42

93 9 0
                                    

Ang nakaraan ni Aveline

Part 2

Ang bawat daloy ng alon sa dagat na kailanman ay hindi nasukat ang oras ay tuluyan nagpabago sa buhay ng isang mapagmahal na ama, patuloy niyang inalagaan si Aveline.

"Tay...bakit po asul ang langit?" Tanong ni Aveline habang karga ng ama. Naglalakad si Domeng sa dalampasigan, hinahalikan ng alon ang kaniyang paa at may bakas na naiiwan sa buhangin ang tinatahak nito.

"Itay...bakit po lumuluha ng dugo ang sugat?" Tanong ni Aveline habang matiyagang ginagamot ng ama ang sugat sa kaniyang tuhod, hinihipan para hindi mahapdi. "Sorry itay...nag-alala kayo. Mag-iingat na po ako sa susunod. Huwag ka na umiyak itay." Masuyong pinunasan ng bata ang luha ng ama at niyakap ng  mahigpit.

"Itay...bakit po napakaganda ng mga bulaklak?" Tanong ni Aveline habang kinakarga siya sa likod. Naglalakad si Domeng sa bukid, may mga bulaklak na nakikita ang batang babae at hinahaplos ng hangin ang kaniyang mukha. Niyakap niya ang leeg ng ama at ibinaon ang mukha sa leeg nito.

Kasabay nang paglubog at pagsikat ng araw ay naging mabilis ang paggalaw ng mga ulap sa paglipas ng panahon.

"May pinakamaliwanag ba na bituin sa langit...itay?" Mahinang tanong ni Aveline, pareho silang nakaupo sa swing at marahan tinutulak ni Domeng gamit ang mga paa. Sumandal siya sa dibdib ng ama, sabay nilang tiningala ang langit. Pinagmasdan ang mga puting ulap, umihip ang preskong hangin, at hinaplos ang kanilang mga mukha. "Abutin natin ang mga ulap itay." Natutuwang sambit nito." Sayo po yung isang ulap...tay, abutin ko yung isa."

"S-sige...k-kapit k-ka...a-anak." Niyakap ng isang braso ni Domeng si Aveline. Kumapit din sa kadena ng upuan at itinukod ang kaniyang paa sa lupa.

"Sige po Tay! Lipad po itay! Lipad!" masayang sigaw ni Aveline. Inangat na ang kaniyang mga paa at sabay silang dinuduyan ng hangin. Sabay nilang pinagmasdan ang langit, itinaas ni Aveline ang kaniyang kamay, lumusot ang sinag ng araw sa kaniyang mga daliri.

Pansamantala silang lumipad at hinayaan hawiin ang magagandang ulap. Ipinikit ni Domeng ang mga mata sa ganitong paraan na niya pinaghehele ang kaniyang anak. Hindi kailanman magsasawa si Domeng samahan sa swing si Aveline.

"Itay...kumusta na kaya sa langit sina mama at papa? Sabi ni Lolo dun na sila nakatira. Bibisitahin kaya nila tayo?" Tanong ng siyam na taong gulang na si Aveline.

Hawak niya ang kamay ni Domeng, sabay silang namumulot ng mga kabibe sa buhangin. "Itay! Hukayin po natin ang buhangin gusto ko po gumawa ng bahay." Lumuhod si Aveline sa buhangin, nagsimula nang maghukay gamit ang dalawang kamay. Sumabay din si Domeng, tumabi sa bata para bigyan ng lilim at hindi maarawan si Aveline. Inabot ni Domeng ang malaking kabibe kay Aveline. "B-bulong k-ka...maririnig k-ka n-niya."

"Talaga po itay?! Maririnig po ako ni Mama?" natutuwang sambit ni Aveline. Napakatinis ng boses at lumalim ang dimples niya sa pagguhit ng ngiti. Nakangiting tumango si Domeng.

"Mama? Kumusta ka na? Andito ako kasama ko si Tatay," bulong nito. Ginawang telepono ang kabibe. Isang napakagandang tugon mula sa kabibe ang umantig sa kaniyang batang puso.

"Itay, parang masaya po ang langit, napakagandang pakinggan." Nakatinging turan ni Aveline habang nakatingala at pinagmamasdan ang mga ulap.

"T-talaga a-anak?" Pahayag ni Domeng at tiningnan ang langit.

"Opo itay." Nakangiting tugon ni Aveline. Itinapat niya ulit ang kabibe sa kaniyang tainga. "Mama...mahal na mahal ko po si Tatay. Siya ang da best na tatay ko. Ingat kayo ni Papa," bulong ulit nito.

Elydian QueenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon