Chapter 6

2.8K 215 41
                                    

Kumabog ng pagkalakas-lakas ang puso ni Cátalina nang marinig niya ang sigaw ni Anwar. Halatang galit na galit ito kaya naman nagmadali siyang umakyat ng isang puno. Hindi pa kasi siya nakakalayo ng masyado at tiyak na mahahanap siya ng lalake kung hindi siya magtatago muna. Buti na lamang at tinuruan siya ni Mayan na umakyat ng mga puno kaya hindi siya nahirapan sa ginagawa.

Nakatakas siya dahil may nakilala siyang binibini na nagngangalang Awin. Asawa pala ito ng isang mandirigma na nasa likuran nila. Sumama ang bagong mag-asawa sapagkat nais ng mga ito na sa lupain ni Anwar magsimula ng pamilya. Kinaibigan niya ito at inudyok na puntahan ang bana na nasa likod naka-pwesto kasama ng iba pang mga mandirigma. Sumabay siya dito kaya naman kahit huminto ang kanilang kabayo ng saglit ay hindi naghinala ang iba.

Nakadagdag sa madaling pagtakas niya ang pagkaka-pwesto ng bana nito sa may likuran kaya naman nang malalim na nag-uusap na ang mag-asawa ay nakaya niyang magpahinay-hinay sa kaniyang kabayo hanggang sa tumigil siya. Ididirekta sana niya ang puting kabayo pabalik sa tribo ni Datu Dalapati ngunit alam niyang papaalisin pa rin siya ng mga ito. Hindi rin ligtas na sa hawan siya dumaan dahil tiyak na makikita siya agad ni Anwar kung sakaling mapansin nitong nawawala siya at balikan ang dinaanan nila.

Napagdesisyunan na lamang niyang bumaba sa kabayo at itali ito sa isang puno na nasa gilid ng daan. Kung makikita ito ni Anwar ay maaari nitong ibalik kay Salam ang kabayo.

Hindi siya nagdalawang-isip na pasukin ang kagubatan na nasa gilid ng daan. Tumakbo siya at hindi inisip o ininda ang mga matitinik na halamang nadadaanan niya na nagpapasugat sa kaniyang paa. Doon na nga niya naulingan ang sigaw ni Anwar kaya naman ay nandito siya ngayon sa taas ng puno at nagtatago.

Pagkaraan ng ilang sandali ay nahigit niya ang kaniyang hininga nang may marinig siyang kaluskos. Tunog iyon ng paang naglalakad malapit sa punong pinagtataguan niya.

Maya-maya ay nakita niya ang tuktok ng ulo ni Anwar at nililibot ang mata sa paligid. Siguro ay tinitingnan kung nasa malapit lamang siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ang bilis na nakaabot ng lalake sa lugar kung saan siya nagtatago.

Pumikit siya at mahinang nagdasal na sana hindi ito tumingin sa taas sapagkat tiyak siya ang unang makikita nito. Ngunit mukhang hindi talaga siya nais tulungan ng Diyos sapagkat pagbuka ng kaniyang mga mata ay bumungad sa kaniya ang madilim na mukha ni Anwar. Nakakunot ang noo nito at ang bibig ay nakatikom ng mariin na parang pinipigilan nitong sumigaw.

"Baba," anas nito sa mababang tinig.

Iniling niya ang kaniyang ulo upang ipakita dito na hinding-hindi talaga siya bababa. Mas kumunot pa ang noo nito dahil sa kaniyang sagot kaya naman mas naging katakot-takot ito sa kaniyang paningin.

"Kusa kang bababa diyan o ako mismo ang aakyat at kukunin ka. Pumili ka," nagbabanta nitong ani.

Sasagutin niya sana ito ng "hindi" ngunit umaksyon na ito na tila aakyat sa puno kung nasaan siya kaya naman dali-dali niya itong pinatigil.

"Sandali lamang! Bababa na ako!" sigaw niya sa lalake na nagpatigil sa tangkang pag-akyat nito.

Humalukipkip ito at inip siyang tiningnan sabay wika, "Bilisan mo at kanina pa kita nasisilipan."

Sandali ano?!

Doon niya lamang natandaan na nakasarong nga pala siya kaya naman nakikitaan siya ng lalake sa ibaba. Idagdag pa na wala siyang pangloob sapagkat kasama iyon sa mga pinasunog ni Kahali. Hindi naman daw niya kailangan iyon dahil ang mga kalahi nito ay hindi gumagamit ng panloob.

"Bastos!" sigaw niyang muli na sigurado siyang rinig na rinig sa buong kagubatan.

"Bakit galit na galit ka? Ako ba ang nagsabi sa iyong umakyat ka diyan?" naiinis na ani ni Anwar sa kaniya habang pinapanood siyang maingat na bumababa mula sa puno.

My Saviour In Her Past (2nd Book Of 'In Her Past' Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon