SP 03

7 3 0
                                    

"Paalam—
Isang salitang ang hirap panindigan,
Paalam—
Ang daling bitiwan pero hindi ko mapanghawakan,
Paalam—
Nais ko nang isantabi lahat ng sakit at tuluyang lumisan,
Paalam—
Sa aking nararamdaman, hindi ko magawang magpaalam,
Kaya umaasa na lamang na kasabay ng pagtatapos ng tulang ito,
Ng huling tula ko para sa iyo,
Ay ang aking pagkalas mula sa kulungan ng pag-asa,
Ng pagnanasa,
Ng paghanga at pag-ibig na kahit kailan,
Kahit minsan, hindi mo sinuklian.

Naaalala ko pa kung paano ako naghukay ng sarili kong libingan;

Itinaas ko pa rin ang aking mga kamay at sinubukan kang abutin,
Nagpabulag ako sa malalalim mong titig,
Nagpalunod ako sa matatamis mong kuwento,
Na parang tanga,
Kasi sino ba namang mahuhulog?
Sino ba namang mag-aakalang mayroon pang higit sa nasa harapan niya?

Hinayaan ko ang sariling masunog,
Masunog sa mga siguro,
Siguro isang araw, iihip ang hangin patungo sa direksyon ko,
Siguro hindi naman malabo,
Hindi malabong mula sa pagkakaibigan,
Maging laman ako ng iyong isipan,
Siguro hindi naman malabong mabuo ang ikaw at ako,
Hinayaan ko ang sariling masunog,
Masunog sa ilusyon ng tayo.

Itinaas ko pa rin ang aking mga kamay, at sinubukan kang abutin,
Kahit simula pa lang, alam kong kasintaas ka ng mga bituin.

Pero teka...

Pinilit ko namang umahon,
Pinilit kong hindi magpatangay sa agos kasi tila may kayo na,
Pinilit ko namang bumangon,
Pinilit kong tumayo mula sa pagkakadapa kasi nga wala akong pag-asa,
Maniwala ka,
Pinilit kong iwaglit ang aking nararamdaman kasi sakit lang naman napapala ko, 'di ba?
Sinubukan ko,
Pinilit kong umusad,
Kaso patuloy pa rin akong nasisilaw kasi bakit ba...
Bakit ba walang mali sa'yo?
Bakit ba perpekto ka sa paningin ko?

Pinilit ko,
Na parang nagpupumiglas sa kulungang ako mismo ang may gawa,
At oo, mahirap,
Pero mas mahirap palang kumapit sa patalim ng pag-ibig,
Ng pag-ibig na walang kasiguraduhan,
Ng pag-ibig na walang patutunguhan.

Kaya heto, susubukan ko ulit,
Lilipulin ko na ang apoy na bumabalot sa akin tuwing ikaw ay papalapit,
Titigilan ko na ang pag-aabang,
Sa hanging kahit kailan hindi naman iihip patungo sa akin,
Dahil kahit kailan, hindi ka naman mapapasaakin,
Tatahan na ako,
Pupunasan ang mga luha kasabay ng pagbura ng mga alaala,
Gigisingin ko na ang aking sarili at hindi na magbubulag-bulagan,
Sa mga nagdaang kasinungalingan,
Sa mga siguro,
Sa pagpapakatanga para sa iyo,
Lalangoy na ako palayo,
Ibababa ko na ang aking mga kamay at susuko sa pag-abot ng mga bituin,
Ibabaon ko na sa lupa ang sakit, saya, poot, pag-asa,
At pusong nagdurugo.

Paalam—
Ikaw pa rin naman ang naging sanhi ng 'di matawarang kasiyahan,
Ngunit paalam—
Sapagkat ang sayang ito'y nagbunga ng kasawiang hindi ko makayanan,
Paalam—
Bubulong sa hangin, at aasang makararating sa'yo ang mga katagang ito:
Salamat sa lahat,
Patawad sa aking mga pagkukulang,
At paalam...
Kakalas na ako sa pag-asa, pagnanasa, paghanga, at pag-ibig,
At dito,
Dito nagtatapos ang huling tula ko para sa iyo."


I stepped out of the restobar as soon as I finished reciting my poem.

Yes, I did it in front of strangers.

In front of strangers, I poured out every last bit of my heart.

Finally deciding to let my feelings go.

This time, for real.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 30, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AfterglowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon