54

94 7 0
                                    

Sumabay ang tunog ng kampanilya sa hangin. Nabulabog ang mga paru-paro sa pagdaan ng bisikleta. Namamataan ang pagsayaw ng mga makukulay na bulaklak sa pag-ikot ng mga gulong. Napangiti si Sophia sa pagsalubong sa sinag ng araw. Hinahaplos ng hangin ang kaniyang itim na belo at winagawayway ang itim na rosaryo na nakasabit sa kaniyang damit. Nalalanghap niya rin ang sariwang simoy ng hangin na nanggagaling sa kahabaan ng ilog  sa gilid ng kalsada.

Mistulang isang napakagandang larawan ang tinatahak na daan. Luntiang damo sa paligid, makukulay ang bulaklak na sinasayawan ng mga paru-paro at ang ilog na sinasalamin ang araw ay malayang pinagmamasdan ang pagliparan ng mga ibon.

Hindi mapalis ang ngiti sa labi nito. Ang napakagandang tanawin ay kaniyang nakikita habang sumasabay sa hangin ang bisikleta.

"Hoy! Buknoy! Asikasuhin mo ang mga bumibili. Nakatanga ka na naman diyan," sita ni Aling Mercedes sa kaniyang anak. Binatukan pa ang binata dahil nakatulala at nakatingin sa malayo.

"Tsk! Nay naman!" Inis na turan ni Buknoy at napakamot sa ulo. "Singkwenta lang po kilo ng carrots, ate. Pili lang kayo." Sambit ni Buknoy at inabutan niya rin ng plastik ang bagong kustomer.

Malapit sa daan ang mga tindahan ng prutas at gulay. Maraming namimili tuwing sabado dahil mababa ang presyo at hindi maiwasang tanawin ni Buknoy ang isang madre na may hinahatak na bisikleta.

"Ay! Sister Sophia! Pili ka na po. Mga sariwa ang gulay ngayon. Halika! Halika!" tuwang-tuwa si Mercedes nang makita ang madre. Suki na ng tindera si Sophia dahil malapit lang sa monasteryo ang palengke.

Napangiti ang madre sa alok ni Aling Mercedes. Itinabi nito ang bisikleta malapit sa tindahan, inayos niya rin ang nakasabit na basket sa manibela. Sinipat na niya ang hilera ng mga sariwang gulay. Namumula naman si Buknoy na nakatitig sa madre.

Pasimpleng binatukan na naman ni Mercedes ang binata. "Hoy! Abutan mo ng plastic si Sister Sophia," bulong nito.

"Ah...S-sister, e-eto po yung plastic." Namumulang turan ng binatilyo habang inaabot ang plastic.

"Salamat, Buknoy." magalang na tugon ni Sophia at sinimulan nang pumili ng mga gulay.

Maayos na nakahilera ang sayote, carrots at pechay. Kinuha ni Sophia ang red bell pepper, kalahating cauliflower at dalawang pirasong patatas. Nangangarap na ng gising si Buknoy, nakatukod pa ang kamay sa pisngi habang pinagmamasdan ang madre. "Aray!" Naputol ang pangangarap nito nang nilatigo ng sitaw ni Aling Mercedes at pinandilatan ng mga mata. Bumalik ulit siya sa pag-aasikaso sa mga kustomer.

"Aling Marcedes, heto po yung mga napili ko." Inabot na ni Sophia ang plastic sa tindera.

"Ang gaganda ng mga napili mo, iha." Masayang tugon ni Aling Mercedes habang tinitimbang ang mga pinamili.

"150 po lahat Sister, bigay ko na lang sayo ng 120." Nakangiting turan ni Aling Mercedes habang inaayos na ang pinamili ng madre.

"Maraming salamat po, Aling Mercedes." Nakangiting pahayag ni Sophia at inabot na ang bayad.

"Ay! Naku! Sinuswerte ang tindahan ko tuwing bumibili ka, iha." Natutuwang wika ni Aling Mercedes at napapakumpas pa ng kamay tuwing nagsasalita.

"Sister...ilagay ko na po sa basket." Agad hinablot ni Buknoy ang plastic na hawak ng ina at dali-daling pumunta sa bisikleta. Inilagay ng binatilyo at natatawa na lang na umiiling ang ina.

"Salamat Buknoy...sige po Aling Mercedes, maraming salamat po." Paalam ni Sophia at sumakay na sa bisikleta.

"Hay naku! Buknoy! Maganda maging kras si Sister pero maghanap ka na lang ng iba, susmaryosep!" Sita ni Aling Mercedes sa kaniyang anak habang hinahatid nila ng tanaw ang papalayong madre.

Elydian QueenWhere stories live. Discover now