XII

11 1 4
                                    


"Lumabas ba kayong dalawa?" Maging si Kiandro'y napatigil sa kampanteng paglalakad papasok ng mansion suot ang ngiti nitong wagas nang marinig ang kaniyang nakakatandang kapatid.

"Hindi, hindi! N-nagkasabay lang kami pauwi. Mayroon lamang akong kailangang bilhin sa talipapa kaya't lumabas ako panandalian," taas pa ni Kalesi sa bitbit nitong tampipi at ngiti pang ikinairap ni Kiandro. Malawak ang ngiting iyon ngunit hindi iyon ang ikinakainis niya kundi ang palaisipang hindi iyon kasing-lawak ng ngiting inilantad sa kaniyang dalaga kanina.

Kaagad ding bumagsak ang ngiting suot ng dalaga nang magsalita si Marcelino. "Ng walang kasamang guardia?" sa kunot pa lamang ng noo nito, batid niyang nais nang magtaas ng boses ng binata, pinipigilan niya lang ang sarili. Nag-iwas na lamang ng tingin si Kalesi saka sinubukan pang magpaskil ng isang asiwang ngiting hindi rin nagtagal.

Hindi niya maaaring sabihin na nagpaalam siya kay Esraela lang dahil alam niyang parurusahan siya nito. "Kalesi," ramdam nito ang lamig sa boses ni Marcelino dahilan ng pagkagat nito sariling labi, nag-iisip ng palusot na malupet.

"Huwag ka ring tumalon sa mga pumapasok sa isipan mo. Wala kaming kinalaman sa isa't isa kung iyon ang inaalala mo. Ako rin ay may dinaanan sa bayan para sa sarili kong binibini dahil hindi nga natuloy ang lakad namin. Narinig mo? Sa sarili kong binibini." napaharap ang dalawa sa malamig na boses ng bunsong Anastasia. Hindi na nagulat pa si Marcelino nang tila naghahamon ng titigan ang kapatid nito.

Habang namumuo ang tensyon sa pagitan ng dalawa, nandodoon lamang si Kalesi na palipat-lipat ang tingin sa dalawang binata. Kailangan niyang tapusin kung anumang namamagitan sa dalawa, kahit ngayon lang.

"Don Luis!" bulyaw nito na agad ikinaiwas ng tingin ng dalawa sa isa't isa nang hindi mahuli ng ama. Nakangiting tumakbo ang dalaga sa harapan ng Don na pababa ng hagdan. Halata ang pagtataka sa mukha Don dahil sa biglaang paglapit sa kaniya ng dalaga. Maging si Kalesi'y wala ring ideya kung bakit siya biglaang tumakbo patungo sa direksyon ng Don. Ang tanging dahilan lang nito ay maputol ang tensyong namumuo sa pagitan ng magkapatid kung kaya't tumungo na lamang ito sa harap ni Don Luis saka bumati ng "magandang hapon" kahit na batid niyang hindi siya papansinin ng ginoo.

Na siya ngang ginawa ng matanda na dumiretso lamang sa hapag-kainan kung saan inihahanda ng mga tagapagsilbi ang hapag-kainan, hindi binibigyan ng pangalawang tingin si Kalesi. Hindi na nagulat si Kalesi dahil bumalik na ang pakikitungo nito sa kaniya gaya noong unang mga araw nito sa hacienda magmula noong away nila ng Binibining Catalina na mabilis kumalat at nawala sa buong nayon.

Napanguso na lamang ito saka ibinulong, "Sungit."

"Huwag mo nang pansinin si ama. Mawawala rin ang inis niyan, kailangan mo lang palipasin." napatingin ito sa kaniyang tabi nang kunin ni Marcelino ang hawak nitong tampipi mula sa kamay niya. Ngunit hindi gaya ng dati, wala na ang kahit maliit na ngiti nito. Napalitan ito ng isang diretsong mukha, hindi man lang siya tinitingnan.

Ibinigay niya sa isa sa mga tagapagsilbi ang tampiping iyon bago nagsimulang humakbang patungong silid-kainan, iniiwan siya doon at hindi man lang siya inaaya. Nalukot ang mukha nito nang mapagtantong galit ang binata sa kaniya. Maaaring kaunting inis lamang ang mayroon ito sa kaniya ngunit isang malaking problema na iyon sa taong hindi marunong manuyo ng iba, lalo pa't isang 'nobyo'.

Hanggang sa hapag-kainan, hindi nagbago ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang tatlo, idagdag pa ang lamig ng pakikitungo ni Don Luis. Pinili na lamang ni Kalesing manahimik, sumubo ng pagkain at taimtim na mag-isip kung paano ibabalik sa normal ang pinaghirapan niyang tiwala ng dalawang Anastasia.

Ngunit hindi pa rin sa kaniya kumakampi ang tadhana nang marinig ang pinakainiinisang boses sa loob ng hacienda. "Rinig ko ho'y napuyat na naman ho kayo kagabi, binibini? Hindi ho ba kayo makatulog o may iba lamang kayong ginagawa?" hirit ni Mang Lilia na ikinabaling lahat ng tingin kay Kalesi. Hindi nito ipinahalata ang pagkagulat sa suspetya ng matanda sa kaniya dahil batid niyang malabo itong magpatalo ito hangga't hindi nito nababawi mula sa kaniya ang tiwala ng binatang heneral.

PrequelaOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz