ANBNI | 19: Ang Emperatris Ng Imperyong Salum

346 31 3
                                    

"Lapastangan!" kasabay ng pagbitaw ni Kaori ng katagang iyon ay tumuloy ang kanyang patalim sa leeg ng lalaking nakakulay-abo ang kasuotan. Umapaw ang galit dibdib ng bantay ng makita niya ang paraan ng tingin nito sa kanilang Xuren. Subalit bago pa lumapat ang kanyang patalim, mabilis na hinawakan ni Yura ang balikat ni Kaori upang hilain ito sa kanya.

Lumikha ng matinis na ingay ang pagtatama ng matalim na bagay sa espada ni Won ng harangin nito ang matulis na patalim na sana'y babaon sa dibdib ni Kaori. Humigpit ang pagkakahawak ni Won sa kanyang sandata ng maramdaman niya ang matinding panginginig nito, tanda na hindi simpleng estranghero ang nasa harapan nila. Hinarang ni Won ang kanyang katawan ng makita niya ang lalim ng tingin na binibigay nito sa kanilang Xuren.

"Won." tawag ni Yura sa kanyang kaliwang bantay ng maramdaman niya ang binabalak nito.

Hindi man kumakalma ay ibinaba ni Won and espada niya ng marinig ang babala sa tinig ng Xuren, subalit nanatiling nakabantay ang tingin niya sa magiging kilos ng lalaking nakakulay-abo.

"Kung hindi ko gagalawin ang mga bantay mo, hindi ko makukuha ang atensiyon mo." ang wika ng nakakulay abo na lalaki ng muli niyang nasilayan ang mukha ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Sadyang ang mukhang ito ay bumaon ng malalim sa alaala niya, pitong taon man ang lumipas ay hindi ito nawaglit sa isipan niya.

"Nais mong magtago sa iyong mababang kasuotan kaya bakit hindi mo ito panindigan?" hindi na hinintay ni Yura ang tugon nito.

Nalilibang ang tinging sinundan ng nakakulay-abong lalaki ang papalayong Lu Ryen na nanatiling malamig sa kanya pagkatapos siya nitong makilala.

Bago sila makarating sa Palasyo ng Emperatris, binalikan ni Yura ang dalawa niyang bantay. Mariing yumuko ang mga ito dahil malinaw sa kanila ang kanilang pagkakamali. Hindi man nagpakilala ang lalaking nakakulay-abo, sapat na ang kaalamang nakikilala nito ang kanilang Xuren ngunit nanatili parin itong mapangahas. Pagpapakita na may mataas itong posisyon sa Palasyo ng imperyal. Bago sila tumapak sa teritoryong ito, ibinigay sa kanila ng Xuren ang lahat ng bagay na kailangan nilang malaman.

Hindi masisisi ni Yura ang mga bantay niya, nahasa ang mga ito upang protektahan siya. Madalas silang nalalagay sa mapanganib na sitwasyon at lahat ng nakakaengkwentro nila ay nakakapalitan nila ng patalim. Siya ang nagdadala ng peligro sa buhay ng mga ito dahil bawat desisyong pinipili niya ay may kaakibat na panganib. Nagsimulang umusbong ang galit sa dibdib ni Yura dahil sa kakulangan niya ng kapangyarihang protektahan ang mga tauhan niya. Ngayon ay unti-unti ng nauunawaan ni Yura ang bagay na nais ipaunawa ni Yanru sa kanya. Kung may nais siyang protektahan, hindi siya magdadalawang isip na gamitin ang sarili niya bilang pansanggalan. Subalit hanggang ngayon ay nag-iwan parin ito ng mapait na marka sa alaala ni Yura.

Bumaba ang kapatid niya sa posisyon nito bilang Pangunahing Xuren ng Punong Heneral upang protektahan ang isang alipin ng Palasyo ng imperyal na pinaglalaruan ng Pang-apat na Prinsipe ng Emperador. Napuno ng mga sugat ang buong katawan ng alipin dahil sa mga daplis ng palaso na dumaan dito. Nang makita ito ni Yanru, hindi ito nagdalawang isip na protektahan ang alipin mula sa mga palaso. Hindi ito iniwasan ng kapatid niya kahit na may kakayahan itong gawin iyon. Ang Pangunahing Xuren ng Zhu na maagang sumuong sa digmaan upang protektahan ang lupain ng imperyo ay nagawa lamang sugatan ng isang marahas na Prinsipe. Niluluhuran ang Prinsipe dahil sa kanyang titulo habang ang kapatid niya ay niyuyukuran dahil sa binuhos nitong dugo't pawis sa imperyo.

Sumidhi ang kagustuhan ni Yura na palayain ang kanyang Ama at kapatid sa ilalim ng pamilya ng imperyal. Hindi siya papayag na magamit ang huling patak ng dugo ng mga ito upang iangat ang trono ng Emperador sa buong lupain. Pinapangako niya sa sariling magkakaroon siya ng kakayahang protektahan ang mga taong mahalaga sa kanya.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon