ANBNI | 46: Ang Kasunduan

297 20 18
                                    

Nayanig ang lupain ng Nyebes sa sunod-sunod na pangyayaring naganap sa kanilang kaharian. Ang rebelyon na inaasahan ng lahat mula sa mga tulisan ay hindi dumating kundi ang mga matataas na opisyales ang dinakip at hinubaran ng titulo. Maging ang Punong Opisyal na kapatid ng reyna ay hindi nakaligtas sa paglilitis. Dahilan upang magsimulang bumuhos ang mainit na usapin sa loob ng kapitolyo.

"Anong nangyayari? Bakit ang mga opisyales ng ating lupain ang nahatulan ng pagtataksil sa kaharian?"

"Nais ng mga maharlika na pagtibayin ang kanilang impluwensiya gamit ang hukbong bubuuin ng mga opisyales sa pamumuno ng Punong Opisyal. Ginamit ng mangangalakal ang pagkaganid ng mga ito sa kapangyarihan upang palawakin ang kanilang kalakal sa lupain. Sila din ang nagbibigay ng mga armas sa mga bandido. Ang mga batang lalaking alipin ay pinagbibili nila sa mga ito! Kung hindi ito isang kataksilan, anong dapat na ipataw sa kanila?"

"Sinaid ng Pangalawang Prinsipe ang lahat ng pag-aari ng mga Punong Mangangalakal na sangkot sa gawaing nakasaad sa aklat-talaan. Lubos na hinahangaan ko ang kinalabasan ng paghahatol ng ating kamahalan! Patunay na naging patas at matigas ito sa kanyang desisyon. Marahil ito ang dahilan kung bakit ito ang napiling delegado ng mahal na Emperador."

"Higit pa ryan, natunton ni Heneral Yulo ang mga pugad ng mga bandido maging ang pinagtataguan ng kanilang mga armas. Wala silang nagawa ng suyurin ng hukbo ang kanilang teritoryo! Ang kinatatakutan nating paglusob ng mga rebeldeng ito ay natuldukan na. Sadyang isang malaking kataksilan ang nais ng mga sakim na opisyales na bumuo ng bagong hukbo gayong mahabang panahon na tayong nasa proteksiyon ng Lehiyong Goro!"

Mahinang napasipol si Kaori sa kanyang narinig ng dumaan sila mula sa mga nagkukumpulang mga tao. Nakangising binalingan niya ang matangkad na bantay. "Hindi mo ba ako pupurihin?" Nanunukso ang tinging sinundan niya si Won. "Nagtatampo ka ba dahil sa akin ito ipinagkatiwala ng Xuren?" Abot-tenga ang ngiting sunod na tanong ni Kaori dito.

Won, "Hindi ko mahihigitan ang talas ng iyong pang-amoy at kahusayan mong sumabay sa anyo ng kagubatan. Batid ng Xuren na hindi nila mararamdaman ang presensiya mo kung bakit hindi siya nagdalawang isip na ipagkatiwala ito sayo."

Binawi ni Kaori ang kanyang pagkakangisi sa sinabi ng matangkad na bantay. Ikinubli niya ang kanyang ekspresiyon, namumula ang gilid ng tenga na napakamot siya sa kanyang batok. Tinutudyo niya man si Won subalit hindi siya handa sa naging sagot nito. "Anong nangyari sayo? Sandali lang akong nawala pero natuto ka ng tumugon ng hindi ako iniinsulto. Huwag mong sabihing kailangan kong mawala bago mo maramdaman ang halaga ko?"

"Kaori." Malalim na napahugot ng buntong-hininga ang matangkad na bantay "Marahil kung nandito ka..." Pahihintulutan ng Xuren na damayan mo siya ng gabing iyon. Alam kong mas makikinig siya sayo... May tiwala si Won na kaya niyang protektahan ang Xuren sa ano mang panganib, subalit pagdating sa damdamin nito wala siyang kakayahang harangin ang mga bagay na makakapanakit dito.

"Won?" Puna ni Kaori ng matagal itong nanahimik.

"Ba't di ka muna magpalit bago ka magpakita sa Xuren? Itago mo rin ang mga galos mo upang hindi siya mag-alala sayo." Malalaki ang hakbang na iniwan ito ni Won.

"Eh? Gusto kong mag-alala siya sa'kin!" Natatawang sumunod dito si Kaori.

Matapos maglaho ng dalawang bantay sa kabisera. Okupado naman ang kanilang Xuren sa kaharap nitong panauhin.

"Masyado pang maaga upang magdiwang ako ngunit hindi ko gustong palagpasin ang pagkakataong ito." Niyakap ng mga daliri ni Siyon ang kopa. Marahang ninamnam niya ang pagdaloy ng alak sa kanyang lalamunan. "Masalimuot na paglalayag sa karagatan ang tinahak ng inuming ito bago makarating sa atin. Magtatampo ang inumin kung hindi niya tayo malalasing." Sinalinan ng Ikalawang Prinsipe ng alak ang kopa ng Lu Ryen.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon