Chapter 3

3.2K 257 18
                                    

This chapter is dedicated to thisgirlsummer Salamat dahil nandito ka ate at patuloy pa ring binabasa ang mga story ko. 😊 Dahil sayo kaya ako nagpapatuloy na magsulat!


"Catálina, kailangan na nating umuwi. Dumating na raw si Anwar," tawag sa kaniya ni Akim habang kinukuha ang sisidlan na nilagyan niya ng mga kinuhang bulaklak. Nakahiligan kasi niya na magdesenyo sa silid na pinagamit ni Datu Dalapati sa kaniya.

Ilang linggo na rin ang nakalipas mula nang malugod siyang tanggapin ng Datu sa lupain nito. Marami siyang natutunan habang pinapanood ang mga tao sa paligid niya. Nahihiya nga siya dahil sa mga konklusyon na kaniyang naisip bago pa niya nakilala ang mga tao dito.

Ang noong akala niya na mga taong walang respeto at pawang makamundong pagnanasa lamang ang iniisip ay hindi pala totoo.

Mababait sila.

Aaminin niya na hindi siya gusto ng mga tao dito noong unang dating niya ngunit nang ideklara ni Datu Dalapati na dito muna siya pansamantala ay tinanggap naman siya ng mga ito paunti-unti. Mga bata ang naging kaibigan niya dahil na rin kay Mayan at talagang mahilig siya sa mga bata at natutuwa siya sa mga ito.

Ang mga tao namang hindi pa siya tanggap ay hindi naman siya ginagawan ng masama. Umiiwas na lamang ang mga ito sa kaniya maliban na lamang talaga kay Kahali na parang misyon sa buhay na inisin siya ng todo-todo.

Sinunog nito ang kaniyang damit na suot-suot noong una siya nitong nakita. Ika nito ay ayaw nitong nakikita ang kahit na anong may bahid ng pagka-Kastila niya. Kung maaari nga lamang daw siyang sunugin upang umitim ay ginawa na raw nito. Ang mas nakakapagpainis sa kaniya ay ang pagpapares ni Akali sa kaniya kay Akim.

Tiningnan niya ang lalake na kasalukuyang tinatawag si Mayan na kasa-kasama nila ng namitas siya ng mga bulaklak. Nasa puno kasi ito at umakyat sa pinakataas kaya't pinapababa na ni Akim.

Magandang lalaki ito. Matikas ang pangangatawan at matalino. Napag-alaman niya na sa lahat ng magkakapatid ay ito ang magaling magplano ng mga bagay-bagay, ngunit wala talaga siyang nararamdaman na kahit anong pagmamahal sa lalake. Para na itong nakakatandang kapatid sa kaniya.

Nagpapasalamat siya dahil hindi siya nito pinabayaan. Ito ang palagi niyang kausap at kasama kung wala si Mayan. Kung ito naman ang wala ay tiyak na kinulong na lamang niya ang sarili sa loob ng kaniyang silid na tinutuluyan.

Lumapit na sina Akim at Mayan sa kaniya at tinulungan siyang tumayo mula sa pagkakaupo niya sa lupa.

"Catálina . . . hihingi na lamang ako ng paumanhin ngayon. Si Anwar . . . mas malala pa siya kay Kahali kung pag-uusapan ang pagkadisgusto sa mga Kastila. Ipagpaumanhin mo sana kung sakaling may sabihin siyang nakakasakit ng loob mo. Talagang ganoon lamang siya," nag-aalalang sabi ni Akim habang hindi makatingin sa kaniya ng diretso. Mukhang ito pa ang nahihiya sa gagawin o sasabihin ng kapatid.

"Huwag kang mag-alala. Hindi mahina ang kalooban ko. Kakayanin ko ang mga salitang ibabato niya sa akin," sagot niya habang bahadyang nakangiti. Nagpapasalamat siya sa pag-aalala nito para sa kaniya.

"Mas mainam na humayo na tayo," ani ni Akim habang pinapauna siyang maglakad. Si Mayan naman ay tahimik na nakasunod sa kanila.

Nang umabot na sila sa sentro ay naulingan niya ang tila selebrasyon. Maraming tao sa paligid at pawang nagkakasiyahan ang mga ito. Nilibot niya ang paningin at nahagip ng kaniyang mga mata ang isang mataas na lalake.

Maganda ang pangangatawan nito at ipares pa ang hindi makapaniwalang taas nito ay talagang kakatakutan ito ng marami. Para itong higante kung titingnan. Dumako ang kaniyang mga mata sa pangangatawan nito at nakita niya ang tinta sa balat nito.

Isang simbolo ng katapangan at kalakasan nito ayon kay Akim ng natanong niya ito noon kung bakit may mga tinta ang mga balat nito.

Walang masyadong ganoon si Akim dahil na nga rin sa hindi ito mahilig makipag-away. Mas nais  nitong iresolba sa pag-uusap ang mga alitan na nasasangkutan nito. Sina Salam at Kahali naman ay marami-rami ang tinta sa balat sapagkat magagaling palang mandirigma ang dalawa ngunit hindi ito makakapantay sa rami ng tinta na nasa balat ng lalakeng bagong dating.

Halos matakpan ang buong katawan nito ng mga iyon at hindi na mabilang kung ilan ba ang mga simbolo na nasa katawan nito.

Nahigit niya ang kaniyang hininga nang biglang dumako ang mga mata nito sa kaniyang direksyon at kumunot ang noo.

Hindi man niya nais na magpakita ng kahinaan ay biglang napaatras ang kaniyang mga paa nang naglakad ito papunta sa direksyon niya. Madilim ang mukha nito at tila nais siyang patayin nito kung pagbabasehan ang nanlilisik nitong mga mata.

Nabangga niya si Akim na nasa likod niya at hihingi na sana siya ng paumanhin ngunit bigla itong pumunta sa harapan niya at tinago siya sa likod nito. Mukhang nakita nito ang nakakumong porma ng nakakatandang kapatid na kasalukuyang papalapit sa kanila.

Pumunta rin si Mayan sa harapan niya katulad ni Akim at kahit mas malaki ang papalapit na lalake sa kanila ay matapang pa rin itong tumayo doon.

"Anong ginagawa ng banyaga na iyan dito?!" sigaw ng bagong dating na lalake na nagpanginig sa kaniyang sistema.

My Saviour In Her Past (2nd Book Of 'In Her Past' Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon