Chapter 8

2.7K 231 31
                                    

Isang sigaw muli ang narinig ni Anwar ngunit bigla rin itong nawala na nagsasabi sa kaniya na may tumatakip sa bibig ni Catálina para hindi ito makagawa ng ingay.

Agad-agad niyang inutusan ang kabayo na tumakbo sa direksyon kung saan niya narinig ang ingay. Bawat segundong lumilipas na hindi niya nakikita ang babae ay tila nagtatarak ng punyal sa kaniyang puso. Pinilit niyang talasan ang pandinig upang makasagap kahit pinakamahinang ingay man lamang na magtuturo sa kaniya kung nasaan si Catálina. Agad naman siyang napalinga sa isang iyak na nanggaling sa isang bahagi ng gubat at nagmadaling inutusan ang kabayo niya na pumunta doon.

Nang nakarating siya doon ay nadatnan niya si Catálina na nakahiga sa lupa habang may isang lalakeng hinahawakan ang kamay nito. Ang isa naman ay nasa bandang paanan nito at pilit na binubuka ang binti ng dalaga.

Nandilim ang kaniyang paningin at agad-agad siyang tumalon mula sa kabayong kinasasakyan at sinugod ang mga lalake. Hinila niya ang lalakeng nakadagan kay Catálina at itinilapon ito. Sinipa naman niya ang lalake na nakahawak sa mga kamay ni Catálina. Akma niyang bubunutin ang kaniyang kalis upang pagtatagain ang mga putang-inang lalake ngunit mukhang natakot ang dalawa at napiling tumakbo na lamang kaysa labanan siya. Ang mga tinta na nakaukit sa kaniyang katawan ay simbolo ng kaniyang lakas kaya naman alam na ng dalawa na hindi siya madaling kalabanin.

Masama niyang sinundan ng tingin ang dalawang lalake at nang masiguradong malayo na ang mga lalake ay nilingon niya si Catálina na kasalukuyang umiiyak.

Nakaluko ito sa ilalim ng isang puno at umiiyak ng malakas. Mahigpit itong nakahawak sa sarong upang matakpan ang kahubdan nito habang paulit-ulit na bumubulong sa sarili. Agad namang naging malamlam ang kaniyang mga mata dahil sa nakitang kalagayan ng babae Hinay-hinay niya itong nilapitan at lumuhod sa tabi ng nakalukong porma nito bago maingat na hinawakan ang kaliwang braso nito.

Bigla namang napatalon ang babae sa paghawak niya dito at mas lumuko pa para matakpan ang sarili.

"Huwag, Diego. Pakiusap . . . nagmamakaawa ako. Huwag . . . pakiusap," mahinang bulong nito sa sarili habang pilit na nilalayo ang katawan sa kaniya.

"Ca-Catálina . . . " mahinang tawag niya dito habang sinusubukang hawakan itong muli.

Pilit pa rin nitong nilalayo ang sarili sa kaniya at ang senaryong iyon ay nagpapasakit sa puso niya.

"Catálina . . . si Anwar ito. Hindi kita sasaktan," bulong niya dito habang maingat na hinahawakang muli ang braso nito. Sinigurado niyang hindi mabibigla ang babae sa kaniyang paghawak kaya naman paminsan-minsan ay nilalayo niya ang kamay bago muling ibabalik sa pagkakahawak sa braso nito. Nang makitang hindi na ito natatakot sa kaniya ay maingat niya itong inangat mula sa pagkakahiga at hinagkan.

"Shh . . . nandito na ako. Wala ng mananakit sa iyo," alo niya sa babae habang marahang hinahaplos ang buhok nito.

Niyakap siya nito pabalik at binaon ang mukha sa kaniyang dibdib. Ramdam niya ang mga luha nito na bumabasa sa kaniya ngunit hindi siya nagreklamo. Pinili na lamang niyang tingnan ang katawan nito upang masigurado na wala itong sugat ngunit mali ang kaniyang akala. Umigting ang kaniyang panga nang makita ang pangingitim ng braso at paa nito. Siguro ay dahil sa higpit ng pagkakahawak ng dalawang lalake kay Catálina kanina.

Mga putang-ina. Huwag na huwag silang magkakamaling magpakita sa akin at hindi ako mangingiming pagtatagain ang mga leeg nila.

Ang galit na namumuo sa kaniyang puso ay agad nawala ng muling maramdaman ang mga luha na umaagos mula sa mga mata ng babae at tumutulo sa kaniyang dibdib. Tila ba ang dali lamang palambutin ng puso niya kung ang banyaga na ang pinag-uusapan.

Ilang oras rin ang lumipas na patuloy lamang sa pag-iyak si Catálina. Nakayakap lamang siya dito at maingat na hinahaplos ang mahabang buhok nito upang maramdaman nito ang presensya niya.

Nang maulingan niya na humina na ang iyak nito hanggang sa tumigil ay pilit niya itong pinaharap sa kaniya. Hindi pa sana nais nitong tumingin sa kaniya ngunit maingat niyang iginiya ang mukha nito papaharap sa kaniya.

Pinunasan niya ang mga luha nito gamit ang kaniyang kamay at inalo itong muli. "May masakit ba?"

Inosente lamang itong nakatitig sa kaniya na para bang isa itong bata at natatang-ina na siguro siya sapagkat isang bagay ang agad na pumasok sa isipan niya.

Nais niya itong halikan. 

Pinagalitan niya ang sarili sa kaniyang utak bago muling tinanong ang babae. Maya-maya ay mahina itong umiling.

Nakahinga naman siya ng maluwag dahil sa sagot nito.

Tinulungan niya itong tumayo at masuot ang nahubad na sarong nito. Nahihiya pa nga ito sa kaniya at nais siyang paalisin muna dahil sa kahubdan nito ngunit mariin siyang huminde sapagkat hindi niya nais na iwan ang babae. Baka kung ano pa ang mangyari dito.

Binuhat niya ito papunta sa kaniyang kabayo na nagpaigik sa babae. Agad naman siyang nag-alala kaya naman mabilis niya itong pinaupong muli sa lupa.

"May masakit? Saan?" 

Agad-agad namang umiling si Catálina ngunit hindi niya nais na magtiis ito sa sakit dahil lamang nahihiya ito sa kaniya. Seryoso niya itong tiningnan bago striktong tinanong muli, "Nasaan?"

Napakagat sa ibabang labi ang babae na kaagad na nagpakuha ng atensyon niya ngunit agad ring nabaling ang atensyon niya dahil sa pagturo ni Catálina sa kaliwang bahagi ng baywang nito. Sinuri niya ang tinuro nito at nakita ang nangingitim na balat ng babae dahil sa pasa.

Kaya pala napaigik ang babae kanina. Mukhang natamaan niya iyon kanina. 

Dahil sa nalaman ay maingat niya itong binuhat at siniguradong hindi niya matatamaan ang pasa nito. Pilit nitong sinasabi na ibaba na daw niya ito ngunit hindi niya ito pinansin at siya mismo ang nagpaupo dito sa kabayo niya. Mabilis rin siyang sumakay doon at ipinalibot ang kaniyang kamay sa katawan nito. Iginiya niya ang ulo nito papahiga sa kaniyang dibdib na nagpagulat dito.

"Matulog ka muna. Alam kong pagod ka," bulong niya dito.

Kahit nag-aalangan ay mukhang naintindihan nito ang ibig sabihin niya kaya naman komportable itong humiga sa dibdib niya.

Inutusan niya ang kabayo na lumakad na at kahit alam niyang mas mapapatagal ang kanilang paglalakbay ay hindi niya ito pinatakbo. Mas pinili niya ang mabagal na paglalakad kumpara sa mabilis na pagtakbo ng kabayo sapagkat iniisip niya si Catálina. Maya-maya ay narinig niya ang mababang paghinga ng babae na nagsasabi sa kaniyang nakatulog na ito.

Ang sarap sa pakiramdam ng katawan nito na nakahiga sa katawan niya. Ang init galing sa katawan nito ay nagpapabilis ng tibok ng puso niya. Naaamoy rin niya ang natural na amoy nito na napakabango.

Tang-ina . . . hindi na tama itong nararamdaman ko.

My Saviour In Her Past (2nd Book Of 'In Her Past' Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon