1

1.3K 33 5
                                    



Sa panahon ng sinaunang sibilisasyon, mayroong isang hari na nagngangalang Akmenra. Pinamunuan niya ang Imperyong Elydia, at sinalakay niya ang maraming kaharian, na nagpalawak sa kanyang sariling imperyo. Lahat ng maharlikang nasakop niya ay nagbigay ng respeto, bilang bahagi ng kanilang kasunduan ng katapatan sa dakilang pinuno ng Elydia. Pinakasalan ni Akmenra ang kanyang pinsan, ang magandang prinsesa ng kahariang Asmatala na si Meshkenet. Morena ang kutis niya, napakaganda ng kanyang mga mata na binagayan ng mahabang pilik-mata, at ang kulay ng kanyang mga mata ay katulad ng gabi.

Si Meshkenet ay labing anim na taong gulang lamang nang siya ay napangasawa. Ang hari ay nangangailangan ng isang anak na lalaki ngunit ang kanyang binhi ay nabigo sa loob ng sinapupunan ng reyna. Kaya naman, kinakailangan ng mga kaharian sa loob ng imperyo na mag-alay ng anak na babae sa hari.

Si Haring Kesekth ng Samaria ay may isang anak na babae na nagngangalang Femi na nangangahulugan ng pag-ibig sa lengguwahe ng Elydia. Nagtataglay si Prinsesa Femi ng mala-gintong mga mata, malarosas na pisngi, at buhok na may kulay kagaya ng kalawakan. Tuwing nasisinagan ng araw, lalong tumitingkad ang kulay nito, at kakaiba ang ganda ng prinsesa dahil sa kanyang porselanang kutis. Si Femi lamang ang natatanging prinsesa na maputi, bunga ng pinaghalong kultura ng Samaria.

Nagkaroon si Prinsesa Femi ng anak na babae mula sa hari, at tinawag nila siyang Nefertari. Lumaki si Nefertari na mapagmahal sa kanyang ina, at ang kanyang pisikal na anyo ay lumampas pa sa kagandahan ni Femi. Malasutla at itim ang buhok ni Nefertari, na bagay na bagay sa kanyang porselanang kutis. Balingkinitan at matangkad siya, katulad ng kanyang ama, at ang kanyang mga mata ay kakulay ng ginto, katulad ng sa kanyang ina.

Nagpasya si Prinsesa Nefertari na maglingkod sa diyos na si Horus. Ang sinaunang Elydia ay mayroong maraming diyos at diyosa. Bawat isa sa kanila ay may natatanging tungkulin, at iba't iba ang simbolo ng bawat bathala. Si Horus, ang diyos ng kalangitan at paghihiganti, ay kinakatawan ng simbolo ng isang taong may ulo ng lawin.

Bilang pagbibigay-pugay sa mga bathala, kasalukuyang may pagdiriwang sa kaharian. Isa sa mga natatanging selebrasyon ay ang pag-aalay sa diyos ng mga buhay ng nagkasala at mga nabihag mula sa digmaan. Nanunuot sa disyerto ang init mula sa buhangin, at napakainit ng araw na humahaplos sa balat ng mga taong naghihintay sa dakilang hari. Nagtipon ang mga kawal sa pinakamalaking bulwagan. Mayroong isandaang karwahe na nakaayos sa isang hilera at isandaang sundalo ang nakatayo, habang ang pamilya ng hari ay nakaupo sa isang espesyal na lugar malapit sa bulwagan, napapalibutan ng mga alipin na matiyagang pinapaypayan at pinapayungan sila.

Nakaupo ang reyna, ang kanyang ulo ay may palamuti ng mamahaling mga bato. May gintong pulseras ang mga braso at napakaganda ng puting bestida na humahapit sa magandang katawan nito. Sa wakas, ang binhi ng dakilang hari ay lumago sa loob ng kanyang sinapupunan at nagbigay siya ng isang anak na lalaki na magmamana sa trono. Sa kasalukuyan, isang grupo ng sundalo ay nagsimulang hihipan ang trumpeta, hinampas din ng mga alipin ang tambol at ang ingay ay namutawi sa disyerto. Lumabas mula sa templo ang pari na si Hamar. Sa paligid ng bulwagan, may isang malaking templo na may dalawang haligi at malalaking rebulto sa bawat panig; ito ay ang mga higanteng estatwa ng mga diyos na nakapalibot sa templo.

May mga monghe na nakapalibot sa altar, at ipinakita ni Hamar, ang pari, ang kanyang tunikang nilagyan ng ginto, pati na rin ang suot niyang pulseras at kwintas na simbolo ng bathala. Si Hamar ay isa ring tagapayo sa pulitika ni Akmenra, na ginagawa siyang pangalawa sa pinakamakapangyarihang tao sa Elydia.

Ipinahayag ni Hamar ang natatanging pagdiriwang sa pamamagitan ng pagsigaw sa langit, "Ginawaran tayo ng mga diyos sa araw na ito. Narito kami upang saksihan ang langit na ibuhos ang pagpapala at tuparin ang mga hangarin na nagmumula sa ating mahal na hari!" Upang magbigay ng respeto, yumuko si Hamar sa harap ng mga rebulto.

Elydian QueenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon