Kabanata 18

2.3K 180 7
                                    

"Papunta na raw sila," pahayag ni Ms. Rose. Naputol ang pag-uusap namin ni Ms. Mel tungkol sa libro. "Parang kasinungalingan lahat ng nalalaman natin, Mel. Nakakapanlumo na parang wala tayong kaalam-alam." Napabuntong hininga ang magpinsan sa lalim ng mga iniisip. Tumayo ako at nagtimpla ng kape upang may mapaglibangan kahit saglit. Nalulunod muli ang isipan ko ng mga tanong na hindi nais sagutin ng tanging taong makakasagot nito.

"Magkape muna po kayo." Inilapag ko ang kape sa coffee table sa harapan ng maliit kong sofa. "Kukuhanin ko lang po ang libro sa itaas." Paalam ko sa kanila. Pumanik ako sa itaas at naabutan kong medyo magulo ang kwato. Tanggal ang sapin ng kama dahil iyon muli ang ipinangtapis ni Bunao kanina. Ang kurtina ay wala sa ayos. Nalaglag din ang lampshade mula sa bedside table.

"Baka naman pwedeng ayusin moa ng mga gamit kapag lumalabas ka? Napapagod akong magligpit ha. Wala kang alipin dito," pangaral ko kay Bunao. Naririnig kaya ako nito sa loob ng libro?

"Patawad, sadyang nag-aalala lamang ako sa'yo kanina." Sagot niya sa likod ng isipan ko. Inayos ko muna ang kwarto ko bago ko kinuha ang libro at dinala sa ibaba. Napatingin ang magpinsa sa akin nang maupo ako sa isang sofa.

"Kit, hindi kaya, kaya ayaw kang pagsulatin ng Lakan sa libro ay dahil may complication? Obvious kasi na may affection siya sa iyo,"

Namumula akong nagyuko ng ulo. Malalaman ba nila ang nangyari kagabi? Diyos ko, nahihiya ako. "Hindi naman siguro affection, Ms. Rose. Ano lang... baka dahil ako ang nakapulot sa kanya." Paliwanag ko. Bakit ako nagpapaliwanag? Inabot ko ang isang fountain pen sa working table ko. Naririnig ko si Bunao,

"Huwag kang magsulat." Sigaw ni Bunao. Pumikit ako sandali at inalala ang tulang nabasa ko mula kay Jose Corazon De Jesus.

Isang gabi'y manungaw ka.
Sa bunton ng panganorin
ay tanawin ang ulila't naglalamay na bituin;
Sa bitui'y itanong mo ang ngalan ng aking giliw
at kung siya'y magtatapat, ngalan mo ang sasabihin.
Ang bitui'y kapatid mo. Kung siya ma'y nasa langit,

Hinayaan ko ang damdamin ko ang makaalala ng buong tula. Kahit ang sulat ko ay hindi pantay-pantay dahil sa pagmamadali, hindi ako huminto sa kung ano man ang nasa isip kong isulat. Hanggang ang tula sa bawat pahina ay hindi na mula sa ibang tao kung hindi nagmula na sa puso ko.

"Kit," tawag ni Ms. Rose sa akin ngunit hindi ako huminto.

"Namumutla siya," narinig kong wika ni Ms. Mel.

"Tumigil ka na," sigaw ni Bunao. Ngunit ang kamay ko ay hindi tumigil sa pagsusulat.

"Kit," tawag muli ni Ms. Rose.

Malulam ba? Bakit parang dumidilim? Ang liwanag ay unti-unting nawawala.

"Marikit," medyo may kalakasang sigaw ni Ms. Mel. Nawala bigla ang hawak kong fountain pen at nanlalambot akong napasandal sa sofa. Hinahabol ko ang aking hininga. Pinagpapawisan ng malapot, naiinitan na giniginaw.

"Mel, tubig. Kumuha ka ng tubig." Wika ni Ms. Rose. "Kit,"

Naririnig ko sila ngunit hindi ko kayang magmulat ng mata. Naliliyo ako. Umiikot ang paningin ko. Nahihirapan akong huminga.

"Marikit," Sigaw ni Bunao mula sa libro.

"Kit, tubig. Uminom ka muna." Naramdaman ko ang pagdampi ng tubig sa nanunuyo kong labi. Pinilit kong uminom kahit kaunti. Nanlalambot ako. Na ang simpleng pag-upo ng maayos ay hindi ko kayang gawin.

"Marikit, gumising ka. Ano ang nangyari sa'yo?" Nagwawala na naman si Bunao. Nararamdaman kong gusto niyang kumawala.

Katok sa pintuan ang sumunod na narinig ko.

The Book MakerWhere stories live. Discover now