ANBNI | 28: Ang Tinatagong Kahinaan Ng Zhu

263 25 1
                                    

Namatay ang ingay sa paligid at tanging ang tunog ng tambuli ang maririnig. Kababakasan ng matinding pagkabigla ang mga taong nag-aabang sa madugong labanan na inaasahan nilang magaganap.

Nasaksihan nila kung gaano kabagsik ang mga atake ng mga bilanggo sa mga Prinsipe. Kalayaan ang naghihintay sa kanila sa sandaling magapi ng mga mandirigmang bilanggo ang mga maharlika. Walang pag-aalinlangan sa atake ng mga ito na tila hindi sila kakakitaan ng ano mang kahinaan.

"Ikaw ba ang anak ng Punong Heneral?!"

Nangangalit na hiyaw ng isang bilanggo ng atakihin nito ang isang Prinsipe. Mararamdaman sa nanlilisik nilang mga mata ang pagnanais na madurog sa kanilang kamay ang anak ng Heneral na siyang nagnakaw ng kanilang kaharian at pumaslang ng kanilang mga kapatid. Nais nilang iparamdam sa Punong Heneral ang sugat na wumasak sa kanilang mga puso at dignidad.

"Walang karapatang mabuhay ng kanyang mga laman gayong pinatay niya ang aming mga supling! Hindi siya ang panginoon ng digmaan kundi siya ang panginoon ng kamatayan--"

Nahiwa ang maselang laman ng bilango na pumutol sa hininga nito. Bumagsak ito ng hindi nasisilayan ang mukha na hinahanap nito.

Bumaba ang tingin ni Yura sa mga bilanggong nakalugmok sa lupa. Hindi mahalaga sa kanya kung siya ang makakatanggap ng galit ng mga ito, ngunit wala siyang palalapasin kapag pamilya niya ang pinagbabantaan. Hindi siya katulad ng kanyang Ama na nagbibigay ng pangalawang pagkakataon, o si Yanru na naghihintay na sumuko ang kanyang kalaban at tanggapin ng mga ito ang kanilang pagkatalo.

Ang agresibong paglusob ng mga bilanggo ay nauwi sa pagbuklat ng mga luma nilang sugat ng dumaan ang patalim ni Yura sa mga parteng gigising sa pakiramdam ng mga bilanggong makaramdam ng sakit. Lihim na pinainom ang mga ito ng gamot na nilalagay sa kanilang mga pagkain at inumin upang maging manhid ang kanilang katawan sa sakit.

Ang medisina ay ilan lamang sa mga nagawa ni Yeho na hindi pumasa sa mga marka ng kanyang kapatid dahil hindi pa nito nahanap ang natitirang sangkap upang maging mabuting gamot ito sa katawan. Kung iinumin ito ng hindi pa nakukumpleto tiyak na mamatay ang gagamit nito ng hindi nito namamalayan. Hindi lingid kay Yeho na may palihim na kumukopya ng mga gamot na kanyang ginagawa. Pinahintulutan nito iyong mangyari upang madiskubre kung sino ang nangahas na nanakawin ito sa kanya. Natuntun ni Yeho na pumapasok ang kopya ng kanyang mga medisina sa loob ng palasyo ng imperyal.

Ang medisinang nililikha ng kapatid niya para sa hukbong Goro ay lapastangang ginagamit sa mga mandirigmang bilanggo na kalaban ng kanilang imperyo.

Umangat ang tingin ni Yura sa kinaroroonan ng Emperador. Paano nagagawa ng kanyang ama na maging tapat sa imperyo gayong ang tunay na traydor ay nakaupo sa trono?

Bumuhos ang sigawan ng mga tao matapos nilang matauhan. Hindi nila nakitang gumalaw ang Lu Ryen sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi nakaligtas sa kanilang paningin ang pagpapakawala nito ng nakatagong patalim sa kanyang kamay tungo sa mga mandirigmang bilanggo. Walang pumatak na dugo ngunit malalim ang mga daplis ng sugat na dumaan sa mga maselang parte ng kanilang katawan. Dahilan upang mamilipit ang mga ito sa sakit bago malagutan ng hininga.

"H-Halimaw... ito ba ang tinatagong kahinaan ng Zhu?" bulong ng isa sa mga nanonood na tila kinalibutan sa kanyang nasaksihan.

"Kahibangan, sino man ang maniniwala nito ay isang malaking kalokohan."

"Kung may tama man sa sinabi ng mandirigmang bilanggo, iyon ang Panginoon ng Kamatayan. Subalit hindi ito ang Punong Heneral. Dahil kung naging Heneral ang Pangalawang Xuren ng Zhu, natitiyak kong wala itong bubuhayin..."

Mabilis na nagbigay daan ang mga nakaharang na kawal ng imperyal ng humarap sa kanila ang Lu Ryen. Pakiramdamn nila ay hindi nababagay ang Pangalawang Xuren ng Zhu sa ganitong paligsahan. Isang malaking insulto sa pangalan nito ang mapabilang sa laro ng mga maharlika.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon