na isinulat ng taga-bantay, nagbukas ang kulungan ko kasabay ng kanyang pagbagsak sa sahig.

"Mel," sigaw ni Rose.

Ang tanikala na nakapalupot sa akin ay kusang natanggal. Humakbang ako sa nakabukas na pahina upang lumaya.

Sapo-sapo ni Rose ang walang buhay na taga-bantay nang makalabas ako.

"Taga-bantay, maraming salamat," bulong ko sa kanya.

Inabutan ako ng roba ni Zandro at agad ko itong isinuot. Isang panalangin ang aking sinambit at si Sidapa ay lumitaw sa aking tabi na lingid sa kaalaman ng mga taga-lupa.

"Ihatid mo siya sa kabilang buhay, pakiusap," wika ko kay Sidapa. "Magsisimula na ang laban natin."

"Laban ninyo. Huwag ninyo akong idamay. Ako ang balanse ng buhay," sagot ni Sidapa.

"Papanig ka rin, kaibigan," sagot ko. Nawala si Sadapa kasabay ng pagkawala ng kulay sa mukha ni Mel.

"Ang taga-bantay ay nasa mabuting kamay. Makakatawid siya sa kanyang paroroonan."

Sa pagbaling ko sa gawi ni Marikit, mukha ni Jake na mukhang galit ang sumalubong sa akin.


-----------

A/N

Isa lang muna. Mahirap mag-isip ng sabay-sabay.

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon