Kabanata 28

2.3K 165 9
                                    

Madilim pa ng kami ay lumisan. Isang halik kay Marikit ang aking iniwan at isang pangako kay Carol ang kanyang pinabaon. "Babatantayan ko siya," wika niya. Isang punyal ang aking iniwan kay Carol. May dasal na nakabalot dito at kayang pumatay ng masamang elemento.

"Bumalik kayo ng ligtas," bilin niya at iniabot sa akin ang aking kulungan. "Hindi ko alam kung bakit ngunit may bumubulong sa akin na dalin ninyo iyan."

Tahimik kaming apat habang nasa daan. Si Zandro ang nagpapatakbo ng sasakyan at katabi ang matalik na kaibigan. Ang taga-bantay ay nakatingin sa bintana at hindi alintana ang hangin na kanyang nililikha sa paligid at ako ay kalong ang libro na ang huling pahina ay ang mga dugo ni Mel. 

Malaki na nga ang pinagkaiba ng mga bayan. Ang dating taniman ay naging mga kabahayan na. Nauubos ang mga luntiang parang. Nauubos ang kapatagan. Papasikat ang araw ng kami ay lumagpas sa napakahabang daan. Natatanaw ko ang Arayat at naisip kung natutulog pa rin ang diwata. Naroon pa kaya siya?

Ang hangin ay unti-unting lumalakas sa labas. Winawagayway nito ang mga puno na waring tag-ulan.

"Kumalma ka," wika ko na bumasag sa katahimikan. Napatingin sa akin si Jake at Rose. "Lumalakas ang hangin dahil sa iyong kaba."

Napahinga ng malalim si Rose ng ilang ulit bago sumagot. "Natatakot ako."

"Sino ba ang hindi? Higit kanino man, mas natatakot ako para sa inyo." Nakasunod si Sidapa kung hindi ninyo nararamdaman. "May mga pamilya kayong naghihintay. Asawa at anak at maging ibang kaanak."

"Paano kung hindi natin matalo si Udaya?" may alinlangang tanong ni Rose.

"Itataya ko ang buhay ko magapi lamang siya. At kung sakaling hindi ako makabalik, alagaan ninyo ang aking si Marikit."

"Babalik tayong lahat mamaya. Tatapusin natin ito," may diin na wika ni Zandro. "Parang napanaginipan ko na ito noon. Noong itinuturo sa akin ni Alon sa panaginip kung sino si Carol."

Mula sa patag na daan ay lumiko kami sa isang mabuhangin na daan. Ang alikabok ay nagpapahirap sa amin na makita ang daraanan.

"Inililigaw tayo," saad ni Jake.

"Sumulong ka lamang, Zandro," utos ko. "Rose, kaya mo bang hawiin ang alikabok?"

"Susubukan ko."

Noong una ay mas dumami ang alikabok sa daan na ikinailangan naming huminto sapagkat wala na kaming makita. Ang mga buhangin ay parang mga maliliit na patak na ulan ay nalalaglag sa aming bubungan.

Isang ipo-ipo ang biglang lumitaw sa aming harapan at tinangay ang alikabok na tumatakip sa daan.

"Bilis," sigaw ni Rose. Nagmamadaling sumunod si Zandro. Hindi patag ang daan at pawang mabato ngunit kailangan naming magmadali habang kaya pang hawakan ni Rose ang hangin na humihigop sa mga buhangin na binabato sa aming dadaanan.

Ilang pag-iwas ang aming ginawa sa mga batong nalalaglag mula sa itaas hanggang sa marating namin ang bukana. Isang karatula ang nakapaskil doon na dito magsisimula ang aming paglalakad. Ngunit hindi namin kailangang maglakad. Narito sila. Narito siya.

"Udaya," sigaw ko at umalingawngaw iyon sa paligid. Kaming apat ay nakatayo sa gitna ng mga nagtataasang pader ng buhangin. "Alam kong nariyan ka. Nararamdaman ko ang kapangyarihan ko."

"May tao," bulong ni Jake na nasa tabi ko. Lumingon ako sa gawi niya at nakita ko si Sidapa na nakatayo.

"Sidapa," batik o sa diyos ng kamatayan. "Narito ka."

"Mayroon akong susunduin," sagot nito.

"Kinikilabutan ako," bulong ni Rose. "Nakakatakot siyang tingnan."

"Huwag mong tingnan," wika ni Zandro.

Mula sa itaas ng mga pader na buhangin ay lumitaw ang mga kampon ng dilim. Parang nagdilim ang langit sa mga uwak na lumilipad sa himpapawid. Ang maaliwalas na panahon ay naging makulimlim.

"Humanda na kayo," wika ko.

Nag-usal ako ng panalangin at tinawag ang lupa upang ako ay dinggin. Isang espada at dalawang sibat ang aking hiniling. Mula sa lupa ay binunot ko ang mga patalim. Ibinigay ko kay Zandro ang espada at hawak ko ang dalawang sibat.

"Alam mo namang gamitin iyan hindi ba, Alon?" tanong ko kay Zando. Isang sagisag ang lumitaw sa noo ni Zandro. Ang sagisag ni Alon na kanyang inilalagay sa tuwing may digmaan. Nagbabalik ang aking kaibigan. Tumango si Zandro at hinintay namin ang mga kampon ng kadiliman na bumaba mula sa pader na kanilang kinatatayuan.

"Bakit pa tayo maghihintay kung kaya natin silang sunugin sa itaas?" sigaw ni Jake at nagpakawala ng apoy sa kanyang kamay. "Ms. Rose, dalin mo ng hangin."

Isang bolang apoy ang kumawala sa kamay ni Jake at tinangay ng amihan paitaas. Sigaw ng mga kampon ng dilim ang narinig bago tuluyang bumukas ang Kasamaan at sumugod ang mga kampon nito. 

Si Zandro ang inalalayan ko habang palapit ang mga kampon ng kadiliman. Karamihan ay mga patay na naagnas na.

"Kadiri," saad ni Zandro bago niya ikampay ang kanyang espada. Mabilis kumilos si Zandro at parang isang mandirigma na sumasayaw upang iwasan ang mga naagnas ng patay. "Lakan, nakatayo ka lamang diyan."

Gaya ng dati ay naglaro kami ni Alon na ngayon ay si Zandro na— sa mga kalaban. Sa amin paanan ay nakapalibot ang mga patay na aming nagapi. Sa di kalayuan naman ay si Rose at Jake ang magkatalikod na nakikipaglaban. Amoy ng nasusunog na tao ang umaalingasaw sa hangin.

"Mga hangal," sigaw ng boses na kilalang-kilala ko.

"Udaya!"

"Paano ninyong gagapiin ang mga patay na?" tumatawang tanong nito. "Wala kayong mga isip."

"Udaya," sigaw ni Jake. "Bakit hidni ka bumaba ng makita moa ng hinahanap mo."

"Jake... Jake... Jake... galing sa angkan ng traydor at mamamatay tao."

"Uday... Udaya... Udaya... ang babaeng may putol na daliri," sagot ni Jake na ikinatawa ni Zandro. "Hindi ka ba luluhod sa anak ng pinuno ninyo?" Napalayo si Rose kay Jake nang hindi lamang kamay nito ang magliyab kung hindi buong katawan nito.

"Jake," sigaw ni Zandro.

"Hindi ka ba luluhod sa akin, Udaya?" Nagbago ang boses ni Jake. Naging malalim ang boses nito at nakapangingilabot.

Natigil ang pagbaba pa ng mga patay mula sa itaas. Ang mga uwak ay parang nahawi at ang sinag ng araw ay unti-unting lumitaw.

"Jake, huwag mong yakapin ang katotohanan. Hihilahin ka niyang papunta kay Sitan." Hindi ko alam kung tuna yang aking sinasabi. Ang nais ko ay magising si Jake. Kinakain na siya ng dugo ng kasamaan.

"Ms. Rose, tangayin mo si Lakan paitaas. Zandro, sumama ka kay Lakan. Kami ang bahala dito sa ibaba, ikaw ang gumabay sa kanya. Bilisan ninyo at hindi ko na kayang pigilan ang dugo na dumadaloy sa akin. Lakan, ikulong mo si Udaya sa libro.Iyon ang bilin ni Carol sa akin. Ngayon na."

Isang malakas na hangin ang pumalibot sa amin ni Zandro at an gaming mga paa at hindi na nakatapak sa lupa.

"Jake," sigaw ni Zandro ngunit masyadong malakas ang amihan. Pataas kami ng pataas at sa ibaba ay naroon si Rose na nakataas ang mga kamay.

"Ngayon na," wika ni Rose at ang hangin ay patuloy sa pag-ikot. Umikot ito nang umikot sa paligid namin ni Zandro at nang huminto ito, tumambad sa amin si Udaya, ilang dipa mula sa kinatatayuan namin ni Zandro.

"Sa wakas, nagkaharap na rin tayong dalawa," puno ng puot na wika ko.

The Book MakerWhere stories live. Discover now