ANBNI | 25: Dequan

270 26 0
                                    

Sa pagsikat ng araw ay pagsalubong ng mga kawal ng imperyal sa pagdating ng Prinsipeng Tagapagmana at ng Pangalawang Prinsipe. Nanggaling ang Pangunahing Prinsipe sa isa sa pinakamahirap na lupain ng imperyo. Habang ang Pangalawang Prinsipe ay nanggaling sa kaharian ng Damao bilang representante ng Emperador na maging saksi sa koronasyon ng bagong naitalagang Hari.

Nasinag ang paningin ng batang lalaki ng dumaan sa harapan niya ang gintong karwahe na napapalamutian ng mga makikinang na dekorasyon. Mabilis na hinila ito sa tabi ng kanyang ama upang yumukod at magbigay galang sa maharlikang dumaan. Labis na humahanga ang mga mata ng bata na lihim na sinundan ng tingin ang gintong karwahe.

Isang himala na hindi naengkwentro ng mga bandido ang mga karwahe. Iyong ang nasa isip ng mga tao, subalit ang ilan ay lubos na humahanga dahil hindi lingid sa kanila na ang mga tagasunod na kawal ng ginintuang karwahe ay matataas na kawal ng imperyal. Nasisiguro nilang ang nasa loob ng pinakamalaking karwahe ay ang Prinsipeng tagapagmana, kaya naman hindi sila nagdalawang isip na yumuko upang ibigay ang kanilang respeto sa susunod na Emperador ng imperyong Salum.

Gumuhit ang ngiti sa labi ng magandang lalaki na nasa loob ng karwahe habang dinaraanan niya ang mga taong yumuyukod sa kanya. Sadyang kung sino ang nagmamay-ari ng pinakamakinang na ginto ay siyang ituturing ng mga tao na kanilang Emperador.

Sa kabilang banda, kasunod na dumating ang grupo ng mga lalaking nakasakay sa matitikas na kabayo. Sa unang tingin ay tila mga pulutong lamang sila ng matataas na iskolar dahil sa kanilang kagalang-galang na kasuotan. Ngunit kung iyong susuriin ay mapapansin ang isa sa kanila ay may di pangkaraniwang disenyong tahi sa panloob nitong roba na lumilitaw sa tuwing hinahawi ito ng hangin. Ang tanging maaaring magmay-ari ng disenyong ito ay pangalawa sa pinakamataas na maharlika ng imperyo.

Muling bumukas ang tarangkahan ng palasyo ng imperyal upang salubungin ang kanilang tagapagmana. Hindi kakikitaan ng pagkadismaya ang Pangunahing Prinsipe ng agawin ng Pangalawang Prinsipe ang kanyang prusisyon. Sa halip ay isa-isa nitong tinanggap ang pagbati ng mga kawal ng imperyal.

Malalaki ang mga hakbang ng Punong Kawal upang salubungin ang Pangunahing Prinsipe, nilagpasan nito ang pagdating ng Gintong karwahe at tumuloy sa kasunod nitong pulutong. Bumaba si Xian sa kanyang tuhod upang batiin ang pagbabalik ni Prinsipe Silas.

"Naghihintay po sa inyong pagdating ang Emperador at mga Ministro."

"Xian," nakangiting tawag ni Silas dito ng bumaba ito ng kabayo. "Naninibago parin ako sa kasuotan mo, parang kaylan lang ng naglalaro kayo ni Yiju at Hanju sa palasyo ko." hinila paangat ng Prinsipeng tagapagmana ang pagkakaluhod ng Punong kawal saka ito tinapik sa balikat, "Sa susunod na mangangaso kayo ng mga kapatid ko ay huwag mo akong kalilimutang imbitahin."

"Mukhang nawaglit na ako sa isipan ng ating Punong Kawal."

Parehong napukol ang atensiyon ng dalawa sa magandang lalaking bumaba mula sa gintong karwahe.

"Kamahalan," pagkilala ni Xian dito, subalit mapapansing bahagya lamang itong yumuko.

"Hindi ka na ngumingiti sa tuwing nakikita mo ako, samantalang noon ay natutuwa ka kapag kasama-."

"Siyon, naghihintay na sa atin si Ama, huwag nating paghintayin ang mahal na Emperador." Putol ni Silas sa kapatid. Muli nitong tinapik ang balikat ni Xian bago ito tumuloy sa pasilyo ng imperyal.

Nangingiting nilagpasan ng Pangalawang Prinsipe ang Punong Kawal bago ito sumunod sa Prinsipeng tagapagmana.

Daplis na dumaan ang talim sa mga mata ni Xian ng sundan nito ng tingin ang likod ng Pangalawang Prinsipe. Naroon parin ang pait sa dibdib niya sa tuwing nakikita niya ito.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon