2

490 18 0
                                    


Kumalat na parang apoy sa buong Elydia ang balita tungkol sa kalusugan ni Akmenra, habang ilang kaharian na ang nagpaplano ng paghihimagsik. Ang pagiging mahina ng hari ay hindi maiwasang magdulot ng tensiyon, dahil marami ang humahangad ng kapangyarihan.

Upang humupa ang gulo, nagdesisyon ang Reyna na puntahan ang kanyang mga nasasakupan. Tanging ang Reyna at ang mga napiling kasama lamang, kabilang ang Prinsesa ng Samaria, ang maglalakbay. Nauna nang umalis ang Reyna kasama ang iba pang naatasan, habang si Femi ay magsisimulang maglakbay sa pagsapit ng bukang liwayway.

"Kamahalan, ang iyong ina ay paparating sa iyong silid," pahayag ng babaeng alipin habang nakaluhod, ang kanyang puting damit na parang balabal ay simbolo ng kanyang pagka-alipin, pinaganda ng pulseras na tanda ng kanyang katayuan at ng berdeng kwintas na gawa sa balahibo ng ibon. Samantala, si Femi, hindi na nakapaghintay pa, ay agad na nagtungo sa silid ng prinsesa.

Yumuko ang alipin at nagbigay pugay habang pinapapasok ang ina sa silid. Pumasok ang kanyang ina sa kuwarto, at yumuko si Nefertari, inilagay ang dalawang kamay sa dibdib bilang paggalang. Niyakap ni Femi ang kanyang anak, at sinuklian naman ito ng prinsesa. Habang yakap ang anak, hinaplos niya ang mahabang buhok nito. "Hindi mo na kailangan maging pormal, sa aking paningin mananatili kang anak ko," masuyong sambit ni Femi.

Sabay silang umupo sa mahabang bangko, sa ilalim ng sinag ng buwan na nagniningning mula langit. Mula sa silid ng prinsesa, tanaw ang malawak na hardin. Sa gitna nito ay may isang lawa na hugis-parihaba, kung saan lumalangoy ang makukulay na isda sa malinaw na tubig, lumulutang ang mga bulaklak ng lotus, at sa gilid nito'y nagpapaligsahan ang iba't ibang uri ng bulaklak sa pagpapamalas ng kanilang kagandahan.

"Natagpuan mo na ba ang taong mamahalin mo?" tanong ng ina nang nakangiti, nais malaman kung may napupusuan na ang kanyang anak. Napabuntong-hininga na lang ang prinsesa; kailanman ay hindi nagsawa ang kanyang ina sa pagtatanong. Tumingin ang dalagang prinsesa sa hardin at pinagmasdan ang buwan. "Tila hindi ko maintindihan ang pag-ibig; hihintayin ko na lang ang taong itatalaga sa akin ni Bathala."

"Balang araw, makikita mo rin at mararamdaman mo ito," banayad na sabi ni Femi. "Napagkaloob na ba ni Bathala ang pag-ibig? Naramdaman mo na ba?" Itinaas ni Nefertari ang kanyang kamay na may hawak na gintong kopita, nagsalin ng alak ang alipin.

"Ang pag-ibig ko ay katulad ng buwan; hindi ko kayang maabot ngunit nararamdaman ng aking kaluluwa," makahulugang tugon ng kanyang ina, may lungkot sa mga mata ni Femi. "Mapalad ang dakilang hari na may nagmamahal sa kanya tulad ng buwan." Sumagot si Prinsesa Nefertari nang nakangiti, hindi alam ang kalungkutan mula sa mga mata ng kanyang ina. Ang liwanag ng buwan ay matingkad mula sa disyerto, at ang gabi ay nalalapit na rin lumisan.

"Bukas ay nakatakda ang aking pag-alis; ikinalulungkot ko na hindi kita makakasama sa pagdiriwang kasama ng mga diyos," pag-aalalang sabi ng ina. "Huwag kang matakot para sa akin. Nawa'y protektahan ka ng mga diyos; magdarasal ako sa mga templo at magsusunog ng alay para sa iyong ligtas na pagbabalik," wika ni Nefertari upang mapawi ang pag-aalala ng ina.

Kinuha ng dalagang prinsesa ang kamay ng ina at idinikit ito sa kanyang pisngi, masuyong hinalikan ni Nefertari ang kamay ni Femi. Ngumiti ang ina, pilit itinatago ang lungkot sa kanyang mga mata.

Lumapit si Femi sa higaan, umupo, at marahang tinapik ang tabi niya bilang imbitasyon para humiga si Nefertari. "Ngunit hindi na ako bata," saad ni Nefertari, hindi maiwasang kumunot ang noo sa hiling ng ina. "Magagawa mo bang tanggihan ako?" banayad na tanong ni Femi. Napabuntong-hininga si Nefertari at napangiti. Tanging ang pakiusap ng kanyang ina ang nagpapalambot sa puso nito, kaya inihiga niya ang ulo sa kandungan ng ina.

"Araw-araw, ipinapanalangin ko sa mga diyos na matagpuan mo ang taong magmamahal sa iyo," marahang hinaplos ni Femi ang buhok nito. "Paano kung makita ko siya, ipapaalam ba sa akin ng bathala? Malalaman ko ba ang sagot?" Mahinang tugon ni Nefertari, banayad na humikab at muling ipinikit ang mga mata.

Elydian QueenWhere stories live. Discover now