Prologo

73 4 0
                                    

Pumalibot ang mga guardia civil, guardia personal, at mga sundalong sakop ng pamilya sa kalesang gawa sa matibay na kahoy ng Oak at Narra, kung saan naroroon ang pamilyang pinakainiingatan ng lalawigan ng Bohol, ang mga Anastasia. "¡Protege a las Anastasia! (Protect the Anastasias!)"

Tumahimik ang buong paligid. Lahat ay nagmamasid dahil sa paglusob ng mga rebelde sa talipapa na ang tabi ay ang kagubatan. Batid ng mga ito na nagtatago lamang ang mga rebelde sa kasulok-sulukan ng mga malalapad na punong pumapaligid sa talipapa. Dali-dali ring nagsitakbuhan din ang mga tao papaalis sa lugar na iyon matapos makarinig ng putok ng baril kung kaya't walang natitirang sibilyan sa sekta kung hindi ang mga sundalong nakapalibot sa mga Anastasia.

Sa loob ng kalakip na kalesang gawa sa matibay na kahoy ay ang pamilya ng gobernadorcillo na si Don Luis, kapit bisig na taimtim na nagdarasal. Pinangungunahan ito ni Dona Mariana, magkahawak kamay sa dalawa nitong ginoong anak habang binibigkas ang dasal na Ave Maria.

Si Don Luis, ang gobernadorcillo ng bayan sa loob ng ilang dekadang pamumuno ng kaniyang pamilya ay kinikilalang malupit ngunit tapat sa mga nasasakupan nito. May sapat na pansin pagdating sa hustisya, pamamalakad at pamumuno- ito ang dahilan kung bakit marahil ilang dekadang namuno ang pamilya Anastasia sa lalawigan.

Ang dalawang anak nito ay si Ginoong Marcelino at Ginoong Milandrino Anastasia. Si Ginoong Marcelino na nagmana ng katangian ng ama bilang isang malupit ngunit tapat na pinuno. Ngunit hindi ito ang nakatakdang sumalo ng posisyon sapagkat siya ang kinikilalang heneral ng Hukbong Sandatahan ng lalawigan. Labing-limang taong gulang na ito ngunit wala pa ring kasintahan- hindi tulad ni Ginoong Milandrino na itinakda nang ikasal.

Si Ginoong Milandrino, ang bunso at ang tagapagmana ng mga Anastasia. Hindi pa ito napapakilala sa nakararami hanggang sa tumungtong ang ika-dalawampu't -dalawang kaarawan nito sa darating na Agosto. Ang katangiang taglay nito bilang isang maginoo, malambot, makatarungan ngunit pilyong pinuno ay nanggaling sa ina nitong si Doña Mariana, hindi tulad ng kaniyang nakakatandang kuya.

May malambot itong puso at ang paniniwalang lahat ng tao ay maaaring magbago kung bibigyan ng pagkakataon ang kaniyang pinanghahawakan.

"Sugod!" Matapos rin ang ilang sandali ay lumabas na sa mga pinagtataguan ang mga rebelde na agad namang sinalubong ng mga sundalo. Sinulyapan ni Milandrino ang kasagsagan ng gyera. Walang halos maririnig kundi ang pagdaing, sigaw, putok ng baril, at pagtunog ng mga espada, itak at sundang na nagkakalampagan.

"Ama..." tawag nito sa ama na nagpatigil sa lahat sa gitna ng pagdarasal. Hindi pa rin nito inaalis ang kaniyang tingin sa labas kung saan nakikita niya ang pag-aalsa ng kaniyang kapwa Pilipino. "H-Hindi ba'y tungkulin natin silang tulungan?" mahinang sambit nito na ikinasigaw ni Marcelino na kaniyang kuya.

"Nahihibang ka na ba, Milandrino? Ating kinuha ang mga sundalo upang tayo'y protektahan, kaya ako naging heneral upang tayo'y protektahan! Tauhan natin sila-" hindi na natapos si Marcelino ang kaniyang katwiran nang biglang nagsalita si Milandrino. "Ayun ang punto, kuya. Tauhan natin sila kung kaya't nararapat na sila ay ating gabayan."

"Milandrino," isang malalim at maawtoridad na boses ang nagpatigil sa pagsasagutan ng magkapatid. "Ako ang padre de pamilya rito kung kaya't ako ang magbibigay ng utos sa kung anumang gawain. At ang utos ko'y manahimik. Wala tayong gagawin kung hindi hayaan ang mga tauhan nating gawin ang kanilang tungkulin sa pamilya Anastasia." Napayuko na lamang ang binata at muling napatingin sa bintana kung saan malinaw na malinaw ang kasagsagan ng gyera ngayon. Iniwas niya ang kaniyang tingin sa tagpo, hindi niya maaatim na pagmasdan ang kapwa nito Pilipino na ibigay ang buhay para sa sarili nitong bayan.

Ilang sandali ay maririnig ang pagsigaw ni Doña Mariana dahil sa pagtumba ng kalesang lulan sila. Nawasak ang ilang parte nito dahil na rin sa pagrupok ng kahoy dahil sa pilit na pagtaga ng mga rebelde dito gamit ang sundang kung kaya't agad silang naging malinaw sa lahat. Agad namang hinagkan ni Don Luis ang kaniyang asawa upang protektahan ito. Hindi maitatago sa mukha nito ang pag-aalala at takot dahil baka hindi kayanin ng esposa nito ang bigat ng mga pangyayari dahil mahina ang puso nito.

PrequelaWhere stories live. Discover now