Chapter 10

2.9K 232 32
                                    

Nagising si Catálina nang may malakas na yumuyugyog sa kaniya. Dumilat siya at ang unang nakita niya ay ang nakakunot na noo ni Anwar.

"Gising na. Kailangan nating makahabol sa iba nating mga kasamahan. Hindi ligtas ang maglakbay ng tayo lamang dalawa," malamig nitong sabi sa kaniya sabay tayo. Dumiretso ito sa kabayo nilang nakatali sa may isang puno.

Unti-unti siyang bumangon at tinupi ang tela na hinigaan nila kagabi. Habang ginagawa iyon ay napansin niya ang maruming sarong na gamit-gamit niya. May mga bahid ito ng natuyong dugo marahil dahil sa pagkakasuntok ni Anwar sa mga nagtangkang manghalay sa kaniya kahapon.

Napahawak rin siya sa kaniyang buhok at napansing napakarumi na niyon. Buhol-buhol na ang mga hibla ng kaniyang buhok at waring sumisigaw na suklayin niya ang mga iyon. Tumayo siya at maghahanap sana ng malapit na ilog kung saan maaari siyang maligo ngunit biglang lumapit sa kaniya si Anwar. Nakakunot ang noo nito at waring galit kaya naman bigla siyang napaatras at hinarang ang kaniyang mga kamay sa kaniyang katawan.

Nakasanayan na ng kaniyang sistema na proteksyonan ang sarili dahil na rin sa ginawa ni Diego sa kaniya. Pati na rin ang kaniyang Ama na hindi nagdadalawang-isip na sampalin siya kada may magawa siyang mali noong bata pa lamang sila ni Maya.

Napatigil ito sa paglapit sa kaniya at mukhang nagulat. Hindi siguro nito inaasahan ang ginawa niya.

Nawala ang kunot sa noo nito at piniling huwag na lamang lumapit sa kaniya.

Humalukipkip na lamang ito sa tabi ng isang puno bago nagsalita, "Hindi kita sasaktan. Itatanong ko lamang naman kung anong pumasok sa utak mo at napili mong tumakas muli."

Binaba niya ang nakataas na kamay at pinagalitan ang sarili.

Hindi ako si Analyn ngayon! Hindi ako ang mahinang babae na hindi kayang ipagtanggol ang kaniyang sarili.

Ako si Catálina. Ang matapang na babaeng kinayang tumakas sa kaniyang malupit na tiyuhin upang hindi mapakasal sa isang lalakeng hindi ko naman gusto.

Nilingon niya si Anwar at taas noong sinagot ito.

"Hindi pa ba halata? Hindi ko nais na makasal kay Rajah Humabon! Bakit ba ayaw mong makinig sa akin?!" inis niyang saad dito habang naglalakad papasok sa masukal na parte ng kagubatan. May naririnig siyang tunog ng ilog mula doon kay napagpasiyahan niyang doon maglakad.

"Dahil alam kong mapanganib ang lugar namin para sa isang katulad mo!" sigaw nito sa kaniya na nagpanginig sa kaniyang loob-loob ngunit hindi niya ito pinakita kay Anwar. Bagkus ay nagpatuloy lamang siya sa paglalakad habang nakasunod ang lalake sa kaniya. "Anong gagawin mo kung sakaling natuloy ang panghahalay ng mga lalakeng iyon sa iyo?! Hindi mo ba maintindihan na mas ligtas ka sa pangangalaga ng tiyuhin mo na kapamilya mo mismo kaysa magpaikot-ikot dito sa lupain namin!"

Mas ligtas ako sa tiyuhin ko dahil kapamilya ko siya?

Napatawa siya sa sinabi nito.

Nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata ngunit nilingon niya si Anwar at tinutukan niya ng mariin.

"Wala kang alam sa pinagdadaanan ko! Kung tutuusin ay nakakainggit ang buhay mo. May apat kang kapatid at isang amang tunay na nagmamahal sa iyo. Hindi ko iyon naramdaman sa sarili kong pamilya," pigil niyang iyak na saad dito. "Mga magulang na walang inisip kundi ang estado nila sa sociedad. Kapatid na tanging pinapansin ng pamilya. Yaon lamang ang kinagisnan ko buong buhay ko! Kaya wala kang karapatang sabihin na ako pa ang mali dahil ayaw kong pagkatiwalaan ang sarili kong pamilya! " dagdag niyang sigaw kay Anwar sabay talikod upang maglakad muli papunta sa ilog na ngayon ay tanaw na niya.

Hindi na muling sumagot ang lalake sa kaniya ngunit nakasunod pa rin ito sa kaniyang likod. Nang makaabot siya sa may ilog ay tatanggalin na sana niya ang kaniyang saplot ngunit natandaan niya si Anwar na nakasunod sa kaniya. Nilingon niya ito at nakahalukipkip lamang ang lalake na nakatingin sa kaniya.

"Tumalikod ka! Maliligo ako!" sigaw niya dito.

Hindi ito gumalaw papaalis bagkus ay naupo pa na parang manonood ng palabas.

"Hindi maaari. Baka bigla kang mawala," seryoso nitong wika habang nakatingin pa rin sa kaniya.

"Hindi nga ako tatakas! Tumalikod ka na!" inis niyang saad dahil gustong-gusto na niyang maligo dahil nanglalagkit na siya ngunit hindi niya magagawa iyon kung pinapanood siya ng lalake.

"Ano bang kinakahiya mo? Huwag kang mag-alala at hindi kita pinag-iisipan ng malaswa. Marami na akong mga babaeng nakitang nakahubad at hindi ka naiiba sa kanila," ika nito.

"Wala akong pakialam kung kanais-nais ako sa paningin mo o hindi! Ang akin lamang ay nahihiya akong maghubad sa harapan ng ibang tao. Hindi kami ganoon sa pinanggalingan ko," pagkontra niya sa sinabi nito.

"Nahihiya ka?" seryosong tanong nito.

Hindi pa man siya nakakasagot ay tumayo na ito at naghubad sa harapan niya. Napatalikod siya agad dahil sa ginawa nito. Mas tumaas ang balahibo sa balat niya nang marinig niya ang mga yabag nitong papalapit sa kaniya. Tumigil ito sa likod niya at bumulong sa kaniyang kanang tenga.

"Maghubad ka na. Hindi ka na mahihiya dahil parehas na tayong walang saplot," bulong nito bago lumapit sa ilog para sumulong doon.

Naiwan siya sa gilid na sapo-sapo ang kaliwang dibdib dahil sa bilis ng tibok ng kaniyang puso.

Bakit ba kailangang sa harapan ko pa ito maghubad?! Nakita ko . . . nakita ko ang ari niya!

My Saviour In Her Past (2nd Book Of 'In Her Past' Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon